News Update
Dahil sa mahal na edukasyon: ’Di nag-aaral dumarami
Ilang-Ilang Quijano / Noel Sales Barcelona
TILA nahuli na ang kautusan ni Pangulong Arroyo na moratoryo sa pagtaas ng matrikula sa SCU (state colleges and universities) o pampublikong mga kolehiyo at unibersidad.
Noong kalahatian pa lamang ng Mayo, magsimula nang magdagsaan ang mga estudyante sa mga SCU at nakapagbayad na ang mga ito ng matrikula.
Gimik ni Arroyo?
“Mukhang gimik na naman ng Malakanyang ang usapang moratoryo sa pagtaas ng matrikula para sagipin ang sariling imahe at amuin ang naghihinaing na mga magulang,” pahayag ni Dion Carlo Cerrafon, pangulo ng Kabataang Pinoy Party-list.
Sang-ayon ang GWP (Gabriela Women’s Party) na gimik lamang ito ng Pangulo.
“Ayon sa Education Act of 1982 (Batasang Pambansa 232), kailangang konsultahin ang mga magulang at mag-aaral kapag magtataas ng matrikula. Karaniwang nagaganap ito sa unang kuwarto ng taon. Marami nang paaralan ang nakapagtaas ng kanilang mga matrikula noon pang Marso at Abril. Bakit ngayong magtatapos ng Mayo lumabas ang kautusan [ni Arroyo]?” pahayag ni GWP Rep. Liza Maza.
Iniutos din ni Arroyo sa Ched (Commission on Higher Education) na “hikayatin” ang pribadong mga kolehiyo at unibersidad na huwag nang magtaas ng matrikula.
Pero ani Cerrafon, hungkag ang deklarasyong ito dahil inaprubahan na ng Ched ang pagtaas ng matrikula sa 378 pribadong kolehiyo at unibersidad nang hanggang 10.07 porsiyento.
“Ipinakikita nitong walang kapasyahan ang gobyerno na labanan ang abusadong mga may-ari ng eskuwelahan na milyung-milyong piso ang tinutubo,” aniya.
Duda rin ang grupo sa pahayag ni Romulo Neri, tagapangulo ng Ched, na rerepasuhin ang naturang mga petisyon ukol sa taas-matrikula. “Sino ang niloloko niya?” sabi ni Cerrafon.
Umaabot na sa P450 kada yunit ang karaniwang matrikula, ayon mismo sa Pangulo.
Dahil sa moratoryo, inatasan ng Pangulo ang Ched na iutos sa mga SCU na i-refund o ibalik ang sobrang matrikula sa mga estudyante nito.
Pero ayon kay Alvin Peters, tagapangulo ng NUSP (National Union of Students of the Philippines), dapat linawin ng Ched ang mga guideline o pamantayan ng refund sa matrikula para patunayang sinsero ang hakbang na ito ng Pangulo.
Nanawagan din ang NUSP ng mas matagalang mga reporma sa edukasyon. Kabilang dito ang pagrepaso sa BP 232 na nagderegularisa sa edukasyon, at pagdagdag sa badyet sa edukasyon na lumiliit kada taon.
Konseho ng mag-aaral umangal
Samantala, inihayag ng konseho ng mga mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad na patuloy na darami ang bilang ng mga hindi nag-aaral sa kabila ng nasabing moratoryo.
Umano’y panandalian lamang ang huli at hindi kayang maibsan ang pagdurusa ng mga magulong dulot ng tumataas na presyo ng batayang mga bilihin, hinaing nila sa isang press conference na dinaluhan ng mga konseho ng University of the Philippines Diliman, UP Manila, Polytechnic University of the Philippines, Philippine Normal University, Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology, University of the East, University of Santo Tomas, at Jose Rizal University.
Ayon sa datos ng National Statistics Office, isa sa tatlong Pilipino, edad anim hanggang 24, ang hindi o tumitigil sa kanilang pag-aaral dahil sa hirap ng buhay.
Katumbas ang naturang bilang ng 11.6 milyong Pilipino o 34 porsiyento ng populasyon na edad anim hanggang 24.
“Habang tumataas ang presyo ng pamumuhay (cost of living), papataas din nang papataas ang bilang ng mga kabataan na napagdaramutan ng karapatang mag-aral,” himutok ni Vanessa Bolibol, tagapangulo ng NUSP-National Capital Region.
RSS