News Update

Pambansang araw ng pagluluksa at protesta idineklara: Libing ng bayani para kay Ka Bel

in

Ilang-Ilang D. Quijano

Pambansang araw ng pagluluksa at protesta ang idineklara ng KMU (Kilusang Mayo Uno) at Anakpawis Party-list sa Mayo 28, araw ng libing ni Crispin “Ka Bel” Beltran, dakilang lider-obrero at progresibong kinatawan ng Kongreso.

Inudyok ang mga manggagawa na lumiban sa trabaho para dumalo sa martsa-libing ni Beltran, mula sa House of Representatives sa Quezon City patungong Angel of Meadows Memorial and Nature Park sa Angat, Bulacan.

Lider ng masa

“Ipinagluluksa ng mga mamamayan ang pagkamatay ng minamahal naming Ka Bel. Tinitingala ng marami ang kanyang buhay at gawa bilang tunay na lider ng masa. Inialay niya ang mahigit anim na dekada ng kanyang buhay sa interes ng mga manggagawa, magsasaka, at mahihirap. Isa siyang bayani at martir na karapat-dapat sa pinakamataas na parangal,” ani Cherry Clemente, pangkalahatang-kalihim ng Anakpawis Party-list.

Magsasagawa ang mga tagasuporta ni Ka Bel ng mga simbolikong kilos-protesta para sa pagpapatalsik ni Pangulong Arroyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa ibayong dagat.

Bilang pakikiisa, nagdeklara rin ang KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) ng “farm holiday.”

“Ang pinakamahalagang pagpupugay na maaaring ibigay kay Ka Bel ay ang pagpapatuloy ng laban sa rehimeng US-Arroyo,” dagdag ni Clemente.

Sa edad na 75, namatay noong Mayo 20 si Beltran sa mga sugat sa ulo nang bumagsak mula sa kinukumpuning bubong ng kanyang tahanan.

Si Beltran, Chairman Emeritus ng KMU, ang pinakamahirap na miyembro ng ika-14 Kongreso.

Parangal sa IFI

Ibinurol si Beltran sa kanyang tahanan sa Bulacan; sa katedral ng IFI (Iglesia Filipino I ndipendiente) sa Taft Ave., Maynila; at sa kanyang tahanan sa Bacacay, Albay.

Libu-libo ang nakiburol sa IFI. Kabilang dito ang mga personahe at kapwa mambabatas tulad nina Bise-Presidente Teofisto Guingona; dating pangulong Joseph Estrada; mga senador na sina Jamby Madrigal, Jinggoy Estrada, Manuel Villar, Alan Peter Cayetano, Loren Legarda, Noynoy Aquino, at Aquilino Pimentel Jr.; Gob. Grace Padaca ng Isabela; Alkalde Rodrigo Duterte ng Davao; dating DOTC undersecretary Josefina Lichauco; at Cuban ambassador Jorge Rey Jimenez.

Sa parangal na pinangunahan ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) noong Mayo 26, nagtanghal ang iba’t ibang artista. Kinanta ni Armida Siguion-Reyna ang “Ikaw ang Mahal Ko” at ni Chikoy Pura ng The Jerks ang “And I Love You So,” dalawa sa pinakapaboritong kanta ni Beltran para sa asawang si Rosario.

Nag-iwan si Beltran ng 11 anak, 29 apo, at limang apo-sa-tuhod.

Nagbasa naman ng tula sina Rodoldo “Jun” Lozada, star witness sa eskandalong NBN-ZTE, Nanding Josef, at Bibeth Orteza.

Nagpadala rin ng audio message si Sison, tagapangulo ng ILPS (International League of People’s Struggles), pandaigdigang kilusang kontra-imperyalista. Si Beltran ang unang tagapangulo ng ILPS.

Kinanta ng iba’t ibang mga lider ng mga organisasyong kasapi ng Bayan ang “Aling Pag-ibig Pa?”. Nag-alay sila ng mga kuwintas na sampaguita kay Beltran.

Napuno ang katedral ng mga bulaklak mula sa iba’t ibang mga nakikiramay.

Mariano, papalit

Samantala, papalit kay Beltran bilang kinatawan ng Anakpawis Party-list sa Kongreso si Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP at pangalawang nominado ng partido.

Hinihintay na lamang ng nasabing party-list ang resolusyon mula sa Commission on Elections na hihirang kay Mariano.

“Minamadali namin ang kanyang oath-taking para makasama ang Anakpawis sa pinal na deliberasyon at botohan sa plenaryo hinggil sa ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program na aming tinututulan, kasama ng mga grupong magsasaka na nakikipaglaban para sa tunay na reporma sa lupa,” ani Clemente.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options