News Update

Pagbantay sa panganib sa kalikasan, taumbayan

Soliman A. Santos

Ipinagdiwang ng mga mamamayan ng mundo ang “Araw ng Daigdig” nitong nakaraang Abril 22. Pero sa Pilipinas, protesta ang iminarka ng mga grupong maka-kalikasan. Anila, lumalala ang pagkaubos ng likas na yaman, pagkasira ng kalikasan at pandarambong sa pambansang patrimonya ng bansa.

Ayon sa Kalikasan (People’s Network for the Environment o Kalikasan PNE), nalalagasan din ang hanay ng mga tagapagtanggol sa kalikasan dahil sa panunupil ng gobyerno’t malalaking negosyo.

Mayaman ang Pipilinas subalit…
Ayon sa grupo malawak at masagana ang likas na yaman ng bansa – sapat para ilayo sa kagutuman, pagkakautang at kahirapan ang mga mamamayan nito. Subalit dahil sa matagal na at nagpapatuloy na pag-abuso ng likas na yamang ito para sa interes ng iilan, naipagkakait ang yamang-lupa, tubig, mga halaman at hayop, maging ang hangin sa mas malawak na bilang ng mga mamamayan.

Halimbawa, ang kasalukuyang krisis sa bigas ay repleksiyon ng mabilis at malawakang pagdausdos ng saklaw ng lupang agrikultural dahil sa pagkasira nito at pagpapalit ng gamit.
“Patuloy na umaasa sa pag-angkat ng bigas ang gobyerno bilang solusyon sa krisis sa halip na magtuon sa tunay na repormang agraryo,” sabi ni Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan.

Sinisisi rin ng grupo ang gobyernong Arroyo dahil sa tahasang pagpasa nito ng mga batas, polisiya at programang nagbebenta ng natitirang likas na yaman ng bansa sa dayuhang interes.
“Sa halip na pangalagaan at ipagtanggol ang ating patrimonya, ang administrasyong ito ay sangkot sa malawakang pagbebenta ng kagubatan, kalupaan, mineral, produktong agrikultural, katubigan at yamang-dagat sa sinumang dayuhang may pinakamataas na alok na presyo,” ayon kay Bautista.

Dahil umano sa kombinasyon ng palpak na mga polisiya, malawakang korupsiyon at kapabayaan, hindi napigilan ng administrasyon ang krisis sa ekolohiya ng bansa.

Tampok na isyu sa kasalukuyan ang condominium na ipinatayo ng Hanjin Heavy Industries Corp., isang kompanyang Koreano sa gitna ng kagubatan ng Subic.

“Mukhang masaydong mabait si Sek. Lito Atienza ng Kalikasan sa Hanjin, nang sabihin nitong walang legal na batayan para ipatigil ang pagtatayo ng gusali sa Subic,” ayon kay Bautista.

Sa kabila umano ng katotohanan na 20 porsiyento na ng gusali ang naitatayo bago pa man mailabas ang Environmental Clearance Certificate para rito, sinasabi pa rin ni Atienza na walang legal na batayan para ipatigil ang proyekto.

Sinabi ni Bautista na sinasalamin lamang ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) ang pang-ekonomiyang mga polisiya ng punong ehekutibo: ang pagbebenta ng pambansang patrimonya at soberanya.

Nais ipahinto ng mga grupong makakalikasan ang proyekto ng Hanjin dahil wawasakin nito ang ekolohiya ng Subic na isang protektadong lugar.
Pinakamapanganib

Subalit para sa mga makakalikasan, ang lubhang mapanganib para sa bansa ay ang liberalisasyon ng industriya ng pagmimina sa pamamagitan ng Mining Act of 1995, Mineral Action Plan at Executive Order 270.

Ayon sa Kalikasan, mahigit kalahating milyong ektarya ng lupain sa Pilipinas ang nakalaan na ngayon para sa 200 proyekto ng dayuhang pagmimina, na sa kalakhan ay mapangwasak sa kalikasan, walang ganansiya sa ekonomiya at ipinatutupad nang walang konsultasyon sa lokal na mga komunidad.

At kung tumututol naman ang mga mamamayan laban sa pagmimina, tinatapatan ito ng karahasan ng gobyerno.

Pinakahuling pandarahas sa mga aktibistang maka-kalikasan ang dinanas ni Joey Estriber noong Marso 3, 2008. Kilalang aktibista laban sa malawakang pagmimina, dinukot si Estriber ng di nakilalang unipormadong mga lalaki. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin siya nakikita.

Samantala, pinaslang naman noong Pebrero 27, 2008 si Napoleon Pornasdoro, guro sa Quezon National High School at aktibong tumututol sa planta ng Mirant Coal sa Pagbilao, Quezon.
Noon namang Marso 15, nakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay si Monsignor Crisanto de la Cruz, isang kilalang lider-relihiyoso na nangunguna sa paglaban sa pagpasok ng Linktone International Mining Corp. sa Zamboanga City.

Palasak rin ang tinatawag na Slapps o Strategic Legal Actions Against Public Participation, na ginagawa ng mga lokal na kasosyo ng mga dayuhang kompanya ng pagmimina laban sa mga aktibistang maka-kalikasan.

Halimbawa nito ang mga kasong isinampa ng ng Lafayette Phils. Inc. at Rapu-Rapu Minerals Inc. laban kina Danilo Ramos at Frances Quimpo ng Center for Environmental Concerns-Philippines; ang kaso ng Oxiana Philippines Inc. laban sa 24 na lider ng pambansang minorya sa Kasibu, Nueva Vizcaya; MTL Philippines Inc. laban sa Runruno Landowners Association; at ang Sibuyan Nickel Properties Development Corp. laban sa mahigit na 80 katao sa Sibuyan Island.

“Ang matitingkad na halimbawang ito ng atake sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay nangyayari kaugnay ng pagpipilit at pagpapatupad ng anti-kalikasan at anti-mamamayang mga proyekto sa buong Pilipinas, lalo na iyong may kinalaman sa malawakang pagmimina,” paliwanag ni Bautista.

Sa kabilang banda, sa halip na tugunan ang mga usaping pangkalikasan, mas pinipili pa umano ng administrasyong Arroyo na atakehin ang batayang mga karapatan ng mamamayang Pilipino – ang kalayaang magpahayag, mapayapang magtipon at magpahayag ng mga hinaing. Ayon sa Kalikasan, ang mga karapatang ito ay makapangyarihang kasangkapan ng mga tagapagtaguyod ng kalikasan para pigilan ang pagkawasak ng kalikasan na dulot ng mga anti-mamamayang mga polisiya at kapabayaan ng gobyerno.

May pag-asa pa
Gayunman, may pag-asa pa umanong dulot ang Araw ng Daigdig.

“Ang araw na ito ay araw ng ating kalikasan, ng ating patrimonya, at lalung-lalo na ng matatapang na tao sa ating bayan na nakikibaka para protektahan ang kalikasan laban sa makitid, walang saysay at mga layuning nakaugat sa pagkita ng salapi,” ayon sa Kalikasan.
Kaugnay nito, nagkaraban mula Maynila patungong Kordilyera ang Kalikasan at iba pang grupo noong Abril 21 at 22 para ipagdiwang ang Araw ng Daigdig at Araw ng Kordilyera.

Tinawag na “Balik sa Katutubong Binhi,” isang paraan umano ito ng pagsuporta ng mga grupong makakalikasan sa pakikibaka ng mga pambansang minorya para sagipin ang kanilang lupain, kultura at pamumuhay laban sa mapangawasak na malawakang pagmimina.

Naniniwala ang Kalikasan na mas nagiging mulat na ang mga pambansang minorya, mangingisda, magsasaka, manggagawa at mga propesyunal sa ugat ng krisis sa kalikasan na kinakaharap ng bansa sa ngayon.

“Sa tinatakbo ng kalagayan ng ating kalikasan sa ngayon, ipinakikita nito na si Pangulong Arroyo at ang DENR ay nararapat parangalan bilang mga pinakamasahol na nagpapadumi at wumawasak sa ating kapaligiran,” pangwakas ni Bautista.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options