News Update
Bakit P125 ang bukambibig nila
Sampung taong singkad na ang laban ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod. Noong nakaraang taon, muntik nang makalusot sa Kongreso ang panukalang batas subalit hinadlangan ng isang kongresistang maka-Malakanyang.
Isa na rito si Rep. Crispin Remulla ng Cavite, na mahigpit ang depensa sa magpi-pitong taong pagkaantala ng panukalang ito sa Kamara. Ani Remulla, hindi pa raw kasi napagdedebatihang mabuti ang panukalang batas hinggil sa sahod kung kaya dapat na ibalik ito sa antas-komite.
At ngayong panahon ng krisis, higit kailan pa man, lalong lumalakas ang panawagan. Sa harap ng matinding kagutuman at abot-langit na mga presyo ng pagkain, hangad ng lumalabang hanay ng mga manggagawa ang isang nakabubuhay na sahod. Hangad nila ang P125 across-the-board, nationwide, na dagdag-sahod, iyong hindi kailangang padaanin sa rehiyunal na mga lupon sa sahod o RWB (regional wage boards).
Palpak na RWB
Sa kabila ng krisis, personal na nanawagan si Pangulong Arroyo sa RWB na pabilisin ang pagpoproseso ng mga panukalang pagtaas ng sahod sa kani-kanilang rehiyon. Ani Arroyo, sa RWB at hindi sa Kongreso nakaasa ang dagdag na sahod na magtatawid sa mga manggagawa sa rumaragasang krisis sa pagkain ngayon.
Pero lingid sa kaalaman ng madla, marami na ang kaso ng di-pagsunod sa wage orders o WO sa buong bansa.
“Noong magkausap kami ni Ciriaco Lagunsad III, hepe ng Regional Tripartite Productivity and Wages Board, sa Diyos at Bayan ni Bro. Eddie Villanueva ng Jesus Is Lord, umamin siyang napakataas ng non-compliance (di-pagsunod) ng mga kompanya sa wage order na inilabas nila,” sabi ni Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU (Kilusang Mayo Uno).
Ani Suyat, maraming hawak na kaso ngayon ang KMU na may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga atas hinggil sa sahod, mula WO No. 9, hanggang sa pinakahuli, ang WO No. 13.
“Instrumento lang ang wage boards para baratin ang mga manggagawa. Halimbawa, aabot sa P12 lang ang average na dagdag kada taon ang ginawa ng wage board sa NCR,” sabi ni Suyat. Kalimitan dito, pag-angkop pa sa karaniwang gastusin para mabuhay.
“Inaasahan na namin (ang mga pahayag ni Arroyo). Palabas lang naman ang pangangandarapa kuno ni Arroyo na udyukan ang RWB na magtaas ng sahod dahil hindi na niya maitatwa ang matinding krisis na idinulot niya sa mga mamamayan,” ani Suyat.
“Kaya mahalaga na isang batas ang magtatakda ng sahod para lahat, sumunod,” dagdag pa niya.
Sa pambansang saklaw, madaling masipat ang wisyo sa likod ng pambansang dagdag-sahod. Nagtataasan ang mga bilihin kahit wala namang dagdag na sahod na natatamo ang mga manggagawa. “Ngayong taon, halimbawa, tumaas ng 44% ang presyo ng bigas, 14.3% ang isda, 23% ang baboy, 20% ang manok at gulay, 25% ang prutas, at 56% ang mantika mula Abril 2007 ayon mismo sa Department of Trade and Industry,” paliwanag pa ni Suyat.
Nahihirapang bumili
Ayon din sa pag-aaral ng Ibon Foundation, tumaas lamang ng 18.6% ang sahod ng mga manggagawa mula nang maluklok ang gobyernong Arroyo (noong 2001), kumpara sa 37.9% pagtaas sa presyo ng pangunahing mga bilihin. Dahil dito, nawalan ang karaniwang pamilya P20,400 sa tunay na halaga ng kanilang sahod, at ng P1,300 – P21,400 naman ang pinakamahihirap na pamilya.
Malinaw sa mga datos na habang lumalaki ang agwat ng kakayahang bumili (purchasing power) ng sahod ng mga manggagawa kumpara sa presyo ng bilihin, sumisirit naman nang husto ang kita ng dambuhalang mga kompanya sa Pilipinas. Lumaki ng 327% sa loob ng apat na taon ang kita ng Top 1000 korporasyon sa bansa. Nasa 6.8% lamang ang gastos sa pasahod ng mga kompanya sa manupaktura.
“Kayang-kayang ikaltas sa kanilang kita sa halip na idagdag sa presyo ang kakarampot na P125 dagdag na sahod,” ani Suyat.
Pinatotohanan ang pahayag ni Suyat ng talaan ng pagkaing rekomendado ng FNRI (Food and Nutrition Research Institute) ng DOST (Department of Science and Technology), na kailangag ikonsumo ng isang pamilya para manatiling malusog at nang sa gayon, makapagtrabahong mabuti. Kung kakalkulahin ang kabuuang halaga ng pagkaing rekomendado ng FNRI, aabot sa P334.50 ang kailangan ng bawat pamilya.
Hindi pa kasama sa talaan ang gamit sa pagluluto gaya ng kamatis, bawang, paminta, betsin, toyo, at suka.
Ayon sa NWPC (National Wages and Productivity Commission), para mabuhay nang maayos ang isang pamilyang may limang miyembro, kailangang may P835 araw-araw (para lamang sa Metro-Manila).
Iba-iba
Siyempre pa, iba-iba ang pangangailangan ng bawat pamilya, kumporme kung saang rehiyon sila nakatira. Sa ARMM (Autonomous Region for Muslim Mindanao), nangangailangan sila ng P1,185, kada araw para mabuhay nang disente. Subalit sa kanilang tinatanggap na sahod, malabong makamit nila ang isang maayos na pamumuhay.
Ani Suyat, hindi naman talaga ang P125 dagdag-sahod, across-the-board, sa buong bansa, ang lulutas sa problema ng mga manggagawa sa kanilang kabuhayan. Subalit malaking tulong na ito para maibsan ang dinaranas na paghihirap.
Hinihiling ng KMU ngayon sa mga mambabatas na ipasa ang pambansang dagdag-sahod. Sampung taon na nilang hinihiling ito sa Kongreso at sa gobyerno. Pero tila nagmamaramot pa rin ang administrasyon.
| Magkakatabing pabrika,iba-ibang kuwento ng pakikibaka |
Mena Yazon* Sa mataong kalsada ng Marcos Alvarez sa Las Piñas City, maraming sasakyan ang bumubusina pagtapat sa piketlayn ng unyon ng mga manggagawa ng FEIGI (Far Eastern International Garments, Inc.). Isang plakard pala kasi ang nagsasabi, “Bumusina Laban Kay Gloria,” habang sa isa pa, “Tanggalin si Gloria, Hindi ang Manggagawa.” Dati’y nagrereklamo ang mga kapitalista sa ganitong mga panawagan. Wala raw sa kapangyarihan nila ang magtanggal ng pangulo, at mga manggagawa lang nila ang kaya nilang sipain sa trabaho. Pero mas maraming isyung inirereklamo ngayon ang export-oriented na mga kompanya gaya ng FEIGI. Nangunguna rito ang nababawasan nilang tubo. Bumabagsak daw ang mga order mula sa mayayamang bansa na saklot ng resesyon. Katulad nga lamang ng iba pang kompanya, kalakhan sa paraan nila upang pangalagaan ang tantos ng tubo ay madalas na nagpapahamak sa mga manggagawa. Ang maganda sa FEIGI, organisado ang mga manggagawa. “Nang malaman naming magsasara raw pansamantala ang pabrika, itinayo na namin ang piketlayn,” sabi ng isang babaing manggagawa na 23 taon nang nananahi ng polong Dockers at Eddie Bauer sa FEIGI. Simula Abril 7, ipinrotesta nila ang tinatawag nilang “illegal shutdown” at kawalang-tulong pampinansiya ng kanilang manedsment, gayong ayon sa Forbes Magazine, ang may-ari ng FEIGI na si Douglas Hsu ang ika-707 sa pinakamayayamang bilyonaryo sa mundo. Sa ganitong shutdown din sa mga katabi nilang export-oriented na pabrika ng damit na pag-aari ng malalaking dayuhang mamumuhunan sinamantala ng mga employer ang pagkakataon para ilipat ang mga makina at kasangkapan sa ibang lugar. Ganito ngayon ang nangyayari sa mga manggagawa ng Kelseat at Chris Garments, kapwa kapitbahay na pagawaan ng FEIGI sa Marcos Alvarez. Pero kaiba sa mga manggagawa ng Far Eastern, ang mga manggagawa sa dalawang katabing pagawaan ay hindi pinamumunuan ng KMU (Kilusang Mayo Uno). Ayon sa mga manggagawa ng Kelseat, inudyukan nila ang kanilang unyon na maglunsad ng mga aksiyong masa noong isang banta pa lang ang pagsasara ng kanilang pabrika, at muli noong makita nilang inilalabas na ang mga makina at kasangkapan. Pero tumanggi raw ang mga opisyales ng unyon nila, idedeklara lang daw na ilegal ang gagawin nilang protesta bukod sa kapos sila sa pondo. Mas mataas pa sa union dues ng manggagawa sa Far Eastern ang ibinabayad ng mga taga-Kelseat, at dahil wala naman itong mga programa at serbisyong magagastos, nagtataka ang mga manggagawa kung saan napunta ang pondo nila. Sa huli, nakipagkompromiso sa manedsment ang pamunuan ng unyon ng Kelseat. Pero ang kasunduan na pinirmahan ng pamunuan ng unyon ay hindi man lang ikinonsulta sa kasapian. Iba naman ang kuwento bagamat gayundin ang katapusan ng sa Chris Garments. Tuwing tatanungin ng mga miyembro ang pangulo o mga opisyal ng kanilang unyon, sagot daw sa kanila’y “mayroon nang kasunduan.” Nang makita ng
mga taga-Chris Garments na nagpiket na ang taga-FEIGI, dumulog din ang
ilang manggagawa at sinabing, “Tama ‘yan. Lumaban kayo. Huwag ninyo
hayaang mangyari sa inyo ang nangyari sa amin.” |
| Datos Obrero |
• 36 Milyon – manggagawa ng Pinas Datos mula sa Eiler, Inc., Philippine Management Association of the Philippines, Kilusang Mayo Uno at Center for Trade Union and Human Rights. |
![]() |


RSS