News Update

Hindi lamang bahaghari ang kulay ng buhay

in

Noel Sales Barcelona

Rebyu ng Tru-Colors (A Visual Experience on Contemporary Philippine Realities)
6 Mayo – 14 Hunyo 2008; The Edge Gallery, UP Vargas Museum, Roxas Avenue, UP Diliman, QC


KULAY-0DUGO, kung hindi man itim ang kulay ng buhay na inukit sa kambas ng ilan sa mga artistang nagtanghal sa Tru-Colors sa Vargas Museum sa Unibersidad ng Pilipinas noong Mayo 6.

Ayon nga sa yumaong makata at peryodistang Bayani S. Abadilla: hindi retorika ng panis na talinghaga – ang matulaing buhay ng karaniwang mga mamamayang patuloy na binubusabos at ninanakawan ng karapatan sa buhay, lupa at kabuhayan, ang mga isinalarawan ng mga artista ng Tru-Colors.

Sa kanilang mga kambas, sinalakab ng mga artistang sina Neil Doloricon, Antipas Delotavo, Federico Dominguez, Jose Tence Ruiz, Renato Habulan, Manny Garibay, Pablo Baens Santos, Ed Manalo, Aga Francisco, Carlos “Totong” Francisco Jr., Chitoy Zapata, Arturo Sanches Jr., Michael de Guzman, Iggy Rodriguez, Addrein Silanga, Medeo Cruz, Jason Valenzuela, Le-an Jasul, Orlando Mercado, at Mideo Cruz ang kalagayan ng mga manggagawa sa pabrika, ang aping lagay ng kababaihang napipilitang magputá para mabuhay, at mga walang makain subalit ubod-nang-sipag na mga magsasaka.

Kaninong dugo ang tumutulo sa karit ni Melvin Quitazol (Pa Rin, mixed media, 2008) – sa magsasakang nagbubungkal ng lupa o sa gahamang asenderong umaangkin sa lupang kanyang sinasaka? Maaalaala mo kaya ang 13 magsasakang tumimbuwang sa paanan ng Mendiola noong panahon ng rehimeng Aquino?

Kalinya ng likha ni Quitazol ang kay Pablo Baens Santos (Asan ang Pramis Land?, 2008): nakalutang-sa-hanging magbubukid sa napakalapad na kambas. Lalong pinaigting ng mga katagang “Saklaw lamang ng isang kisapmata ang sandakot na lupang naipon nila mula sa pagkutkot ng alabok sa singit ng kanilang mga kuko,” ang mensahe na ibig nitong iparating: Nasaan ang pangakong lupa ng ipinagmamalaking repormang agraryo ng mga nagdaang rehimen hanggang sa kasalukuyan?

Sino ba naman ang hindi madudurog ang puso sa larawan ng isang ineng na nakaharap sa establisimyentong pinalamutian ng ilaw-dagitab at nalalaman mong pagpasok niya sa loob ng gusaling patay-sindi ang mga ilaw ay ang sariling puri ang mailulugso? Walang magawa dahil walang ibang masusulingan. ‘Ika nga ni Herbert Pinpiño , ito na ang kanyang Last Resort (mixed media, 2008).

Paalam na kay Ma’am, na matapos na magsunog ng kilay para maging maestra’y parang isang produktong ikinahon, iniluwas sa ibang bansa para magtrabaho sa mariringal subalit malulungkot na palasyo at mansiyon ng mga hari at reyna sa lupaing hindi niya kilala (Mideo M. Cruz, Ready to Serve, mixed media; 2000).

Simple subalit mabigat ang paglalarawan ni Jason Valenzuela (Nakatulog si Manedyer, acrylic, 2008) sa isang manggagawang lakas-paggawa lamang ang puhunan. Patay na ba o buhay pa ang mama sa kanyang madilim na kambas na ang kaabay sa pagtulog, pagbabanta ng kapitalista at listahan ng utang na hindi niya mababayaran agad dahil walang masusuweldo dahil nautang na noon pang nakaraang sahuran?

Totoong matakaw ang kapitalismo (Cruz, mixed media, undated): sa salapi o tubo man, sa dugo ng mga manggagawa at iba pang aping sektor na kanyang sinasalanggapang, at maging sa karahasan. Marahil, sa sinumang may puso’t malinaw na pag-iisip, tatalima sa hamon nang dalawang tapyas ng larawan ni Leonilo Doloricon (Tatsulok at Baligtarin ang Tatsulok, acrylic & printed media on canvass, 2008 ) ukol sa kung paano nga ba nahahati ang lipunang Pilipino.

Waring tumugon ang larawang Mayo Uno ni Orlando Castillo (watercolor, 2008), sa hamong ito ni Doloricon.

Kung mamamalas lamang nang bukas ang isip at may maluwag na kalooban ang katotohanang isinugat sa mga puting tela ng mga artistang ito, mauunawaan ng isang magmamasid ang ibig ipakahulugan ng mga likhang-sining.

Kung walang mararamdaman, ni gakurot man lamang, angkop ang kasabihang “Bangkay lamang ang walang pakiramdam.” Baka gusto nilang makisiksik sa wala nang lugar na ataul sa Memento Mori ni Arturo Sanchez (oil on canvass, 2008).

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options