News Update

Perspektiba

Carol Pagaduan-Araullo

SA PAANO man tingnan, ang mga aksiyong protesta noong Nobyembre 29 at 30 ay palatandaan na hindi pa resolbado ang matinding pampulitikang krisis ng rehimeng Arroyo simula nang malantad ang usapang “Hello Garci”. Marami ang hindi sang-ayon sa taktika ng pagkukuta sa isang otel na five-star at panghihikayat ng people power mula doon. Pero ilan lamang ang kokontra sa mga isyung inihapag nina Senador Antonio Trillanes at Heneral Danny Lim at sa kanilang panawagang patalsikin si Arroyo para magbigay-daan sa isang bagong gobyernong magpapatupad ng makabuluhang mga reporma. 

Hindi kudeta ang tunay na naganap noong Nobyembre 29, sa pakahulugang pang-aagaw ng militar sa kapangyarihan. Batay sa mga aksiyon nina Trillanes at Lim, umasa sila na ang pangahas nilang ginawa ay maghuhudyat ng isa na namang popular na pag-aalsa at pag-atras ng suporta ng militar at pulisya sa kanilang Punong Kumander.

Ang mga mabilis na kumondena at nagsabing ilehitimo ang walk-out sa korte nina Trillanes, gayundin ang kanilang protesta at stand-off sa Manila Peninsula para “tumutol nang may aksiyon,” sa salita ni Hen. Lim, ay dapat lumingon sa dalawang historikal na precedent: ang Edsa 1 at 2. 

Ang Edsa 1 ay pinangunahan ng isang nabigong kudeta. Pagkatapos, nagkuta ang mga rebeldeng militar at ang kanilang ninong, si dating Sek. Juan Ponce Enrile ng Tanggulan, sa Kampo Aguinaldo, naghihintay na arestuhin o durugin ng mga tropa ni Hen. Ver, chief of staff. Nanawagan si Jaime Cardinal Sin sa mga mamamayan na magtipon sa Edsa sa harap ng kampo para protektahan ang mga rebeldeng sundalo. Sa pagdami ng mga taong rumesponde sa Edsa at sa tarangkahan ng Malakanyang, at sa niyutralisasyon o pagbalimbing ng mga sundalong loyalista ni Marcos, pinayuhan ng emisaryo ng White House si G. Marcos: “Cut and cut cleanly”. Nagtabla ang labanan nang masarhan ang opsiyon ng diktador na gumamit ng puwersa para tapusin ang pag-aalsa. Noon na lumipad si G. Marcos, ang kanyang pamilya at barkada ng mga kroni at guwardiya, sa tulong ng gobyerno ng US.

Sa kabilang banda, walang dudang purong aksiyong sibilyan ang Edsa 2. Sa pagkakataong ito, ang pagtitipon ng malaking bulto ng mamamayan sa Edsa Shrine ay inihudyat ng pagwo-walk-out ng mga abogado ng prosekusyon sa kasong impeachment ni Pres. Erap Estrada. Ang militante at progresibong mga organisasyon, at ang kanilang mga tagasuporta, gayundin ang mga grupong simbahan tulad ng Couples for Christ, ang inisyal na critical mass sa Edsa Shrine na tumulong sa pagsustine sa malaking hanay ng mga mamamayan sa apat na araw ng tuluy-tuloy na protesta. Ang pagkaputol ng chain of command ng militar nang bawiin ni Angelo Reyes, hepe ng AFP, ang suporta kay G. Estrada, ang malinaw na bumago ng kalagayan nang pabor sa Kilusang Oust Estrada. Ang pinal na martsa ng libu-libong mamamayan na pinamunuan ng militanteng mga organisasyong masa sa ilalim ng Bayan ang literal na nagpatalsik kay G. Estrada mula sa Malakanyang.

Sa dalawang pangyayari, ang naganap ay direktang demokratikong aksiyon, bagaman ekstra-konstitusyonal, na nagpatampok sa pagiging ilehitimo ng isang nahubarang rehimen hanggang mapatalsik ito sa wakas nang maparalisa na ang armadong puwersa ng Estado.

Bakit hindi ito umubra ngayon? Malinaw na walang pormula o takdang resipi para magtagumpay ang isang people power sa pagtanggal sa isang gobyernong kasuka-suka at mapaniil. Ito’y dahil nagbabago ang mga kalagayan at sirkunstansiya at natututo ang mga kalahok, maging ang mga reaksiyonaryong sumunggab sa kapangyarihan matapos maging bahagi ng pagpapabagsak sa naunang reaksiyonaryong rehimen.

Lumalabas ngayon na bara-bara ang aksiyon sa Manila Pen, at nakatadhanang mabigo dahil hindi napag-isipan nang husto at hindi madaling lahukan ng karaniwang tao. Banggitin natin ang ilang kondisyon at huwag munang tukuyin ang susing salik: ang pagpili sa isang otel na five-star sa pangunahing distritong pangnegosyo sa Makati; ang kawalan ng iginagalang na mga lider ng progresibong mga organisasyon at karismatikong tradisyunal na pampulitikang mga lider na may suportang masa; ang mabilis na pagiging militarisado ng sitwasyon sa Peninsula kaya naging mahirap at mapanganib ang aksiyong protesta ng mga sibilyan; masyadong pagsandig sa espontanyo para makamit ang mga layunin; isang antas ng disorganisasyon na nakaapekto sa pampulitikang mensahe nina Trillanes sa publiko; at ang demokratikong kilusang masa na nasa proseso pa ng pagpapalakas mula sa sukdulang represyong pampulitika matapos ang proklamasyon ng emergency rule noong 2006.

Hindi dahil sa walang nangyaring people power noong Huwebes na iyon ay hindi na tutugon ang mga kababayan natin sa mga panawagang patalsikin ang isang gobyernong brutal, sagad-sagaring tiwali at bangkarote ang moralidad. Pinagtitibay lamang nito ang pagtingin, na pinanday ng praktikal na pulitika, na kailangang mag-build-up: tuluy-tuloy at walang patid na magsikap na ilantad ang kasamaan ng rehimen; imulat ang malawak na masa ng sambayanan, ibig sabihin, ang masa, gayundin ang maliit na panggitnang uri na nasa posisyong humubog sa opinyong publiko; at, hindi matatawaran, ang masikhay na pag-oorganisa para magkaroon ng solidong bag-as ng mga mamamayang mabilis na tutugon sa mga panawagang kumilos at magsustine ng mga aksiyong masa hanggang sa pinal at mapagpasyang tulak.

Dapat kilalanin at igalang ng sinumang mamumuno sa isa na namang pag-aalsang people power ang praktikal na karunungan ng mga mamamayan. Hindi siya dapat umasa lamang sa pagkasawa nila sa rehimeng Arroyo o sa kahandaan ng iilang pangahas na pasimulan ang isang inaasam na serye ng mga pangyayari.

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 7-8 Disyembre 2007

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options