News Update

Panghaharas ng gobyerno, di aatrasan ng progresibong mga kinatawan

in
Mikas Matzusawa

HINARAP ng mga kinatawan ng progresibong mga party-list sa Kamara ang anila’y gawa-gawang kaso laban sa kanila sa Nueva Ecija.

Apat na oras na bumiyahe sina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teodoro Casiño, Gabriela Rep. Liza Maza at dating Anakpawis Rep. Rafael Mariano mula Maynila patungong sa Palayan City, Nueva Ecija para dumalo sa pagdinig ng kaso ng pagpatay at pagdukot sa sala ni Judge Evelyn Turla sa Regional Trial Court Branch 40.

Pero hindi itinuloy ang pagdinig matapos humiling ang CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) ng limang araw para magkomento sa mosyon ng mga kinatawan.

Inaakusahan sila na umutos daw ng pagpatay kina Carlito Bayudang, Jimmy Peralta at Danilo Felipe, na sinasabing dating mga kasapi ng NPA (New People’s Army).

Sinampa ng mga abogado ng mga kinatawan sa pangunguna ni Atty. Romeo Capulong ng mosyon na madedetermina kung kailangan pang maglabas ng mandamyento de aresto laban sa mga kinatawan ang korte.

Sinabi ni Atty. Alnie Foja, abogado ni Maza, na kampante siyang kung patas talaga ang korte ay papabor ito sa kanilang motion for judicial determination for probable cause. “Sa amin, wala naman talagang kaso. Kung pagbabatayan mo ang complaint, talagang hindi siya kapani-paniwala,” ani Foja.

Hiniling din ng mga kinatawan na iharap sa korte ang mga biyuda diumano ng mga biktima dahil karapatan ng mga inaakusahan na iharap sa kanila ang mga nag-aakusa sa kanila.

Nanawagan din ang mga kinatawan na ilabas ang mga ulat ng pulisya na naglalaman ng orihinal na testimonya ng mga testigo.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options