News Update
Harangin ang pangungulimVAT
Kenneth Roland A. Guda
Tanghali noong Mayo 20. Sa emergency room ng ospital ng Far Eastern University kung saan kadedeklara pa lamang ang pagkamatay ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran, nag-usap-usap ang militanteng mga kongresista.
Huli na sila sa kanilang lakad sa araw na iyon. Inisip nila: Kailangan ba talagang ituloy ang iskedyul sa kabila ng di-inaasahang trahedya? Ano kaya ang gustong mangyari ni Beltran kung buhay pa siya?
Matapos ang huntahan, sa harap ng bangkay ng yumaong kasamahan, nagdesisyon sina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño, at Gabriela Reps. Liza Maza at Luz Ilagan na itutuloy nila ang appointment: ang pagsumite ng resolusyon sa Kamara na ibasura ang 12-porsiyentong VAT (value-added tax) sa kuryente.
Dati nang pirmado ni Beltran ang resolusyon. Plano pa sana niyang magbigay ng privilege speech noong araw na iyon sa plenaryo ng Kamara. Sa kabila ng matinding tangis sa pagkawala ng dakilang boses ng anakpawis, tumuloy ang apat sa Kamara. Ito raw ang gugustuhin ni Beltran.
Gugustuhin niyang ituloy ang takdang gawain sa araw na iyon.
Gugustuhin niyang ipagpatuloy ang laban.
Laban ni Ka Bel vs VAT
Matagal nang nilabanan ni Beltran at ng militanteng mga kongresista ang VAT at ang pinalawak nitong bersiyon na E-VAT (expanded value-added tax), na anila’y pabigat lang sa mga maralita.
Noong nakaraang taon, sa mismong unang araw ng ika-14 na Kongreso at pagsisimula ng kanyang huling termino bilang kongresista ng Anakpawis Party-list, ang panukalang pagbasura sa VAT at E-VAT ang isa sa pinakaunang isinumite ni Beltran sa Kamara.
At sa panukalang batas ng limang militanteng kongresista kabilang si Beltran noong Mayo 20, ipinanukala naman ang pagbasura sa VAT sa kuryente. Paliwanag ng kasamahan ni Beltran na si Gabriela Rep. Liza Maza, “Kailangan ang hakbang na ito bilang pansamantalang ginhawa sa mga konsiyumer sa harap ng nagtataasang presyo ng pagkain at langis,” sabi ni Maza.
Batid nina Beltran at Maza ang halaga sa taumbayan ng pansamantalang ginhawang ito. Maliban sa pagiging konsiyumer din nila – si Beltran pa nga ang pinakamahirap na kongresista sa Kamara – pinatunayan ng mga pag-aaral na malaki ang maibabawas sa presyo ng kuryente at langis kung tatanggalin ang VAT sa mga produktong ito.
Sa tantiya ng Kontra KulimVAT, kampanyang naghahangad ng pagbasura sa VAT sa kuryente’t langis, aabot sa P5 hanggang P6 kada litro ang agad na mababawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa oras na tatanggalin dito ang VAT. Halos P69 naman ang mababawas sa presyo ng isang tangke ng LPG kung walang VAT. Aabot din sa average na 72 sentimos kada kilowatt-hour (kWh) ang mababawas sa singil sa mga kumokonsumo ng kuryente.
VAT sa kuryente, langis
Binigyang-tuon ng militanteng mga kongresista ang kuryente at langis dahil ito ang dalawang produktong matindi ang itinataas ng presyo. Mula nang ideregularisa ang industriya ng langis at simulan ang pagsasapribado ng distribusyon ng kuryente, wala nang humpay ang pagtaas ng presyo ng naturang mga produkto.
“Ang langis ay direktang kinokonsumo, tulad ng LPG at kerosina sa mga kabahayan at diesel ng mga tsuper ng dyipni,” paliwanag ni Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra KulimVAT. Sinabi pa niyang sa bawat pagtaas ng presyo ng kuryente at langis, nagkakaroon ng matinding presyur na magtaas din ng presyo ang iba pang produkto.
Sang-ayon si Sen. Mar Roxas sa pag-alis ng VAT sa produktong petrolyo. Suspensiyon lang ang gusto ng senador, na dati nang bumoto pabor sa E-VAT noong 2005. Gayunman, naniniwala siyang “huling baraha” na ng gobyerno ang pag-alis (kahit pansamantala) ng VAT sa langis para maibsan ang hirap na dulot ng pagtaas ng mga bilihin.
Sa harap ng pagtaas ng singil sa pamasahe, sinabi ni Roxas na tanging pagtanggal na lamang sa VAT ang maaasahan ng mga mamamayan na magbibigay ng kaunting ginhawa. “Kung gusto ng gobyerno ng ‘win-win’ na solusyon, suportahan na nito ang pagtanggal ng VAT sa langis. Agad na makikinabang dito ang parehong tsuper at pasahero, kaya hindi ko alam kung bakit ipinagdaramot pa rin ito,” sabi niya.
Maging si Sen. Miguel Zubiri ay pabor sa pagtanggal sa VAT sa langis at kuryente. “Mas pabor pa ako sa pagkolekta ng partikular na mga buwis sa kita ng mga korporasyon ng langis. Tatamaan diyan ang oil companies, hindi ang taumbayan,” paliwanag niya.
Ayaw bitawan ang VAT
Sa kabila ng mga panawagan, naging madiin ang Malakanyang na hindi nito bibitawan ang pagkolekta ng VAT sa langis at kuryente. Sinabi ni Sek. Margarito Teves ng Pinansiya na napagkasunduan na sa gabinete na ibasura ang panukalang tanggalin ang VAT.
Nanghihinayang kasi si Teves sa P18 Bilyong inaasahang makokolekta ng gobyerno mula sa VAT sa langis ngayong taon kung mananatili sa mahigit $100 bawat bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Bukod dito, inaasahang kikita ang gobyerno ng P1.21 Milyon sa bawat P1 kada litro na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Kapalit ng nasabing panukala, pinag-iisipan umano ng pamahalaan na gamitin ang P18-B para tustusan ang mga diskuwento sa mga tsuper at pagbili ng murang pagkain para sa mahihirap.
Kasabay nito, binawasan din ng gobyernong Arroyo ang taripa sa langis. Sinabi ng Department of Energy na magmula Hunyo ay hindi na muna maniningil ang gobyerno ng taripa sa inaangkat na langis.
Pero para sa Ibon Foundation Inc., isang pribadong institusyon ng pananaliksik, sinubukan na ng gobyerno noong Pebrero at ngayong Mayo na bawasan ang taripa, pero patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng langis. Noong Pebrero, naging 2% mula 3% ang ibinaba nito; noong Mayo ay ginawang 1% na lamang. Pero sa buong panahong ito, aabot sa 11 beses tumaas ang presyo ng langis. Kung susumahin, P7.50 ang itinaas ng presyo magmula noong Pebrero. Nasaan ngayon ang wisyo sa hakbang na ito?
Sinasabi ng gobyerno na bababa ng singkuwenta sentimos ang presyo kapag inalis ang taripa sa langis. “(Pero) paano mararamdaman ng ating mga tsuper at konsiyumer na kakampi nila ang pamahalaan kung pampalubag-loob lamang ang ibinibigay sa kanila at hindi kagyat na ginhawa?” tanong ni Roxas.
Katunayan, kasabay mismo ng pag-alis ng taripa, nagsabi na ang mga kompanya ng langis na magtataas pa sila ng P1.50 sa diesel at piso sa gasolina kung aabot sa $135 kada bariles ang itataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Parang nasagasaan (ang taumbayan) ng rumaragasang pagtaas ng presyo ng pagkain, langis at iba pang bilihin. Pero imbes na itakbo sila sa ospital, binigyan lamang ng band-aid,” paliwanag ni Roxas.
Koleksiyong nakukurakot
Tama lamang na mangolekta ng buwis ang gobyerno. Pero kilala ang gobyerno sa napakaraming kapalpakan nito sa pagbubuwis – mula sa pagkolekta hanggang sa pagtugis sa malalaking negosyanteng umiiwas sa buwis.
Ang masahol pa, hindi napupunta ang buwis sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, trabaho at serbisyong pangkalusugan. Ang kalakhan nito’y napupunta sa dalawang bagay: pagbabayad ng utang-panlabas at kurakot.
Sa panukalang batas ni Beltran noong nabubuhay pa siya, sinabi niya sa explanatory note na “noong 2006, nagbayad ang administrasyong Arroyo ng P854.4-B sa kabuuang utang-publiko. Ibig sabihin, aabot sa P9,935 (ang binabayaran) ng bawat Pilipino. Anim o pitong beses na mas malaki ang halagang ito sa ginagastos ng gobyerno sa edukasyon at kalusugan.”
Sa ilalim ng gobyernong Arroyo, tumaas ng 211% ang pagbabayad ng gobyerno sa utang panlabas. At patuloy pa itong nangungutang buwan-buwan sa pandaigdigang mga institusyong pampinansiya.
Kaalinsabay nito, siyempre, ang walang kapararakang korupsiyon sa gobyerno. Nitong nakaraang linggo, inanunsiyo ng Transparency International, isang pandaigdigang institusyon na nagmomonitor sa korupsiyon sa mga bansa, na nanatili sa 2.5 rating ang Pilipinas. Sa rating na 10 bilang pinakamataas, isa ang Pilipinas sa pinatiwaling bansa sa mundo.
“Hindi ordinaryo ang kasalukuyang panahon,” sabi ni Roxas. “Higit na kailangan ni Juan dela Cruz ang pera kaysa sa gobyerno, lalo na kung napupunta lang ang buwis…sa katiwalian at maanomalyang mga kontrata tulad ng ZTE-NBN.”
Hinangad din ng yumaong si Beltran ang pagtanggal sa VAT para manatili sa mga mamamayan ang bahagi ng perang ipambabayad sana nila ng buwis. Bago namatay ang lider-obrero at militanteng kongresista, masugid niyang nilabanan ang korupsiyon sa kabang-yaman.
Sa kanyang huling hakbang bilang kinatawan ng taumbayan, ibinato niya ang mungkahing ito na magbibigay sana ng bahagyang ginhawa sa naghihikahos nang sambayanan.
Ayon kay Sek. Margarito Teves, mayayaman lamang ang makikinabang sa suspensiyon ng VAT sa langis at kuryente. Ano’ng palagay n’yo rito?
MR: Kalokohan ang sinasabi ni Sek. Teves at nagpapatunay na hindi siya nakatuntong sa katotohanan. Tama, makikinabang nga ang mayayaman, dahilan sa may mga sasakyan sila. Pero mas higit na makikinabang ang mga mahihirap, dahil mas malaking bahagi ng kanilang income ang napupunta sa kanilang transportasyon.
Mabuti na suriin uli ang datos ng DoF at maipapakita nating sa savings na matatanggap ng ating mga kababayan, higit lalo sa diesel at saka sa LPG, malaki ang maitutulong nito sa kanila.
May panukala si Espiker Prospero Nograles na subsidyuhan ang konsumo ng publiko sa kuryente at langis. Anong reaksiyon n’yo?
MR: E di ba ganoon din iyon? Kung isa-subsidize rin lang, di ’wag na lang i-collect, maiwan na lang sa bulsa ng mga nagbabayad nito. Sa ating transport sector, sa mga pumapasok sa opisina, gumagamit ng dyip, bus at traysikel. Pangalawa, sa ating mga mangingisda, sa lahat ng kumakarga ng gasolina para sa kanilang mga baroto, lahat ito ay savings sa kanila. Sa lahat ng mga gumagamit ng produktong petrolyo, malaking savings ito. P5 per liter ng diesel, at higit sa P60 per LPG tank ang savings nito.
Para sa DoF, huwag naman nilang ipagdamot ito. Unang-una, hindi nila pera ito. Pangalawa, babalik din sa kanila ito, kasi itong savings, hindi naman maiiwan sa bulsa ni Juan de la Cruz, gagastusin din muli. At sa paggastos nila, makokolekta muli ng DoF itong pera. Huwag nilang ikarga sa produktong petrolyo ’yung kanilang pagkukulang sa pagkolekta ng buwis. Sinasabi kasi nila, mas madaling kolektahin. E hindi naman sila inilagay diyan para gawin ang madali. ’Yung kapakanan ng mga mamamayan ang dapat unahin dito. Gawin nila ang trabaho nila. Ang Customs, they did not reach their target. Ang BIR, they did not reach their target. So inaasahan nila na ipapasa na lang kay Juan de la Cruz kasi hindi nila nagagawa ’yung trabaho nila.
*Ambus na panayam ng mga mamamahayag sa Senado kay Sen. Roxas
• Ang VAT (value-added tax) ay buwis sa pakikipagkalakalan ng mga produkto o serbisyo. Di ito direktang buwis sa konsiyumer, pero ipinapatong ito ng mga nagbebenta ng produkto o serbisyo dahil sila ang sinisingil ng gobyerno.
• Ang VAT ay inimbento ng ekonomistang Pranses na si Maurice Laure noong 1954 at lumawak sa buong mundo.
• Sa bawat prosesong dinadaanan ng isang produkto ay napapatawan ito ng VAT. Sa kuryente, halimbawa, napapatawan ng buwis ang paglikha ng kuryente, pagpapadala nito mula planta hanggang distributor, hanggang sa distribusyon.
• Sa Pilipinas, ang orihinal na VAT ay ipinatupad noong 1988 ng noo’y Pang. Aquino. Pinalitan ng 10% VAT ang four-tiered sales tax at 60 iba pang buwis sa pagbebenta.
• Noong 1994, nangutang si dating Presidente Fidel Ramos ng $650 Milyon sa International Monetary Fund. Isa sa mga kondisyon ng pagpapautang ang paglawak ng saklaw ng VAT.
• Noong 1996, lumawak ang implementasyon ng VAT na sumasaklaw sa mga produktong di pa nito napapatawan, tulad ng mga pestisidyo.
• Noong Enero 25, 2005, ipinasa sa Kongreso ang E-VAT (expanded value-added tax) para itaas sa 12% ang koleksiyon ng VAT. Sa ilalim nito, kokolektahan na rin ng VAT maging ang langis at kuryente.
• Bahagyang lumaki ang pondo ng gobyerno matapos ipatupad ang E-VAT. Noong 2006, nakakolekta ito ng P76.9 Bilyon. Pero sa kabila nito, patuloy na bumaba ang aktuwal na halagang ginagastos ng gobyerno sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.

RSS