News Update

Ang maningning at makabuluhang buhay ni Crispin Beltran

Kenneth Roland A. Guda

Batang kuryer para sa Hukbalahap. Manggagawa at drayber ng taksi. Unyonista. Lider ng Kilusang Mayo Uno. Detinidong pulitikal. Gerilya. Pandaigdigang lider na anti-imperyalista. Kongresista. Simbolo ng kilusang manggagawa at militanteng oposisyon sa gobyernong Arroyo.

Ilan lamang ito sa mga naging papel ni Crispin “Ka Bel” Beltran sa kanyang buhay. Sa di-mabilang na pagkakataon sa kasaysayan, tumindig si Ka Bel bilang boses ng uring anakpawis. Di maikakaila maging ng mga katunggali niyang nasa estado ang pamumuno ni Ka Bel – una siyang ikinulong bilang lider-obrero noong batas militar ni Marcos, at pangalawa bilang militanteng kongresista noong ideklara ni Pang. Arroyo ang Proklamasyong 1017 noong Enero 2006.

Minsan na niyang sinuma ang landas na tinahak niya nang ganito: “Ang buhay ko ay walang tigil na pakikibaka para sa pampulitika at panlipunang pagbabago at kalayaan.”
Ipinanganak noong Enero 7, 1933 sa Bacacay, Albay, maaga niyang “nakita ang kabuluhan ng paglaban” nang aktibong lumahok siya sa kampanyang gerilya ng Hukbalahap (Hukbong Bayan Laban sa Hapon).

Matapos ang Ikalawang Digmang Pandaigdig, tumungo siya sa Kamaynilaan para mag-aral at magtrabaho. Dekada ’50 nang maging drayber ng taksi si Ka Bel at noong 22 anyos pa lamang ay naging presidente ng Yellow Taxi Drivers’ Union at ng Amalgamated Taxi Drivers Federation mula 1955 hanggang 1963.

Mula 1963 hanggang ideklara ang batas militar, bise-administrador si Ka Bel ng Confederation of Labor Unions of the Philippines, at bise-presidente ng Anglo (Alliance of Nationalist Genuine Labor Organizations). Kasama siya sa mga lider-obrerong nagtatag sa KMU (Kilusang Mayo Uno) noong 1980. Taong 1982 nang ikulong si Ka Bel ng diktadura, kasabay ng tagapangulo ng KMU na si Felixberto “Ka Bert” Olalia.

Namatay sa pneumonia si Ka Bert noong 1984 dahil sa matagal na pagkakulong. Para di sapitin ang mapait na dinanas ni Ka Bert, nagdesisyon si Ka Bel na tumakas sa pagkakapiit sa tulong ng kanyang asawang si Osang at ng iba pang kaanak. Nagtago siya sa Gitnang Luzon kung saan sinasabing kinanlong siya ng mga gerilya ng New People’s Army.

Nang mapatalsik si Marcos noong 1986, isa si Ka Bel sa mga pinalaya ng bagong administrasyong Aquino. Agad na ipinagpatuloy ni Ka Bel ang pamumuno sa KMU bilang tagapangulo nito. Pinamunuan niya ang kilusang manggagawa sa panahong matinding binabayo ito ng globalisasyon noong panahon ng administrasyong Ramos at Estrada.

Bilang pagkilala sa kanyang pamumuno sa pambansa-demokratikong pakikibaka sa Pilipinas, inihalal ni Ka Bel bilang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle noong 2001. Taong ito rin nang mahalal siya sa Kongreso bilang pangalawang kinatawan ng Bayan Muna. Taong 2004, pinamunuan niya ang Anakpawis Party-list. Matapos ideklara ni Arroyo ang Proklamasyong 1017 noong Pebrero 2006, ikinulong si Ka Bel ng rehimen sa kabila ng maselang kondisyon niya dulot ng mga sakit. Nanatili siya sa kustodiya ng pulisya hanggang Hulyo 10, 2007 nang ibasura ng Korte Suprema ang kasong rebelyon laban sa kanya at sa lima pang militanteng kongresista.

Sa pagbalik niya sa Kamara ngayong ika-14 na Kongreso, ipinagpatuloy ni Ka Bel ang pagtataguyod sa interes ng mga manggagawa at taumbayan. Kabilang sa ipinaglaban niya sa Kamara ang pagsasabatas ng P125 dagdag-sahod at Genuine Agrarian Reform Bill.

Nitong Enero 2008, ipinagdiwang niya ang ika-75 kaarawan niya. Sa kabila ng mga sakit, hindi nanahimik si Ka Bel: Patuloy siyang nakipagdebate sa Kamara, nagmartsa at nagtalumpati sa mga kilos-protesta.

Sabi niya noong kaarawan niya: “Nararamdaman ko na rin na ako’y matanda na. Nariyang nanghihina na ang aking tuhod at marami na akong iniinom na mga gamot. Pero ang isip at determinasyon ko naman sa paglaban ay nananatiling bata pa. Mula paggising hanggang pagtulog, iniisip ko kung paano makakapaglingkod sa mga mamamayan dahil sa kanila ako kumukuha ng lakas ng loob, lakas ng isip at lakas ng katawan para magpatuloy.”

Nawa’y maipagpatuloy ang diwa ng maningning at makabuluhang buhay ni Crispin “Ka Bel” Beltran.

Sa alaala ng dakilang lider-obrero


Hindi man natupad ang kagustuhan ni Ka Bel na sa lansangan siya mamatay nang lumalaban, ang pagkamatay niya ay hindi pa rin mabababalewala. Ang buong buhay niyang inalay sa paglilingkod sa mga mamamayang Pilipino at iba pang pinagsasamantalahan sa daigdig ay higit pa para ituring siyang bayani.

-Elmer Labog, Kilusang Mayo Uno

Ilang beses siyang nagpuntang Hong Kong para makipag-usap sa mga OFW. Kaya sa unang Filipino Women Migrant Workers’ Summit sa Hong Kong noong 2006, mahigit 100 organisasyon ang nagpasa ng resolusyong tumutol sa pag-aresto at pagpiit sa kanya. Kahit nang pakawalan siya, patuloy siyang naging target ng rehimeng Arroyo. Malinaw ang mensahe niya noon: Huwag sumuko. At hinding-hindi kami susuko.

-United Filipinos in Hong Kong-Migrante


Namatay si Ka Bel sa panahong lantaran na ang korupsiyon at paglabag sa karapatan ng mga mamamayan. NGUNIT HINDI TAYO INIWAN NI KA BEL! Si Ka Bel ay mananatiling buhay sa ating pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo, sa makatarungang sahod, sa disente at makataong pamumuhay.

-Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK)

Maaaring oras ang kalaban ng indibidwal na mga buhay na tinatapos nito nang mabilis at madalas ay hindi inaasahan; pero ito rin ang alyado ng kilusang masa, sa epikong martsa tungong kalayaan at pagkakapantay-pantay, at para sa mga bayani tulad ni Ka Bel.

-Gabriela Network USA

Ngayong tanghali, inaasahan sana naming makasama si Ka Bel sa paghahain ng panukalang batas para alisin ang Value-Added Tax sa kuryente. Itutuloy namin ito at isasama ang pangalan niya bilang co-author para magpugay sa kanyang dedikasyon sa pakikibaka ng mga inaapi. Sa kanyang pagkamatay, kasama na niya sina Crisanto Evangelista, Ka Bert Olalia at Ka Lando Olalia sa talaan ng dakilang mga lider ng rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa. Lubha naming hahanap-hanapin si Ka Bel. Pero tuloy ang pamana ng kanyang pakikibaka.

-Bayan Muna

Ang delikadong mga kondisyon sa pagawaan ang dahilan ng pagkamatay ng maraming manggagawa tulad ng karpintero, mason, at mga manggagawa sa pabrika. Andiyan ’yung kinain ng makina ang kamay, nahulog sa kumukulong kemikal, sumabit sa alambre, at iba pa. Si Ka Bel, nahulog sa bubong habang nagkukumpuni ng bahay. Bitbit niya ang martilyong papanday ng sambayanan.

-Kim Gargar, Agham

Naaalala ko, sa bukana ng taon, nagdiriwang kami ng anibersaryo ng Partido Liberal at nakikipagdiyalogo sa mga mamamayan ng Barangay Commonwealth. Dumating bigla si Ka Bel. Nagulat ako at natuwa. Alam niya talaga ang pulso ng mahihirap.

-Sen. Mar Roxas

Hahanap-hanapin namin si Ka Bel bilang paksa ng aming mga istorya at kaibigan ng mga mamamahayag. Bilang mambabatas, sinuportahan niya ang mga panukalang batas para sa kalayaan ng impormasyon. Bilang lider-unyon, kasama niya ang mga manggagawa sa midya, minsan pa siyang sumama sa piketlayn noon ng nagsarang Manila Chronicle.

-National Union of Journalists of the Philippines

Maaaring nagkakaiba kami ng paniniwala at pananaw sa ilang isyu, ngunit tuwing siya ang kaharap ko, may kapanatagan ang aking kalooban na siya ay totoo at hindi nagbabalat-kayo. Ito ang ugaling taglay niya na naging daan sa pagsulong ng mga repormang ninanais niya di lamang para sa sarili, ngunit para sa ating lahat.

-Sen. Noynoy Aquino

Ipinagluluksa namin ang biglaang pagkamatay ng isa sa pinakarespetadong mga lider-obrero sa bansa.

-Anthony Golez, deputy spokesman ng Malakanyang

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options