News Update

Batas para sa murang gamot, iraratipika na

in
Ilang-Ilang Quijano

TATLONG taon simula nang ihain ang Cheaper Medicines Bill, daan-daang oras na inilaan sa mga pagdinig sa komite at technical working group, at apat na buwang diskusyon sa bicameral conference committee, nakatakda nang iratipika ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong ibaba ang presyo ng gamot sa bansa.

Noong Abril 28, pinirmahan ng 11 miyembro ng panel ng Kamara ang ulat ng bicam committee. Pinirmahan naman ito nina Sen. Pia Cayetano, Juan Ponce Enrile, at Manuel Roxas II para sa Senado kinabukasan.

“Sa wakas, nakatapos din... pero hindi pa tapos ang trabaho,” ayon kay Roxas, isa sa mga prinsipal na awtor ng panukalang batas.

Matapos iratipika ng Kongreso, kailangan na lamang ito pirmahan ni Pangulong Arroyo para maging batas. Layon ng mga mambabatas na maipasa ito bago ang Mayo Uno, bilang “regalo” umano sa mga manggagawang Pilipino.

Drug regulatory board o Pangulo?
Kabilang sa mga probisyon ng batas ang parallel importation o pag-angkat ng mas murang gamot mula sa ibang bansa.

Bibigyan din ng kapagyarihan ang Pangulo na magtakda ng price ceiling sa ilang mga gamot batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DOH (Department of Health).

Pero binatikos ng grupong Head (Health Alliance for Democracy) ang huling probisyon na ipinalit ng mga mambabatas sa naunang probisyon na lilikha sana sa isang drug regulatory board o indipendiyenteng lupon na magkokontrol sa presyo ng gamot.

“Kung bibigyan ng Kongreso ang Pangulo ng kapangyarihan na kontrolin ang presyo ng gamot, walang mangyayari. Maaari pa itong gamitin ng Pangulo para sa kanyang sariling interes,” ayon kay Dr. Gene Nisperos, pangkalahatang kalihim ng Head.

Sagot naman ni Roxas, “Kung sa isang board iyan, mahirap tukuyin kung sino talaga yung may accountability… Kung mataas ang presyo ng gamot, sino ang tatawagan natin? Kanino tayo magrereklamo? Para sa Senado, mas mabuti na nakapaloob sa isang tao, sa isang tanggapan, sa Secretary of Health at Pangulo, tutal sila naman may hawak ng executive power.”

Nanawagan ang senador kay Pangulong Arroyo at sa DOH na maayos na ipatupad ang batas.

Regulasyon, kailangan
Pero hindi lamang dapat opsiyon ang regulasyon sa presyo ng gamot, kundi patakaran na dapat ipinatutupad ng gobyerno, giit Head.

“Dahil monopolisado ang industriya, walang totoong kompetisyong nagaganap dahil dudurugin at dudurugin ng mga monopolyo ang kompetisyon, tulad ng nangyari sa Generics Law. Kailangan talaga ang regulasyon sa puntong ito,” ani Nisperos.

Inilahad ng grupo na napupunta sa malalaking kompanyang transnasyunal ang 70% ng benta sa gamot, na nagkakahalagang P58.5 Bilyon noong 2006.

Samantala, nabawasan naman ang bilang ng lokal na mga kompanya ng gamot, mula 300 noong dekada ’80, 27 na lamang ngayon (walo pa rito ang ibinebenta na).

Dagdag ni Nisperos, wala namang ibang takot sa regulasyon kundi ang malalaking kompanya ng gamot.

Idinadahilan umano ng mga ito ang “pang-aabuso” at “sobrang regulasyon” para patuloy na makahuthot na malalaking tubo mula sa naghihikahos na mga pasyenteng Pilipino.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options