News Update

Sanhi ng krisis noon, sanhi ng krisis pa rin ngayon!

Atty. Remigio Saladero Jr.

Ang krisis sa bigas na hinaharap ngayon ng sambayanang Pilipino ay sanhi ng tatlong batayang suliranin na matagal nang nagpapahirap sa ating bansa. Ito ay ang imperyalismo, piyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Naniniwala ba kayo dito, mga mahal naming mambabasa?

Sa ngayon ay tinatantiyang umaabot na sa 88 milyon ang ating populasyon. 16.24 Milyong metric tons naman ang inabot nating produksiyon ng palay noong nakaraang taon. Ngunit hindi pa rin sapat ito para tugunan ang ating pangangailangan. Bakit?

Imperyalismo ang unang dahilan. Pinairal ng imperyalistang mga bansa ang patakaran ng globalisasyon. Sa ilalim ng patakarang ito, umiral ang deregulasyon, pribatisasyon, at liberalisayon. Tinanggal ng ating pamahalaan ang katiting nitong suporta sa agrikultura. Pinabayaang ang “malayang pamilihan” na lamang ang masunod. Samantalang noong 2002 ay umabot pa sa 2.4% ng badyet ang para sa agrikultura, binabaan ito ng gobyerno hanggang umabot na lamang sa 1.6 % noong 2005. Kaugnay nito, tinanggal naman ng gobyerno ang mga taripa para sa importasyon na nagresulta sa pagbaha rito ng produkto ng dayuhang mga bansa. Tinamad na tuloy ang lokal na magsasaka na magtanim pa ng palay dahil sa, bukod sa kawalan ng suporta ng ating pamahalaan, talo pa sila sa naglilipanang imported na bigas galing sa dayuhang mga bansa tulad ng Vietnam, Thailand, at China. Lalong kinalimutan ng mga magsasaka ang pagtatanim ng palay dahil hindi ito kabilang sa mga pananim na tinutulak ng gobyerno, kungdi ang mga pananim na mabili sa ibang bansa, katulad halimbawa ng isang klase ng bulaklak.

Ngunit dumating ang panahon na limitado na ang bigas na ma-i-import natin sa ibang bansa. Ayaw nang magtinda ng bigas sa atin ng mga ito dahil ayon sa kanila, uunahin muna nila ang pangangailangan ng sarili nilang mga mamamayan. Ang resulta : kapos ang ating suplay ng bigas para sa pangangailangan ng ating mga mamamayan.

Ang pangalawang sanhi ng ating kakulangan sa bigas ay dahilan sa piyudalismo. Karamihan sa ating mga magsasaka ay walang lupa. Dahil dito, wala silang insentibo para magtrabaho nang mas mabuti. Para mabigyan ito ng solusyon, pinairal ng pamahalaan ang Comprehensive Agrarian Reform Program o Carp na naglalayong magbibigay sa magsasaka ng lupang kanilang sinasaka. Ngunit ayon din sa batas, maaaring maiwasan ng mga panginoong maylupa ang CARP kapag hindi na ginagamit sa gawaing agrikultura ang kanilang mga lupa. Bunga nito, libu-libong lupang sakahan ang ginawang mga lupang industriyal, komersiyal, o residensiyal ng mga panginoong maylupa. Dumami ang mga subdibisyon para sa may mga pera pero lumiit naman ang lupang tinataniman ng palay. Ito ay isang sanhi ng kakulangan sa bigas dito sa ating bayan.

Ang pangatlong sanhi ng kakulangan natin sa bigas ay ang burukrata-kapitalismo. Noong nakaraang pitong taon, tinatantiyang kapos nang 2 milyong tonelada ang ating inaaning bigas. Sa isang matinong pamahalaan, sapat na sana itong babala para pag-aralan ang ating mga patakaran sa agrikultura. Sapat na sana ito para maglaan ng kaukulang pondo para sa pataba, patubig, kalsada, at pautang ng mga magsasaka ang ating pamahalaan.

Ngunit ano ang ginawa ng pamahalaan? Ipinagpatuloy nito ang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa. Ito ay dahil sa mas mabilis ang kurakot dito; simula sa pagbili ng bigas, hanggang sa pag-upa ng barko para sa trasportasyon ng mga ito, hanggang sa pagsu-supply ng mga sako. Bukod pa rito ang ibang mga anomalya ng Malakanyang sa agrikultura, tulad halimbawa ng fertilizer scam ni Jocjoc Bolante na umabot sa P780 Milyon ang nawawala. Ang National Food Authority o NFA na siyang pangunahing ahensiya ng gobyerno para mamili ng bigas ay may utang na umaabot sa P111 Bilyon at kilala bilang gatasan ng mga pulitiko. Ang pangungurakot na ito ay bunga ng burukrata-kapitalismong umiiral sa bansa.

Imperyalismo, piyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Sila ang tatlong salot ng lipunang Pilipino noon. Nananatili silang salot ng ating lipunan ngayon. Kumilos na tayo para labanan ang tatlong salot na ito. Paigtingin ang ating pagpupunyagi.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options