News Update

Sa gitna man ng dagat, may karapatan pa rin

Atty. Remigio Saladero Jr.

Hindi hamak na tulong ang naibibigay ng mga marinero sa ating bansa. Sa lahat ng nangingibang bansa, ang kanilang sektor ang pinakamalakas kumita ng dolyar. Ngunit alam ba ninyo na katulad ng mga land-based workers, sila rin ay biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga amo? Ang kaso ng “Dante de la Cruz vs. Maersk Filipinas Crewing, Inc., et. al.” (G.R. No. 172038) na denisisyunan ng Korte Suprema noong Abril 14, 2008 ay naglalarawan sa sitwasyong ito.

Sa nasabing kaso, nagtrabaho bilang 3rd engineer sa isang barko itong si Dante. Overseas ang kanilang biyahe at siyam na buwan ang kontrata ni Dante rito.

Isang buwan pa lamang si Dante, hindi na masaya sa kanya ang banyaga na chief engineer ng barko. Itinala ng chief engineer sa log book na hindi raw nagagampanan ni Dante ang trabaho na dapat gampanan ng isang 3rd engineer at kung hindi daw siya magbabago, tiyak na matanggal siya ayon sa collective bargaining agreement (CBA) na umiiral sa barko. Ayon sa nasabing CBA, ang lahat ng tripulante sa barko ay ituturing na probationary employee sa unang dalawang buwan at maari silang tanggalin kung hindi masaya sa kanilang trabaho ang manedsment.

Noong sumunod na buwan, nakatanggap si Dante ng abiso mula sa manedsment na siya ay tinatanggal na sa kanyang trabaho dahil hindi kontento sa kanyang pinakita ang chief engineer ng barko.

Walang nagawa si Dante kundi ang bumaba ng barko.

Pagdating sa Pilipinas, agad siyang nagsampa ng kasong illegal dismissal laban sa may-ari ng barko kasama ang crewing agency na kumuha sa kanya rito. Pinanalo si Dante ng labor arbiter at binigyan ng danyos na tatlong buwang sahod. Naghabol ang manedsment sa National Labor Relations Commission (NLRC) ngunit ganun pa rin halos ang desisyon. Umakyat sa CA (Court of Appeals) ang manedsment at nabago ang ihip ng hangin. Pinanalo ang CA ang manedsment dahil dapat daw paniwalaan ang nakasulat sa logbook ng barko. Bilang isang probationary empoyee, maari daw tanggalin si Dante kapag hindi kontento sa kanyang trabaho ang manedsment.

Hindi nawalan ng pag-asa si Dante. Dinala niya ang kaso sa Korte Suprema.
Naging pabor ang desisyon ng Korte Suprema kay Dante. Una, sabi ng Korte Suprema, hindi maaring ituring na probationary employee si Dante. Ang kanyang trabaho ay isang taon lamang ayon sa kanilang kontrata ng manedsment ng barko. Ito ay isang fixed-contract employment. Walang probationary status sa ganitong sistema dahil hindi nagiging regular ang mga manggagawa dito kungdi naaalis pagkatapos ng kanilang kontrata.

Bagamat sinasabi ng CBA ng barko na may probationary period ang mga marinero, hindi ito maaring mangibabaw sa POEA Standard Contract na siyang batas tungkol sa bagay na ito. Kaya dapat sundin ang sinasabi ng POEA Standard Contract, paglilinaw ng Korte Suprema.

Ano ngayon ang sinasabi ng POEA Standard Contract tungkol sa tamang pagtanggal sa isang marinero? Kailangan ang dalawang abiso kay Dante, paglilinaw ng Korte Suprema. Ang unang abiso ay magsasabi sa kanya kung anong patakaran ang kanyang nalabag o hindi nasunod, kung anong oras at petsa niya ito nagawa, at hihingi ng kanyang panig tungkol rito. Kailangan ding imbestigahan ng manedsment ang reklamo laban sa kanya. Ang pangalawang abiso naman ay magsasabi sa kanya kung anong kaparusahan ang ipinataw ng manedsment sa kanyang pagkakamali.

May nakasulat nga sa logbook ng barko tungkol sa hindi pagiging kontento ng chief engineer sa serbisyo ni Dante, ngunit ito ay masyadong malawak at hindi nagbabanggit ng partikular na mga pagkukulang ni Dante. Hindi rin nababanggit nito ang petsa o oras kung kailan nagawa ni Dante ang sinasabing pagkukulang. Hindi rin sinasabi nito kung paano hindi naging kanais-nais ang trabaho ni Dante bilang 3rd engineer. Bukod rito, hindi rin sinasabi sa logbook na hiningan ng paliwanag si Dante at inimbestigahan ng manedsment ang sinasabi nilang pagkukulang niya sa trabaho.

Ganoon din ang notice of termination na pinadala sa kaniya. Hindi rin sinasabi nito ang partikular na pagkukulang na kanyang nagawa, maliban lamang sa salitang hindi kontento ang chief engineer sa kanyang trabaho.

Nasa manesdment ang tungkulin para patunayan na may sapat na dahilan ang pagkatanggal ni Dante sa kanyang trabaho. Ngunit hindi malinaw kung ano talaga ang nalabag na patakaran ni Dante. Kung ganoon, wala siyang nagawang paglabag, sabi ng Korte Suprema. Ang manedsment ang lumabag sa batas sa ginawang pagtanggal sa kanya.

Binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals at ibinalik ang desisyon ng NLRC na nagbibigay ng danyos kay Dante dahil sa maling pagtanggal sa kanya ng manedsment.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options