News Update

Daan-daang manggagawa nagmartsa sa Mendiola

in
Ilang-Ilang Quijano/Noel Sales Barcelona

“Gawing priyoridad ang pagsasabatas ng P125 dagdag-sahod sa buong bansa across-the-board.”
Ito ang mensahe kay Pangulong Arroyo ng daan-daang manggagawa na nagmartsa patungong Malakanyang noong Abril 22 para ihapag ang isang manipesto para sa pagpasa ng House Bill 1722 o legislated wage increase.

Pinirmahan ito ng mga sentrong unyon, pederasyon at kapanalig na mga organisasyon ng KMU (Kilusang Mayo Uno).

Legislated wage increase, di RTPWB
Pahayag ni Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, makukuha ng mga manggagawa ang makabuluhang dagdag-sahod sa pamamagitang ng legislated wage increase. Kinontra ng grupo ang pangakong umento sa sahod ni Pangulong Arroyo sa pamamagitan ng mga Regional Tripartite Productivity and Wages Board o RTPWB.

Ayon sa manipesto, “binarat, pinaghati-hati at nilinlang” ang mga manggagawa ng mga RTPWB. Diumano’y maliit na bilang lamang ng mga manggagawa ang nakikinabang kapag nagdesisyon ang mga ito.

“Hindi pa sabay-sabay na nakatatanggap ng dagdag-sahod ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang rehiyon. Ang mga manggagawa lamang sa National Capital Region na sentro ng pulitika ng bansa at pinakabulnerable sa opinyong publiko ang nakakatanggap ng tuluy-tuloy at relatibong mabilis na mga desisyon mula sa mga regional wage board,” dagdag ni Suyat.

Ngunit mas maraming beses sa panahon ng gobyernong Arroyo, dagdag-Cola (Cost of Living Allowance) lamang ang natanggap ng mga obrero, maging sa NCR, ayon sa KMU.

Sa Autonomous Region of Muslim Mindanao o ARMM, halimbawa, nakatatanggap ang mga manggagawa ng P200 na minimum na sahod, isa sa pinakamababa sa buong bansa. Kulang ito sa tinatayang P1,096 na daily cost of living o sahod na makakabuhay nang disente sa pamilyang may anim na miyembro.

Noong Agosto 2006, P10 dagdag-Cola ang iniutos ng RTPWB ng ARMM. Sa kalaunan, itinransporma lamang ito sa dagdag-sahod.

Sinabi pa ni Suyat na sa pamamagitan ng mga exemption na itinatakda ng mga RTPWB, nakaliligtas ang mga negosyante sa pagbibigay ng umento sa sahod. “Kaya’t napakadali sa mga kapitalistang magpahayag na pabor sila sa anumang pagtataas ng sahod basta’t idadaan sa mga regional wage board,” aniya.

Manggagawa sa agrikultura nagprotesta
Samantala, nagprotesta ang mga grupo ng magsasaka, maralita, at empleyado ng gobyerno sa harap ng Kamara noong Abril 21, pagbubukas ng sesyon. Igiit nila ang kagyat na pagpapasa ng mga panukalang batas na anila’y magbibigay-ginhawa sa mga Pilipino.

Lupa para sa mga magsasaka, nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa at kawani ng gobyerno, at sapat na pagkain at tirahan para sa mga maralita ang panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, UMA (Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura), Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid o Amihan, Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, at Anakpawis Party-list.

Iginiit din ng mga grupo ang pagbasura sa batas sa deregulasyon sa industriya ng langis na sinisisi sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Inireklamo ng UMA na mababa pa sa itinatakdang sahod ng mga RTPWB ang nakukuha ng mga manggagawa sa agrikultura.

Sa Timog Katagalugan, P35 hanggang P150 lang ang natatanggap ng mga manggagawa sa agrikultura, mababa sa P211 na minimum wage; sa Negros, P20 hanggang P200, mababa sa P203 na minimum na sahod; sa Far South Mindanao, P80 hanggang P130, mababa sa P205 na minimum na sahod; at sa Northern Central Mindanao, P60 hanggang P200, mababa sa P227 na minimum na sahod.

“Sa buong bansa, tinatratong mga alipin ang mga manggagawa sa agrikultura sa mga asyenda, plantasyon, at tubuhan. Ang sahod na kanilang tinatanggap ay konsuwelo-de-bobo ng naghaharing-uri at ginagamit ng gobyerno para palakihin ang estadistika sa paggawa,” ani Rene Galang, pambansang tagapangulo ng UMA.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options