News Update

Walanghiya!

NANG gunitain kamakailan  ang Pandaigdigang Linggo ng Kalayaan sa Pamamahayag, ibinunyag ng CPJ (Committee to Protect Journalists) na ika-6 ang Pilipinas sa mga bansang biktima ng mga pagpatay ang mga mamamahayag – komentarista man sa radyo o peryodista – ngunit, sa kabilang banda, wala halos nahuhuli at naparurusahang kriminal. Una sa listahan ang Iraq,
Sierra Leone, Somalia, Colombia at Sri Lanka bago ang Pilipinas, saka sumunod ang Afghanistan, Nepal, Rusya, Mexico, Bangladesh at Pakistan. Pinakatanyag sa mga pinatay ang mga peryodistang sina Anna Politkovskaya ng Rusya, Guillermo Bravo ng Colombia at Atwar Bahjat ng Iraq.

Mula nang maibalik ang huwad na demokrasya sa bansa matapos maibagsak ang diktadurang Marcos noong 1986, lumilitaw na mga 93 mamamahayag na ang walang awang pinaslang, bukod pa sa mga pampulitikang pagdukot at pagpatay na, batay sa ulat ng grupong Karapatan, 901 na ang pinatay at 180 na ang dinukot sa ilalim lamang ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa kabila ng naturang mga pangyayari, walang kongkreto at seryosong mga hakbang na ginagawa ang naghaharing rehimen upang lutasin ang nasabing mga kaso at, sa halip, waring nasisiyahan na itong tambulin ang sariling dibdib at patuloy na ipagyabang ang palakpak na inani diumano ng ulat ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita kamakailan sa UNHRC (United Nations Human Rights Committee).

Sabi nga, hindi dahil pinalakpakan ang ulat ni Ermita ay nangangahulugan nang nalutas na ang mga kaso ng pampulitikang pagpatay, lalo na sa mga mamamahayag at mga miyembro ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan. Lalong hindi iyon nangangahulugang seryosong sinisikap ng gobyernong lutasin at wakasan ang naturang mga karahasan. Iba ang propaganda o pambobola, sabi nga, kaysa naghuhumindig na reyalidad. Tulad lamang iyon ng sinabi ni Sen. Allan Peter Cayetano na “walang direktang ebidensiya” laban kay La Gloria at sa Unang Ginoo sa maalingasaw na $329-M na bugok na kontratang ZTE-NBN. Mabilis ngang ipinakahulugan ng mga tambolero ng Malakanyang na “wala talagang ebidensiya” ang praseng “walang direktang ebidensiya” kaya ipinangalandakan agad nila na “walang kasalanan” ang kanilang mga amo sa bagay na ito.

Bagaman, ayon sa CPJ, “may malaya’t masiglang pamamahayag (press) ang Pilipinas, patuloy at paulit-ulit na biktima ng mga karahasan ang mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa katiwalian, krimen at pulitika, lalo na sa mga probinsiya, at karaniwang kasangkot sa mga kasong ito ang mismong pulis at militar.” Ano, kung gayon, ang kongkretong hakbang ng gobyerno? May nahuli na ba? May naparusahan na ba? Sino sa mga biktima ang napagkalooban na ng hustisya?

“Dapat ikahiya ng anumang gobyerno,” sabi nga ni Joel Simon, tagapamahalang direktor ng CPJ, “ang gayong mga kaso,” lalo na nga’t inutil ang mga awtoridad na lutasin at wakasan ito. Pero, sa kabilang banda, kung nagagawa ng Malakanyang na susian ang bibig ng matataas pang opisyal ng gobyerno – tulad, halimbawa, ni Sekretaryo Romulo Neri – ang mga mamamahayag pa kaya ang hindi nito piliting sikilin ang kalayaan at mga karapatan, sa anumang paraan, upang hindi ibunyag ang sagradong mga katotohanan?

Kaugnay ng patuloy at inaamag nang mga kaso ng pagpatay sa mga komentarista’t peryodista – bukod pa nga sa nararagdagang mga biktima ng pampulitikang pagdukot at pagpatay sa mga miyembro at lider ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan – makabuluhan tuloy na itanim sa isip ng pambansang liderato (kung matino pa ang kaisipan ng mga ito at hindi alipin ng pansariling interes lalo na ng pagkasugapa sa kapangyarihan at kayamanan), ang binigyang-diin ni Sekretaryo-Heneral Ban Ki-moon ng UN:

“Ang anumang mga pagsalakay sa kalayaan sa pamamahayag ay mga pagsalakay sa pandaigdig na mga batas, mga pagsalakay laban sa sangkatauhan, laban sa mismong kalayaan, laban sa lahat ng prinsipyong kinakatawan ng UN.”

O talagang walanghiya na ang umiiral na rehimen? – RLO

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options