News Update
Senador duda sa libreng text
DUDA ang mga senador sa panukala ng DOTC (Department of Transportation and Communication) na gawing libre ang text messaging.
“Bakit ngayon lang nila naisip ito? Kung sa tingin nila, sinasamantala tayo ng telco (telecom companies) sa pagsingil sa text messaging, bakit pa nila ito pinaabot ng matagal na panahon? Wala itong pinagkaiba sa ginagawa nila ngayon sa Meralco, sinisisi nila sa mataas na singil ng kuryente. Pero kung may ginawa silang habang noon pa hindi natin ito sasapitin,” ani Senate Majority Leader Francis Pangilinan.
Sinimulan ng Smart Communications ang text messaging noong 1999. Pinayagan ng gobyerno ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na sumingil para sa serbisyo.
Ayon naman kay Sen. Mar Roxas, “Sana kumpletuhin na ng gobyerno ang plano nila (para sa mga konsiyumer) para hindi ito magmukhang panunuyo lamang.”
Pinuri naman ng grupong TxtPower ang DOTC at hinikayat ang pagsisiyasat sa tubo ng mga telco.
Umano’y dapat ibalik sa mga konsiyumer ang “ilegal” na singil sa text messaging at maging ang Value-Added Tax o Vat na ipinapataw dito.
Nagbabanta ang mga kumpanya na maaapektuhan ang kanilang serbisyo kung gagawing libre ang text messaging.
RSS