News Update
Urong-sulong na resolusyon sa comfort women, binatikos
Binatikos ng mga kinatawan ng Gabriela Women’s Party ang pagbawi ng Kamara sa House Resolution No. 124 na nagsasabing dapat humingi ng tawad ang pamahalaang Hapon para sa panggagahasa ng mga sundalong Hapon sa mga Pilipina noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Duda nina Gabriela Rep. Liza Maza at Luzviminda Ilagan, isinakripisyo ng Kamara ang resolusyon dahil sa kontrobersiyal na Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o Jpepa.
“Nakakadismaya talaga na ang Kongreso ng Pilipinas ay urong-sulong sa pagpapatupad ng resolusyong ito. Samantalang may kagaya ring resolusyon sa US, Canada, Australia at The Netherlands na matatag na isinulong ng kani-kanilang Kongreso. Mukhang takot yata ang Kamara sa Japan,” ani Maza.
Daan-daang kababaihan noong panahon ng giyera ang naging comfort women o “parausan” ng mga sundalong Hapon na sumakop sa Pilipinas.
Samantala, dumulog rin sa Kamara kamakailan ang daan-daang biktima ng panggagahasa ng mga Hapon noong panahon ng giyera mula sa mga bansang South Korea, North Korea, Japan, Indonesia, United States at Taiwan para ipakiusap na huwag tuluyang bawiin ang HR 124.
RSS