News Update

RA 9481: Malaking tulong sa pag-uunyon ng mga manggagawa

Atty. Remigio Saladero Jr.

HINDI MAITATWA na sa pagtatayo ng isang tunay at militanteng unyon sa kompanya, ang manedsment ang isa sa mahigpit na tumututol. Hindi pa umiinit ang petisyon para sa certification election na isinampa ng mga manggagawa, nandiyan  na ang motion to dismiss o di kaya’y pagtutol ng manedsment. Gamit  ang mga abogado mula sa malalaking opisina, lahat ng butas ng batas ay kanilang sinisilip huwag lamang makapag-unyon ang mga manggagawa.

Puwes, sa ilalim ng Republic Act No. 9481 na naging batas nitong Mayo 25, 2007, hindi na maari ang ganitong gawain ng manedsment. Tahasang sinasabi ng batas na ito na walang karapatan ang manedsment na makisawsaw o makialam sa petisyon para sa certification election ng mga manggagawa. May karapatan siyang mabigyan ng abiso tungkol sa petisyon ngunit hanggang dito lamang. Hindi siya maaaring magpaabot ng kanyang oposisyon o pagtutol sa hinahangad na certification election ng mga manggagawa.

Binigyan din ng mas malawak na karapatan ng RA 9481 ang mga pederasyon. Dati-rati, kahit na pederasyon na ang nagsampa ng petisyon, kailangan pa ring banggitin ang pangalan ng kanyang mga miyembro at opisyal sa kompanya. Dahil dito, kilala na ng manesdsment kung sino ang gagapangin o tatakutin para huwag magka-unyon sa kompanya.

Ngunit ngayon, sa bisa ng RA 9481, hindi na kailangang banggitin ng pederasyon kung sino ang kanyang mga kasapi sa kompanya. Maaari siyang magsampa ng petisyon para sa certification election nang hindi binabanggit kung sino ang mga manggagawa sa kompanya na kanyang kasapi.

Kung minsan ay nagkakamali ang unyon at naisasama  sa kanyang kasapi ang mga manggagawang confidential, technical, o labas sa bargaining unit. Ginagamit ng manedsment ang ganitong sitwasyon na dahilan para ipakansela ang rehistro ng unyon. Ngayong may RA 9481 na, hindi na mangyayari ito. Sinasabi ng batas na ito na ang pagsama ng unyon sa mga manggagawang labas sa bargaining unit sa kasapian nito ay hindi dahilan upang mawalan ng rehistro ang unyon. Aalisin na lamang sa listahan ng kasapian nito ang diskuwalipikadong mga manggagawa.

Dati ay hindi rin puwedeng magsama sa isang pederasyon ang unyon ng rank and file na mga manggagawa at unyon ng mga superbisor sa isang kompanya. Kailangang magkaiba sila ng pederasyon. Ngayon, sa bisa ng RA 9481, ay puwede na. Kahit na magkatulad ng pederasyon ang unyon ng mga rank-and-file at unyon ng mga superbisor, hindi na ito ipinagbabawal.

Masyadong mahigpit ang dating batas pagdating sa obligasyon ng unyon na magbigay ng ulat o report sa Department of Labor. Halimbawa, kailangang magbigay ng taunang listahan ng mga kasapi o di kaya’y ulat pampinansiya ang unyon. Kung hindi ay maaari itong  matanggalan ng rehistro. Ngayon ay hindi na ito batayan para tanggalan ng rehistro ang unyon. Maaari na lamang parusahan ang kanyang mga opisyal dahil sa hindi pagbibigay ng taunang ulat, pero hindi maaaring parusahan ang unyon dahil sa kanilang kapabayaan.      

Sinasabi din ng RA 9481 na hindi maaaring maantala ang isang certification election dahil lamang sa may petisyon para kanselahin ang rehistro ng isang unyon. Inuutos din  ng nasabing batas ang agarang  pagsasagawa ng certification election kahit sa mga kompanyang may unyon basta’t umabot sa 25 porsiyento  ng mga manggagawa ang nakapirma sa petisyon sa panahon ng freedom period.

Malaking tulong nga itong RA 9481 sa pag-oorganisa ng mga manggagawa. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi pumirma bilang pagsang-ayon sa nasabing batas si Pang. Arroyo. Ganoon pa man, hindi rin niya nagawang i-veto o tutulan ito at baka magkaisa ang lahat ng unyon at kumilos laban sa kanya.

Sinasabi sa ating Saligang Batas na pagkalipas nang 30 araw at hindi inaksyunan ng Pangulo ang isang panukalang batas ay magkakabisa ito. Kaya ganun na nga ang nagyari sa RA 9481. Naging batas ito kahit walang lagda si Pang. Arroyo. 
Harinawa’y matutunang gamitin nang maayos ng ating mga  manggagawa ang RA 9481 sa pag-oorganisa sa kanilang hanay.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options