News Update
Ang makapangyarihang pagbabago ng timbangan
Sa ilalim ng namamayaning sistemang republikano sa Pilipinas – kasama na ang malalang pagbaluktot, pagsalaula, at mga aberya nito sa praktika – matinding napapaboran ang sangay-ehekutibo. Makakamit lamang ang tunay na “check and balance” sa tatlong sangay ng pamahalaan kung may dinamikong interaksiyon at pakikipagkaisa ang isa o parehong sangay (lehislatibo at hudikatura) sa mga sektor ng lipunan, laluna sa demokratikong kilusan ng protestang masa.
Nitong Abril 15, katuwa-tuwang nasorpresa ang 200 demonstrador, kabilang ang 120 nagkaraban patungong Baguio City mula Maynila, nang payagan silang magmartsa hanggang sa bungad ng bakuran ng Korte Suprema sa halip na kagyat na buwagin ng daan-daang pulis. Nauna rito, ang kanilang mga kinatawan ay pinapasok sa opisina ni Chief Justice Reynato Puno ng Clerk of Court.
Bilang kinatawan ng Bayan, ako po, at sina Fr. Joe Dizon (Solidarity Philippines) at RC Constantino, ay naghatid ng isang bukas na liham sa Korte Suprema (www.petitiononline.com/toSC/petition.html). Pirmado iyon ng 36 na indibidwal na kumakatawan sa pampulitikang bahaghari, gaya ng mga obispong Protestanteng sina Felixberto Calang (IFI), Alex Wandag (ECP), Roman Tiples (UCCP) at Filomeno Ang (IFI); Maita Gomez (Action for Economic Reforms); Bro. Armin Luistro (Lasallian Justice and Peace Commission); Rafael Mariano (Anakpawis); Betina Legarda (Concerned Citizens Movement); Leloy Claudio (kaguruan ng Ateneo de Manila); Prop. Ramon Guillermo (kaguruan ng UP); Atty. Adel Tamano (Uno); Raymond Palatino (Kabataan Party-list) at Netty Sillacos (Citizens for ConCon).
Nananawagan ang liham para muling pag-aralan ang 9-6 na desisyong mayorya na umaayon sa paggamit ni dating Direktor-Heneral Romulo Neri ng Neda sa pribilehiyong ehekutibo laban sa tatlong tanong sa kanya ng mga senador na nag-iimbestiga sa maeskandalong kasunduang NBN. Dagdag dito, hiniling sa tatlong justice – Brion, Velasco at Corona – na huwag bumoto sa MR (motion for reconsideration) na isinampa ng Senado. Kaduda-duda kasi ang kanilang kaugnayan sa Malakanyang, kaya nakakompromiso ang kanilang boto.
Naglipana ang mga babala na nagsasabing pag-aaksaya lang ng oras ang MR sa harap ng napatunayan nang impluwensiya ng Malakanyang sa mayorya ng mga justice sa kaso ni Neri. Kaya tunay na nakakatuwang ginhawa ang desisyon ng Korte na tanggapin ang MR. Malinaw na naging babala ang malawakang negatibong reaksiyon ng mga personalidad sa larangan ng batas at labas dito – kasama sina dating Chief Justice Artemio Panganiban, dating Justice Isagani Cruz at konstitusyunalistang si Fr. Joaquin Bernas – at ang maliit pa rin pero dramatikong aksiyong protesta sa pagsasampa ng MR sa Maynila at sa deliberasyong en banc ng SC sa Baguio, sa mayorya ng mga justice na huwag kagyat na ibasura ang MR, kundi’y dedelubyo ang mga protesta.
Mas malalim ang isyu kesa sa “katotohanan at pananagutan” sa tiwaling kasunduang NBN-ZTE o kay Gng. Arroyo. Tungkol ito sa kung paanong malinaw na pumapabor ang buong sistema ng paghahari sa bansa, kung hindi maiwawasto, sa pangkating nasa poder at kung paanong may nakatakdang mga hakbangin at mekanismo na puwedeng salaulain para panatilihin ang di-makatarungang status quo, sa kapinsalaan ng nakararami.
Anuman ang maging pasya ng Korte Suprema, tiyak na iyon ay itatakda hindi lamang ng mga nagaganap sa larangang hudisyal. Mahalaga ang nakamit nating leksiyon sa di-mabilang na pakikibaka sa kontra-mamamayang mga patakaran ng estado, katiwalian sa poder at tigas-ulong pag-abuso sa awtoridad: Hindi puwedeng sumandig lamang ang mga mamamayan sa Kongreso, kahit sa medyo oposisyunistang Senado, o sa “korte ng huling hantungan” para sapat at epektibong maiwasto ang isang walang-pakundangang awtokratikong Punong Ehekutibong tulad ni Gng. Arroyo.
Kailangan ang demokratikong kilusang protesta – mga martsa sa lansangan; pulong-masa sa mga sakahan, pabrika, paaralan at komunidad; mga sirkulo ng tunay at walang sagkang “pagsusuri” sa hanay ng panggitnang mga puwersa; kritikal na pagsusuri at panawagan ng pagkilos sa masmidya; at matatag, prinsipyadong pagtutol mula sa ibaba kahit sa balwarte ng konserbatismo at reaksiyon tulad ng Parlamento, burukrasyang sibilyan at militar, at sa institusyunal na mga simbahan – para malikha ang makapangyarihang pagbabago ng timbangan.
Para makapangibabaw, kinakailangan ng pakikibaka ng sambayanan para sa demokrasya, katarungan, kasaganaang pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ang pagpupunyagi, tatag, pagsunggab sa lahat ng pagkakataon, paggamit sa lahat ng bukas na lagusan, pakikipagkapit-bisig at koordinasyon sa lahat ng positibong puwersa at paggalang sa pagkakaiba-iba, habang puspusang kumikilos nang prinsipyado.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 18-19 Abril 2008
RSS