News Update

Jun Lozada ginawaran ng kapwa lingkod-bayan

in
Ma. Vanessa Balana/Dreamylyn Cabarles/Ma. Bianca Haina Mangente
Matapos matabunan ng problema ng krisis sa bigas ang anomalya sa proyektong NBN-ZTE, humarap ang star witness na si Rodolfo ‘Jun’ Lozada sa kanyang mga kapwa lingkod-bayan sa isang porum sa NHA (National Housing Authority) noong Abril 24.

Sa pakikipagtulungan ng alyansang P. S. Truth and Justice Now (Public Servant for Truth and Justice), nagtipun-tipon ang mga kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang ahensiya para gawaran si Lozada at talakayin ang mga anomalya sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

"Pinaaalab ng kasalukuyang krisis sa bigas ang galit ng mga mamamayan. Napagtatanto nilang kung hindi kinurakot ng administrasyon ang kaban ng bayan, mayroon sanang sapat na pondo para isubsidyo ang pangangailangan ng mahihirap sa panahon ng krisis," sabi ni Santi Dasmarinas, pangkalahatang kalihim ng grupong Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees).

Mainit na tinanggap ng mga kalahok sa nasabing porum si Lozada na kanilang panauhing pandangal, kasama si Sister Mary John ng St. Scholastica's College at mga lider ng Courage at Cue (Consolidated Union of Employees), unyon ng NHA.

“Kailangan nating malaman na sa lipunan natin, tanggap na natin ang korupsiyon, hindi lang tayo nagmamaang-maangan, tanggap na tanggap na natin,” ayon kay Lozada sa kanyang talumpati.

Pinasaringan niya ang mga kurakot na matataas na opisyal ng gobyerno. Umano'y madaling makilala ang mga “taong malapit sa kusina” dahil puro “uling ang mukha at kamay.”

Dagdag niya, maraming mga kabataan ang hilung-hilo na sa mga isyu ng korupsiyon sa bansa. “Pagod na pagod na ako. Pero ang nagbibigay sa akin ng lakas ay iyong mga hinaing ng mga kabataan na magkaroon ng magandang kinabukasan,” ani Lozada.

Nanindigan ang P.S. Truth and Justice Now na patuloy silang makikiisa sa pagsisiwalat ng katotohanan at lalaban sa korupsiyon sa pamahalaan para sa kapakanan ng susunod na mga henerasyon.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options