News Update
Kontraseptibo at pagpaplano ng pamilya
Gary Volaco
ISA sa problemang kinakaharap ng ating bansa ang mabilis na paglaki ng populasyon. Relatibo sa pagsusulong ng pagpapaunlad at pagsugpo sa kahirapan, pagpapabuti ng kalagayang pangkalusugan at pangangalaga sa kapaligiran, matamang isinusulong ng iba’t ibang grupo ang sistema ng pagpaplano ng pamilya at paggamit ng kontraseptibo. Mahalaga rin na ito ay napag-uusapang maigi ng mag-asawa upang malinaw ang tunguhin ng pagpaplano ng pamilya. Narito ang ilang mga mungkahi:
1. Maging maagap. Suriin ang iba’t ibang paraan at uri ng kontraseptibo na babagay sa inyo. Maaari ding hingan ng opinyon ang ilang kaibigan na mayroon nang kaalaman sa ganitong sistema.
2. Pag-usapan kung bakit mahalaga ang pagpaplano. Kung mas malawak ang pag-unawa ninyong dalawa hinggil sa pipiliing kontraseptibo/ sistema, mas malaki ang tsansa na gagampan ng may responsibilidad ang bawat isa.
3. Pag-usapan ang inyong relasyon. Bukod sa perspektiba sa pagpapamilya, kinakailangang masinsin ding linawin ang historikong seksuwal ng bawat isa, kung may nagkasakit na o na-expose sa STD (Sexually transmitted Disease). Ang tipo ng inyong relasyon ang magdedetermina ng inyong kontraseptibo/ sistemang gagamitin.
4. Pag-usapan ang mga hindi inaasahang sitwasyon na maaaring maganap. Bago magtalik, kailangang malinaw kung ano ang gagawin kung sakaling hindi maging matagumpay ang birth control. Kailangang magkaisa sa maaaring gawin kung sakaling magbuntis ang babae. Handa ba kayong dalawa sa responsibilidad ng pagiging mga magulang o pagkakaroon ng panibagong anak? Ang ganitong uri ng pag-uusap bago pa man gawin ang mga plano ay magdudulot ng kapanatagan kung sakali ngang hindi magtagumpay sa gagamiting kontraseptibo.
5. Kapag hindi nagkasundo sa gagamiting pamamaraan, subukin ng bawat isa na magsaliksik ng mabuti at pagusapang muli sa komportableng panahon.
6. Ang pagkakaisa ukol sa pagpaplano ng pamilya at paggamit ng kontraseptibo ay isa sa salik na nagpapakita ng matibay at may perspektibang relasyon. Sa huli, ang dapat manaig ay ang mga pangakong binitiwan ng mag-asawa sa panahong sila ay ikinasal–na magsasama sa hirap at ginhawa.
RSS