News Update
Maghaleluya Sa Kaitaasan
Kahit hindi ang pagdami ng populasyon ang pangunahing dahilan ng paglaganap ng karalitaan kundi, higit sa lahat, ang tiwaling balangkas ng lipunang kontrolado lamang ng iilan ang pambansang ekonomiya’t pulitika, mahirap pa ring pasubaliang responsabilidad ng Simbahan na tumulong – sa pamamagitan ng pulpito at mga patakaran nito – sa pagkontrol sa mabilis na pagdami ng populasyon habang, sa kabilang banda, lumulubha ang krisis sa pagkain, lupa’t pabahay, kalusugan at edukasyon, at iba pang pangangailangan ng nakararaming miserableng mga mamamayan.
Batay sa datos ng NSO (National Statistics Office), umabot na ng 88.57 Milyon ang populasyon ng Pilipinas noong Agosto 1, 2007, gayong 76.5M lamang ito noong 2000. Ibig sabihin, naragdagan na agad ito ng 12.07M sa loob lamang ng pitong taon at, ayon sa pagsusuri, mga 2.1% ang patuloy na madaragdag taun-taon kung hindi mahahadlangan ang mabilis na produksiyon ng sanggol sa bansa. Ano, kung gayon, ang magiging resulta nito? Tiyak, milyun-milyong mamamayan ang masasadlak sa higit pang karalitaan, “kulang sa pera, kulang sa damit, kulang sa pagkain, walang lupa, walang bahay, walang-wala,” sabi nga ng isang makata.
Samantalang ipinangalandakan ni Papa Benedict XVI sa kanyang pagdalaw sa Amerika kamakailan ang kapakanang panlipunan at kahalagahan ng mga karapatang pantao, lubhang balintuna naman na, magpahanggang ngayon, mahigpit na tinututulan ng Simbahan at itinuturing nitong imoral ang artipisyal na “birth control” o paggamit ng kondom, IUD (intra-uterine device), pildoras at iba pang panghadlang sa pagbubuntis. Sagad nga hanggang langit ang pagtutol ng Simbahan sa aborsiyon o puwersahang paglalaglag sa nabubuong “fetus” sa obaryo ng ina pero aborsiyon na ba ang hadlangan lamang na magtagpo ang semilya ng lalaki at itlog ng babae? O baka ang onanismo o pagsasalsal ay aborsiyon na rin sa makitid na pananaw ng Simbahan?
Waring doble-kara tuloy ang paninindigan ng Simbahan sa bagay na ito. Noong dekada ’60 nang kainitan ng giyera sibil sa dating Belgian Congo, pinahintulutan ng Vatican na uminom ng pildoras ang mga madre doon upang hindi mabuntis kung sakaling magahasa ngunit, noong dekada ’90, sa digmaan ng Serbia at Kosovar, tinuligsa naman ni Monsignor Elio Sgreccia – tagapayo ng Papa noon – ang pag-inom din ng pildoras ng kababaihang Kosovar upang hindi mabuntis dahil ginagahasa ng mga sundalong Serbian. Ano nga ba ang pagkakaiba ng mga madre sa kababaihang Kosovar? O banal na espiritu lamang ang puwedeng bumuntis sa mga madre, halimbawa’y gaya ng nangyari diumano sa ina ni Noah at sa ina naman ni Jesus nang malaon?
Natural, hindi makatarungang ilaglag mula sa obaryo ng ina ang nabubuong sanggol kung bunga ng mataos na pagmamahalan. Pero kung produkto ng panggagahasa, sabi nga ni Dr. Eva Sabachi ng Marie Stopes International tungkol sa mga babaing Kosovar, “pinakamasamang magagawa ng Vatican na payagang isilang ng mga babaing iyon ang bunga ng panggagahasa, lalo na’t ang gumahasa sa kanila’y mismong pumatay sa kanilang mga asawa at kapatid.”
Nabanggit nga lamang sa Bibliya ang aborsiyon sa Exodus 21:22-25 na napakalayo sa pakahulugan ngayon ng Simbahan at waring itinuturing na nitong aborsiyon na rin ang artipisyal na “birth control” kaya tinututulan at tinututulan nito ang paggamit ng kondom, IUD, pildoras at iba pang panghadlang sa pagbubuntis para mahadlangan ang mabilis na pagdami ng populasyon. Sa naturang teksto, parurusahan ang sinumang lalaking nanakit ng buntis na naging dahilan upang ito’y makunan o malaglag ang ipinagbubuntis. Wala namang sinabing aborsiyon na ang paghadlang pa lamang sa pagbubuntis.
Makatuwiran tuloy, at lubhang napapanahon, na ibasura na ng Simbahan ang napakamoralista’t panatikong paniniwala nito tungkol sa aborsiyon at, sa halip, ipahintulot na nito sa kanyang mga deboto ang artipisyal na “birth control” upang mahadlangan ang mabilis na pagdami ng populasyon at paglaganap tuloy ng karalitaan. Maisusulong pa ng Simbahan, kung tutuusin, ang sinasabi ni Papa Benedict XVI na kapakanang panlipunan. Alin nga ba ang higit na imoral at kasalanang mortal: ang paggamit ng kondom, IUD, pildoras at mga katulad nito o ang pagpapahintulot na lumaganap ang karalitaan at gawing higit pang miserable ang pamumuhay ng nakararaming mamamayan?
Sabagay, sa kabilang banda, patuloy namang yumayaman ang Simbahan sa pawis at dugo ng milyun-milyon at mabilis na nararagdagan nitong mga deboto hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Batay sa pinakahuling mga datos, mga $1-Trilyon na ang yaman nito ngayon at, dahil sa kayamanan nito, nagawa pa nga nitong magbayad ng $2 bilyon mula lamang noong 1950 sa mga biktima ng pagmomolestiyang seksuwal ng mga 4,000 pari nito sa Amerika lamang.
O talagang mapapalad ang mga maralita at mapasasakanila ang kaharian ng langit kaya tinututulan ng Simbahan ang artipisyal na “birth control” at doble-kara, hanggang ngayon, ang paninindigan nito sa bagay na ito? Hindi bale na ngang dumami nang dumami sa mundo ang miserable ang buhay – sa punto ng Simbahan – basta’t huwag kalilimutang maghaleluya sa kaitaasan. --- RLO
RSS