News Update

Ang tunay na kalagayan ni Rudy Fernandez

in

Boy Villasanta

Ang biglaang pagpapamisa ni Jinggoy Estrada para sa agarang paggaling ng kanyang matalik na kaibigang si Rudy Fernandez sa sakit na kanser ay nagdulot ng di-matingkalang duda sa isip at puso ng madla.

Bakit nga ba bigla na lang magpapa-healing mass ang komunidad ng lokal na pelikula para sa isang kasapi nito?

Nasa Amerika pa rin si Rudy kasama ang kanyang misis na si Lorna Tolentino para sa serye ng gamutan para sa aktor. Kababalik lang kamakailan nina Daboy at LT sa Pilipinas pero kagyat silang bumalik sa US para sa pagpapatuloy ng paglunas sa malalang karamdaman ni Rudy.

Saan na nga ba nagtungo si Fernandez para magpagamot ng kanyang sakit?

May Hong Kong. May Japan. May Estados Unidos. Mga espesyalista ang tumitingin sa kanya at hindi biro ang pagsolusyon sa problema lalo na sa parang tubig na pagkadlo ng mga Fernandez sa kanilang yaman para mailigtas sa kapahamakan ang isang miyembro ng pamilya.

***
Kung ang tatanungin ay si Lorna, umookey ang pakiramdam ng kanyang asawa sa ibang bansa.

Gayunman, sinabi ni Jinggoy na tumataas-bumababa ang sitwasyon ng kanser sa bile ng kanyang kaibigan kaya nagpatawag agad siya ng misa.

Pero ang sabi ni Efren Reyes ay kampante na muli si Daboy sa kanyang pakiramdam.

Nalulungkot naman ang fashion designer na si Goulle Gorospe sa sinapit ni Daboy kaya sumagsag siya sa Christ the King Church sa E. Rodriguez Avenue para makibahagi sa padasal kay Rudy.

Nasa fourth stage na umano ang kanser ni Daboy.

***
Nakikiusap naman ang mga anak nina LT at Daboy na sina Rafraf at Renz na patuloy na panalangin ang nais nila para sa kanilang ama. “Sana po ay patuloy na magdasal ang mga nagmamahal sa tatay namin,” pahayag ni Rafraf.

Sinabi ni Renz na mabuti-buti na ang kalagayan ng kalusugan ng kanilang daddy.
“Matatag siya sa kanyang sitwasyon,” sabi ni Renz.

Samantala, positibo at optimistiko si Mark Anthony Fernandez na malalagpasan ng kanyang ama ang problema.

“Malusog ang Papa ko at kitang-kita ang kanyang kalusugan,” wika ni Mark Anthony.
Sinabi ni Lorna na mabuti na ang kalusugan ng kanyang asawa.

Wala pang tiyak na petsa ng pagdating sa Pilipinas nina Daboy at Lorna.
Ipanalangin natin ang lubusang paggaling ni Daboy.

***
Halos lahat ay naghahangad na gumaling agad si Rudy kabilang sina Boots Anson Roa, Armida Siguion-Reyna, Susan Roces, Phillip Salvador, Robin Padilla, Efren Reyes, Jr., ang peryodistang pampelikula na si Ernie Enrile.

Ayon kay Goulle, matagal na niyang matatalik na kaibigan sina LT at Daboy. Si Gorospe ang tagagawa ni LT at ni Daboy, kung anong okasyon, ng damit kaya naman hindi puwedeng pumalya si Goulle sa pamisa para sa pamilya Fernandez.

Samantala, nakikiramay ang kolum na ito sa pamilya na iniwan ng peryodista at kasamahan namin dito sa Pinoy Weekly na si Bayani Abadilla. Nasa Lucena City kami sa gabi ng parangal na pahimakas sa kanya dahil sa Mayohan 2008 Santacruzan. Ginabi na kami at dahil kami ang organizer ng okasyon, maraming bagay na kailangang asikasuhin.

Si Bayani ay nakasama namin sa pahayagang Masa ni Joe Burgos noong 1985 pa.

***
Nasa Cannes, France na sa French Riviera ang buong cast ng pelikulang Serbis, ang opisyal na kalahok ng Pilipinas at ng Centerstage Productions para sa ika-61 Cannes Film Festival.
Kaya lang, hiwa-hiwalay na lumipad ang mga artista nito at iba pang mapanlikha at teknikong mga tauhan. Noong ika-14 ng Mayo, 2008 umalis patungong France sina direktor Brillante Mendoza, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza at ang bida sa pelikula na si Coco Martin.

Noon namang ika-16 ng Mayo ay lumarga na patungong Cannes sina Jaclyn Jose, Gina Pareño, Julio Diaz at Kristofer King.

Magkasamang umalis sina Mercedes Cabral, ang masuwerteng baguhan at ang mandudulang pampelikula ng Serbis na si Armando Lao noong ika-17 ng Mayo.

***
Itinanghal sa kompetisyon ang pelikula at lumakad sa red carpet ang lahat ng kinatawan ng pelikula sa gitna ng hindi magkangmayaw na mga potograpo at peryodista.

Suut-suot ni Mercedes ang tinahi para sa kanya ni Goulle na cocktail dress.

Samantala, noong premiere showing ay mga likhang-sining ng baro ang ginawa ni Patis Tesoro na konseptuwalisadong may diwa ng Filipiniana.

Sa isang lumang-lumang sinehan sa Pampanga kinunan ang maraming tagpo ng pelikula tungkol sa seksuwal na kaligayahan na idinudulot ng mga lalaking nagbebenta ng panandaliang aliw sa mga bakla sa loob ng sinehan.

Pero nunca itong bastos at malaswa dahil ang makamundong gawaing ito ay bahagi lang ng metaporikang pagtalakay sa prostitusyon na nakalatag sa kalunus-lunos na kondisyon ng Pilipinas lalo na sa kawalan ng katinuan ng mga lider at mamamayan ng bansa. Dekadenteng Pilipinas ang isinisimbolo ng Serbis na kailangang batahin at puksain ng sambayanan mismo.

***
May ipinainterbyu sa amin ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas kaugnay ng paglulunsad ng CD ng Daybreaks kamakailan.

Nang ipakilala sa amin ang radio announcer ng RMN DZXL at news anchor ng Telediyaryo na si Buddy Oberas si Sam Madrid ay isa lang ang gumuhit sa aming mga noo.

Kamukhang-kamukha ni Sam si Yoyoy Villame. Iningiti lang ito ni Sam. Pero aminado siyang si Yoyoy ay isa nang alamat na hindi matitinag ng anumang panahon. “Nakapagtataka na hindi nabigyan ng mas mataas na rekognisyon si Yoyoy. Pero malaki ang kanyang kontribusyon sa larangan ng musika,” pahayag ni Sam.

Si Villame rin ang inspirasyon ng kanyang mga anak at kaibigan para lumikha ng mga kanta at himig.

Nakikita ni Madrid na darating ang araw na titingalain ang Daybreaks na binubuo rin nina Leah Ledesma at Marie Santiago.

May diwa rin ng gospel songs at inspirational ditties ang mga kanta at banat nina Leah at Marie.

***
Nursing student si Leah sa ICCI sa Marikina samantalang nasa high school si Marie. Kapwa sila miyembro ng choir sa kanilang Katolikong simbahan sa may Marikina. Dito nahasa nang husto sina Ledesma at Santiago.

At alam ba ninyo na nakikipag-coordinate na ang pamunuan ng Daybreaks para makilala na ang grupo na nag-guest na sa One Morning ng mga Channel 4, 9 at 13 at sa UNTV.

Nalulungkot lang si Sam dahil imbes na matuwa at maging magaan ang pakiramdam ng mga Pinoy sa may pagka-gospel at inspirational na mga kanta, naiilang pa ang mga ito.

Dahil hindi pa naman hinog na performer sina Leah at Marie ay hindi sila pinupuwersa. “Matiyaga naman kami,” sabi ni Madrid.

Kabilang sa mga kasapi ng Daybreaks sina John Vincent Madrid, Ryan Gabriel Madrid at JYJ Macaspac.

Nasa CD ng grupo ang mga piyesang First Light, Prelude, You Captured My Heart, I Should No Love You, In The Slopes Of Mt. Sinai, By The Sweat Of Your Brow, Valentine Love, Teardrops From Your Eyes at First Light, Epilogue.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options