News Update

Pagtanggal sa trabaho: redundancy at retrenchment

Atty. Remigio Saladero

Sa pagtanggal sa mga manggagawa, malimit gamitin ng kompanya ang salitang retrenchment at redundancy. Ano ang kaibahan ng retrenchment sa redundancy? Ano ang hinihingi ng batas upang magamit na dahilan ang mga ito para matanggal ang isang manggagawa sa trabaho? Kailangang malaman natin ang sagot sa tanong na ito ngayong malapit na naman ang Mayo 1. Tunghayan natin ang kasong “AMA Computer College, Inc. vs. Ely Garcia and Ma. Teresa Balla “(G.R. No. 166703) na hinatulan ng Korte Suprema nitong Abril 14, 2008 para mabigyan ng sagot ang ating mga tanong.

Sa nasabing kaso, isang library aide itong si Ely at guidance assistant naman itong si Ma. Teresa sa isang malaking eskuwelahan sa Metro Manila.

Isang araw, nakatanggap sila ng sulat mula sa Human Resource Director ng eskuwelahan na tinatanggal na sila sa kanilang trabaho. Sa pang-ekonomiyang dahilan, napilitan umanong gumawa ang manedsment ng streamlining of operations sa kompanya. Nakita ng manedsment na ang gawaing ginagawa nina Ely at Ma. Teresa ay maaari nang ipagawa sa ibang manggagawa sa eskuwelahan. Kaya napagpasyahan nitong tanggalin ang dalawa sa trabaho.

Nagsampa ng kaso sina Ely at Ma. Teresa sa Labor Arbiter. Bilang depensa, sinabi ng manedsment na natanggal sila dahil sa retrenchment. Hindi naniwala ang Labor Arbiter at nagdesisyon itong labag sa batas ang pagtanggal sa dalawa at dapat silang bayaran ng backwages at separation pay. Nag-apela ang manedsment sa National Labor Relations Commission. Dito, sinabi ng manedsment na natanggal sina Ely at Ma. Teresa dahil sa redundancy. Ngunit gayon pa rin ang naging desisyon. Umakyat ang manedsment sa Court of Appeals. Dito, sinabi ng manedsment na natanggal sina Ely at Ma. Teresa dahil sa magkasamang dahilan ng retrenchment at redundancy. Hindi pa rin napaniwala ang Court of Appeals at ipinanalo pa rin ang dalawa. Napilitang dalhin ng manedsment ang kaso sa Korte Suprema.

Tahasang sinabi ng Korte Suprema na halatang nalilito ang manedsment sa totoong dahilan ng pagtanggal kina Ely at Ma. Teresa. Sa Labor Arbiter, ang binanggit nitong dahilan ay retrenchment. Sa NLRC ay redundancy. Sa Court of Appeals naman ay retrenchment at redundancy. Ang ibig sabihin ng kalituhang ito ng manedsment ay hindi ito nagsasabi ng totoo at walang dahilan para tanggalin sina Ely at Ma. Teresa sa kanilang trabaho.

Magkakaroon ng redundancy, paliwanag ng Korte Suprema, kung ang gawaing nakatalaga sa isang manggagawa ay hindi na tumutugma sa negosyo ng kompanya. Ito ay sa dahilang maaaring nagbago na ito ng produktong ginagawa o ipinagbibili, lumiit na ang volume ng kanyang negosyo, nag-iba na ng linya ng serbisyong kanyang ibinibigay sa kanyang mga parukyano, o nagkaroon ng pagbabago sa organizational structure nito kung saan ang dating ginagawa ng maraming manggagawa ay gagawin na lamang ng iilan. Kailangan ding walang masamang motibo ang kompanya sa paggawa ng mga ito, dagdag pa ng Korte Suprema.

Sa kaso nina Ely at Ma. Teresa, walang naipakitang sapat na patunay para sa redundancy ang manedsment. Hindi nito napatunayan na ang bago nitong organizational set-up, kung saan hindi na kailangan ang trabaho ng dalawa, ay bunga lamang ng hangarin nitong gumanda ang takbo ng eskuwelahan at hindi para idispatsa sina Ely at Ma. Teresa.

Hindi rin naipakita ng manedsment kung bakit sa dinami-dami nitong manggagawa, sina Ely at Ma. Teresa pa ang naisip nitong tanggalin. Kaya lumalabas na walang batayan ang sinasabing redundancy ng manedsment.

Kung retrenchment naman ang batayan, sabi ng Korte Suprema, dapat ipakita ng manedsment na ito ay napilitang magtanggal ng manggagawa upang maiwasan ang pagkalugi. Bilang patunay, kailangan ang audited financial statement nito. Kailangan ding ipakita ng manedsment na ginawa na nito ang lahat ng hakbang upang maiwasan ang pagkalugi, at panghuling hakbang na nito ang retrenchment upang maiwasan ang pagsasara ng negosyo.

Napansin ng Korte Suprema na wala ni katiting na pruweba tungkol dito ang manedsment. Hindi rin ito nakapagbigay ng abiso 30 araw bago ang tanggalan sa Dept. of Labor and Employment at sa dalawang manggagawa.

Dahil dito, sinang-ayunan ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng Court of Appeals, NLRC at Labor Arbiter na nag-uutos sa manedsment na magbayad ng backwages at separation pay sa dalawang manggagawa.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options