News Update
Taas-presyo ng langis pinaiimbestigahan
Ilang-Ilang Quijano
PINAIIMBESTIGAHAN ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa Kongreso ang pagpepresyo ng langis.
Sa nakaraang 11 linggo, tumaas nang P7 kada litro ang presyo ng gasolina at P6.50 kada litro naman ang krudo.
Hinamon ng Bayan ang Shell, Caltex, at Petron na isapubliko ang pinagkukuhanan ng inangkat na langis at termino ng kanilang mga kontrata dito.
Hindi umano apektado ang nasabing mga kontrata ng presyo sa pandaigdigang spot market at ispekulasyon, batayan ng mga kompanya sa pagtataas ng presyo ng langis.
Samantala, sa pagbawi ng Department of Transportation and Communication sa 50 sentimos na taas-pasahe sa dyip, nanawagan ang Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) kay Pangulong Arroyo na kagyat na suspindihin ang E-VAT (Expanded Value Added Tax) sa mga produktong petrolyo.
Dapat umanong magsilbing “panggising” sa administrasyon ang isinagawa nilang welga noong Marso 14 na umano’y nagparalisa sa mahigit 90 porsiyento ng transportasyon sa bansa.
RSS