News Update

Kondisyunal na Jpepa, pagsagip kay GMA mula sa kahihiyan?

in
Ilang-Ilang Quijano

Pagsagip kay Pangulong Arroyo mula sa kahihiyan sa gobyernong Hapon ang kondisyunal na pag-apruba ng Senado sa Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) na inirekomenda ni Sen. Mirian Defensor-Santiago, ayon sa No Deal! Movement.

Inihayag kamakailan ni Santiago, tagapangulo ng Senate Committee on Foreign Relations, na maaaring lumusot ang Jpepa kung aamyendahan ito para mawala ang 15 probisyon na diumano’y labag sa Konstitusyon.

Binatikos ng iba’t ibang grupo ang kasunduan na umano’y hahayaan ang Japan na magtambak sa bansa ng nakalalasong basura at murang mga produktong papatay sa lokal na industriya.
Palalalain din umano ng kasunduan ang krisis sa pagkain sa bansa dahil sa pagpasok ng mga kompanyang Hapon na magpapalit-gamit sa lupa para sa mga pananim pang-eksport.

Nominasyon ni Santiago sa ICJ

“Hindi ko maintindihan ang lohika ng panukala ni Senador Santiago. Matapos aminin na labag ang Jpepa sa 15 probisyon sa Konstitusyon, inirerekomenda pa rin niya ang pag-apruba nito...Walang ibang maaaring dahilan, maliban kung nais niyang isalba mula sa kahihiyan si Pangulong Arroyo sa gobyernong Hapon,” sabi ni Arnold Padilla, tagapagsalita ng grupo.

Nagtataka si Padilla kung may kinalaman ang pagpabor ni Santiago sa Jpepa sa nominasyon dito ni Arroyo sa International Court of Justice noong Hulyo 2007.

Pinirmahan ni Pangulong Arroyo ang Jpepa noong Setyembre 2006. Madaling niratipika ng gobyernong Hapon ang kasunduan dahil pabor ito sa kanila, ayon sa No Deal! Movement.

Kabilang sa mga probisyon ng kasunduan na labag sa Konstitusyon ang pagbibigay ng national treatment sa mga Hapon. Ibig sabihin, magiging pantay ang karapatan at pribilehiyo ng mga Hapon at Pinoy.

Sa ilalim pa ng Jpepa, ipagbabawal ang mga performance requirement. Ibig sabihin, walang kondisyon—tulad ng pag-eempleyo ng mga manggagawang Pinoy at paggamit ng lokal na mga materyales—ang mga kompanyang nais mamuhunan sa bansa.

“Kung gusto nating respetuhin tayo ng Japan at ng internasyunal na komunidad, dapat ipakita nating kaya nating tanggihan ang isang kasunduan na mapaminsala sa ating pambansang interes,” ani Padilla.

8 boto kailangan
Labinganim na boto ang kailangan para maaprubahan ang Jpepa ng Mataas na Kapulungan. Waong boto ang kailangan para maibasura ito.

Sina Sen. Jamby Madrigal at Sen. Pia Cayetano pa lamang ang nangangakong hindi papabor sa kasunduan.

Sinabi ni Cayetano na batay sa mga deliberasyon hinggil sa Jpepa sa komite, wala pa siyang nakikitang positibong maidudulot nito sa bansa.

“Sa ngayon, kumbinsido ako na hindi ko susuportahan ang Jpepa. Pero hanggang sa magkabotohan at may maipakita silang maganda, I have to have an open mind. Pero kung ngayon ang botohan, kontra ako sa Jpepa,” aniya.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options