News Update
‘Iglobalisa’ ang paglaban at protesta
Carol Pagaduan-Araullo
“Pandaigdigang penomenon ito – wala tayong magagawa.” Ito ang laging tugon – o palusot – ng rehimeng Arroyo tuwing tataas ang presyo ng langis. Ngayong abot-langit ang presyo ng bigas; araw-araw nang eksena ang mahahabang pila sa bigas; hilong talilong ang gobyerno para makabili sa dayuhang mga supplier; at nagbababala ang dayuhang mga nagpapautang ukol sa paglobo ng depisito sa badyet ng gobyerno, muling bumabaling ang rehimen sa gasgas nang pagdidispensa para pagtakpan ang kabiguan nitong tugunan ang krisis sa bigas.
Pero ngayon, madaling sumang-ayon na ang krisis sa bigas/ pagkain ay pandaigdigan at ang kagyat at historikal nitong mga sanhi ay hindi mauugat sa partikular na mga patakaran at kongkretong sitwasyon ng bawat bansa. Sa harap ng tumitinding gutom, mga riot sa pagkain at panic-buying ng mga gobyerno at pamilya, ang totoo’y tubong lugaw ang pandaigdigang mga kartel sa agribusiness tulad ng maliit na pangkatin ng mga korporasyong kumokontrol sa pandaigdigang pamilihan sa abono’t pestisidyo, ang pinakamalalaking kompanya ng binhi (hal., Monsanto), ang pinakamalalaking mangangalakal ng butil (hal., Cargill) at ang pinakamalalaking nagpoproseso ng pagkain sa daigdig (hal., Nestle), ang kanilang lokal na mga partner sa negosyo sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig at ang lokal na kartel sa kalakalan (hal., sa bigas).
Sinabi man namin ito, idinidiin namin na hindi inosente ang rehimeng Arroyo. Dapat itong papanagutin sa mga patakaran at programang neoliberal, na ipinagpatuloy at pinabilis nito, at nagpapasidhi ngayon sa krisis sa bigas.
Pinapatampok ng World Bank at mga manunuring mainstream ang demograpiya tulad ng paglaki ng populasyon at diumano’y mas mataas na istandard ng mga bansang may malaking populasyon tulad ng India at Tsina, kaakibat ang malawakang paglipat sa biofuels sa harap ng walang kaparis na pagtaas ng presyo ng fossil fuel, bilang salarin sa pagtaas ng demand para sa butil sa mundo habang bumabagsak ang suplay dahil sa natural na mga kalamidad, global warming at masaklaw na palit-gamit sa lupa. Kaya, diumano, wala talagang dapat sisihin, kahit ang mga gobyernong humaharap sa pampulitikang instabilidad dahil sa krisis sa pagkain at langis.
Ang unti-unti nating natutuklasan, sa sandamukal na mga salik na gawa ng tao at maiiwasan, ang kasakiman pala ng mga korporasyon at mga patakaran ng neoliberal na globalisasyong itinutulak ng IMF-WB-WTO at agad na ipinatupad ng sunud-sunurang mga gobyernong tulad ng Pilipinas ang tunay na sanhi ng pagtaas ng presyo ng trigo, mantika, prutas at gulay, gayundin ng dairy at karne simula 2007, at ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas noong bungad ng 2008.
Ayon sa Grain (tingnan ang mrzine.monthlyreview.org/grain260408.html), isang pandaigdigang NGO na nagsusulong ng sustainable na pamamahala at paggamit sa agricultural biodiversity:
“Hindi mapagtatakpan ang katotohanang ang kasalukuyang krisis sa pagkain ay resulta ng tuluy-tuloy na pagtutulak ng modelong “Green Revolution” sa agrikultura simula noong dekada ’50 at ng mga patakarang nagliliberalisa ng kalakalan at structural adjustment na ipinataw sa mahihirap na bansa ng WB at IMF simula dekada ’70. Pinatatag ang mga rekomendasyong pampatakarang ito ng pagkakabuo ng WTO noong gitna ng dekada ’90 at, nitong huli, ng pagdami ng bilateral na mga kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan.
“Kaakibat ng serye ng iba pang hakbangin, nauwi ang mga ito sa malupit na pagtanggal sa mga taripa at iba pang pamamaraang ginawa ng papaunlad na mga bansa para protektahan ang lokal na produksiyong agrikultural. Napuwersa ang mga bansang ito na buksan ang kanilang pamilihan at lupa sa pandaigdigang agribusiness, mga ispekulador at sinubsidyuhang pagkaing eksport ng mayayamang bansa. Sa proseso, naibaling ang matatabang lupain palayo sa pangangailangan ng lokal na pamilihan ng pagkain at pabor sa produksiyon ng pandaigdigang mga kalakal o wala-sa-panahon at mamahaling pananim para sa mga super-pamilihan ng Kanluran. Ngayon, halos 70% ng lahat ng tinatawag na papaunlad na bansa ang netong tagapag-angkat ng pagkain. At sa tinatayang 845 milyong nagugutom na tao sa mundo, 80% ang maliliit na magsasaka.”
Ipinagbawal o binawasan na ng mga nag-eeksport ng bigas tulad ng India at Vietnam ang pagbebenta sa ibang bansa para ilayo ang kanilang pagpepresyo sa di-makontrol na ispekulasyon sa pandaigdigang pamilihan, kontrolin ang implasyon at protektahan ang kanilang seguridad sa pagkain. Sa kabilang banda, nagpipilit ang mga gobyerno ng mga bansang nag-aangkat ng bigas, pangunahin ang rehimeng Arroyo, na protektahan ang kanilang buffer stock sa pamamagitan ng pagpapalaki ng import o pagbili nang mas maaga kaysa kinagawian – na lalong nagpapataas sa presyo. Nagkakagulo ang mga bansang kulang sa bigas – na inakit ng linya ng IMF-WB na episyente at matipid-sa-gastusin ang mag-import kaysa magtanim – para makapag-angkat ng pinakamarami sa presyong artipisyal na pinataas. O kaya’y manganib na mapatalsik. Ang totoo, may direktang kaugnayan ang pampulitikang krisis ng rehimeng Arroyo at ang pagkukumahog nitong bumili ng bigas.
Ngayon higit kailanman, kailangang mamulat ang masang anakpawis saanman – blue-collar at white-collar, pesante o independiyenteng magsasaka, trabahador sa mga sweat shop ng Ikatlong Daigdig o sa pabrika sa abanteng kapitalistang mga bansa, mga gumagawa sa bahay bilang subkontraktor o tindera sa bangketa – kung paanong tiyak at mabilis na winawasak ng neoliberal o imperyalistang globalisasyon ang kanilang kabuhayan, karapatan sa disenteng pamumuhay at mga mithiin para sa mas makatarungan, mapayapa at pantay-pantay na lipunan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ang “iglobalisa” ang paglaban sa hindi-na-masikmurang mga kondisyon ng pamumuhay at sama-samang makibaka para ipagtagumpay ang isang hinaharap na may pag-asa.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 2-3 Mayo, 2008
RSS