News Update
Price Control ipinanawagan
Ma. Vanessa M. Balana/Dreamylyn C. Cabarles/Ma. Bianca Haina Ll. Mangente
Dahil sa patuloy na pagtaas ng
presyo ng bigas at iba pang batayang bilihin, nanawagan kay Pangulong
Arroyo ang grupong Gabriela na kontrolin ang presyo ng mga
bilihin alinsunod sa Price Act of 1992.
Inihalintulad ni Nerissa Guerero,
tagapagsalita ng Gabriela, ang kasalukuyang kalagayan ng bansa sa isang natural
na kalamidad.
"Walang ibang dapat papanagutin
sa ganitong sitwasyon kundi ang gobyerno ni Arroyo at nanawagan kami na
kontrolin ang presyo upang matigil na ang kadusta-dustang kalagayang
ito," giit ni Guerero.
Umano’y naipatupad na ni dating
Pangulong Corazon Aquino noong 1990 ang kontrol sa presyo ng mga bilihin sa bisa
ng Executive Order 423. Iniutos niya ang “price
ceiling” sa ilang mga batayang bilihin upang maiwasan ang hindi
makatarungang pagtaas ng presyo.
Naniniwala ang Gabriela na may
kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Samantala, nagbabala ang Bayan
(Bagong Alyansang Makabayan) laban sa pagkakaloob ng emergency powers kay Arroyo para maibsan ang krisis.
“Naniniwala kami na hindi na kailangan
pang bigyan ng karagdagang kapangyarihan ang Pangulo. Maaari namang ipatupad
ang nariyan nang mga regulasyon kung talagang sinsero ang pamahalaan sa
pagtulong sa taumbayan,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang
kalihim ng Bayan.
Mungkahi ng grupo, magsusumite ng resolusyon ang
Pangulo sa Kongreso na isuspindi ang 12% Value Added Tax o VAT. Sa pamamagitan
nito, bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo nang P5 hangang P6 kada
litro at nang P69 bawat tangke ng LPG (liquefied petroleum gas).
RSS