News Update
Pagmamaneho sa tag-ulan
Gary Volaco
Karaniwan nang nagaganap ang aksidente sa kalsada lalo na kapag panahon na ng tag-ulan. Kinakailangan ang kaukulang pag-iingat para sa mga bumibiyahe na gamit ang kanilang sariling mga sasakyan partikular na ang mga nagmomotor at pribadong kotse. Upang maiwasan ang di-inaasahang mga aksidente, narito ang ilang mga payo upang makapag-ingat:
• Tingnan kung maayos ang preno, wipers, headlights, brake lights at bintana ng inyong sasakyan. Siguraduhing nasa tamang kundisyon ito. Maaaring maliit na bagay lamang ngunit puwedeng magresulta sa aksidente lalo na kapag malakas ang pag-ulan.
• Huwag gaanong magmabilis sa kalsada kapag tag-ulan. Bukod sa madulas ang kalsada, mas dumarami rin ang mga butas nito na maaaring magresulta sa disgrasya at pagkasira ng ilang piyesa ng inyong sasakyan.
• Huwag kaligtaan ang mga safety gears. Sa mga nagmomotor, malaking tulong ang palagiang pagsusuot ng helmet, guwantes at jacket para protektahan ang drayber. Sa mga sasakyan, huwag kalimutan na laging isuot ang seatbelt. Marami nang buhay ang naligtas dahil sa mga ito.
• Iwasan ang tumutok o makipag-bumper to bumper distance sa ibang sasakyan. Panatilihin ang tamang distansya sa sinusundang sasakyan dahil mabagal ang nagiging paghinto kapag maulan at basa ang kalsada.
• Maglaan ng mahabang oras para sa panahon ng pagbiyahe para hindi nagmamadali. Masyadong peligroso sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan, lalo na at nababawasan ang visibility at konsentrasyon sa pagmamaneho dahil sa pagmamadali.
• Iwasan ang paggamit ng cellular phone habang nagmamaneho. Panatilihin ang mga kamay sa manibela at maging alerto.Kapag kailangan talagang tumawag o mag-text message, itabi muna ang sasakyan.
• Maging kalmado kapag nararamdamang dumudulas ang preno. Kadalasan itong nangyayari kapag tag-ulan. Huwag biglain ang preno dahil lalo lamang na mahihirapang kontrolin ang inyong sasakyan.
• Ugaliing makinig sa radyo ukol sa mga update sa lagay ng trapiko. Makakatulong upang mapabilis at makapag-ingat sa pagbibiyahe ang direktiba, ulat sa kalsada lalo na lugar na may baha, buhul-buhol na trapiko at ilang pang insidente.
RSS