News Update
Di pagkakaunawaan sa CBA
Remigio Saladero
SA pagitan ng unyon at ng manedsment, ang CBA (Collective Bargaining Agreement) ay isang kasunduang kasing-bigat ng batas. Ito ay dapat sundin ng dalawang panig. Pero paano ngayon kung magkaiba ang interpretasyon ng unyon at manedsment sa nilalaman ng CBA? Kaninong interpretasyon ang dapat sundin?
Ganito ang nangyari sa kaso ng “Arco Metals Product, Co. Inc., vs. Samahan ng Manggagawa sa Arco Metal -NAFLU (G.R. No. 170734)” na denisisyunan ng Korete Suprema noong Mayo 14, 2008.
Nakalagay sa CBA ng unyon at manedsment na sino mang manggagawa na nakapag-serbisyo na nang hindi bababa sa isang taon ay makakatanggap ng labing-anim (16) na araw na vacation leave at labing-anim (16) na araw na sick leave. Sinasabi din sa CBA na makakatanggap ng 13th month pay ang mga manggagawa ng kompanya tuwing unang Sabado ng Disyembre taun-taon.
Noong una ay walang gulo ang unyon at manedsment sa pag-unawa sa nasabing nilalaman ng CBA. Basta’t nakaabot sa isang taong pagtatatrabaho ang isang manggagawa, binibigay ng manedsment ng buo ang kanyang vacation and sick leave benefits at ang 13th month pay.
Walang pagbabawas na ginagawa at buong-buo niyang makukuha ang nasabing mga benepisyo.
Ngunit kalaunan, nagbago ang interpretasyon ng manedsment. Kahit lampas na sa isang taon ang paninilbihan ng isang manggagawa, kung mayroon siyang pagliban o pag-absent sa kanyang trabaho, hindi na buo ang kanyang vacation at sick leave na makukuha sa kompanya. Ganoon din ang kanyang 13th month pay. Ang ginagawa ng manedsment ay kinakaltas muna ang kanyang absences sa kanyang total attendance sa loob ng isang taon. Pagkatapos noon ay ipo-pro-rata na ang kanyang vacation leave, sick leave at 13th month pay sa kanyang attendance. Ang nangyari tuloy ay nagiging maliit ang benepisyo ng isang manggagawa kapag hindi kumpleto ang kanyang pagpasok sa loob ng isang taon.
Napilitang umalma ang unyon. Gusto nito na huwag nang kaltasan ng manedsment ang vacation, sick leave benefits at 13th month pay ng mga manggagawa. Total, dati namang ganito ang sistema, pangatuwiran ng unyon. Hindi pumayag ang manedsment. Nagkamali lang daw ito noon kung hindi man niya binilang ang absences ng mga manggagawa sa pagkompyut ng kanilang 13th month pay at vacation and sick leave benefits. Tinutuwid na raw niya ang pagkakamaling ito ngayon.
Upang mahatulan ang gusot, nagkasundo ang dalawang panig na idulog ito sa isang voluntary arbitrator.
Naging panig sa unyon ang hatol ng voluntary arbitrator. Nag-apela sa CA (Court of Appeals) ang manedsment pero ganoon pa rin ang hatol. Umakyat sa Korte Suprema ang manedsment.
Naging panig sa mga manggagawa ang hatol ng Korte Suprema. Napansin ng Korte Suprema na sa loob ng mahigit labing isang taon (11) ay hindi binawasan ng manedsment ang 13th month pay, vacation leave at sick leave benefits ng mga manggagawa kahit na hindi kumpleto ang kanilang serbisyo sa isang taon. Laging buo ang nasabing benepisyo ng mga manggagawa kahit na hindi buo o kumpleto ang kanilang serbisyo.
Ang ganitong interpretasyon sa nilalaman ng CBA kaugnay ng 13th month pay, vacation leave at sick leave na ginawa ng manedsment ay hindi na nito maaring baguhin pa, paliwanag ng Korte Suprema. Matagal na niya itong ginawa. Mahirap paniwalaan na pagkatapos ng 11 taon ay bigla na lamang nagising ang manedsment sa katotohanang mali pala ang kanyang ginagawa. Sa madaling sabi, nakatali na ang manedsment sa ganoong interpretasyon.
Sa bahagi naman ng mga manggagawa, matagal na nilang tinatamasa ang kanilang 13th month pay at vacation at sick leave na walang kaltas kahit hindi buo ang kanilang pagpasok sa nakaraang taon. Kung kakaltasan ito ngayon dahil sa kanilang absences, ito ay lalabag sa Artikulo 100 ng Labor Code na nagsasabing ang mga benepisyong matagal ng tinatamasa ng mga manggagawa ay hindi maaring bawasan, kaltasan, o paliitin. Kaya obligado ang manedsment na panatilihin ang dating kalakaran, sabi ng Korte Suprema.
Bukod pa rito, anumang alinlangan sa pag-unawa sa anumang batas, regulasyon, o kontrata ay dapat resolbahin ng panig sa manggagawa. Ang CBA ay isang kontrata. Anumang pag-aalinlangan sa interpretasyon nito ay dapat resolbahin ng pabor sa manggagawa.
Inutos ng Korte Suprema na ibalik ng manedsment ang dating kompyutasyon nito pagdating sa mga benepisyong binibigay ng CBA.
RSS