News Update

Kasalang Inah-Vince nilayasan ng balae ni Bong Revilla

in

Boy Villasanta

ANG dula ng buhay ay hindi lang monopolyo ng mga artista manapa’y ng mga hindi artista.

Sa kasalang Inah Felicia Revilla at Vince del Rosario sa Manila Cathedral kamakailan, sangkatutak na drama ang naganap sa pagitan ng mga taga-showbiz at di-taga-showbiz.

Pero hindi nga ba’t ang showbiz ay bahagi ng lipunang ito kaya ang kultura nito ay kultura rin ng mas malawak at mas malaking lipunan?

May naganap palang walkout nang ang balae nina Bong Revilla, ang isa sa mga senador ng bayan, at Lani Mercado na si George del Rosario ay bigla na lang umalis ng simbahan sa gitna ng seremonya dahil umano sa hindi nito nagustuhan na parang karnabal na kasal ng anak.

E, bakit naman kahit hindi taga-showbiz ay talagang parang perya ang kasalan kahit kanino pang Pinoy lalo na sa litratuhan at handaan.

Hinabol lang ni Phillip Salvador si Ginoong George at pinaliwanagan na ganyan talaga ang showbiz, ang buhay.

Hindi kasi sanay ang mga del Rosario sa kalakaran ng pelikula pero kahit sa labas ng pelikula, magulo rin.

Napanuto naman ni Phillip si Mang George kaya bumalik sa matrimonya ng anak.

***

Mahigpit ang seguridad sa kasalan dahil pag walang imbitasyon ay hindi maaaring makapasok. Ang mga peryodistang pampelikula nga na sina Linda Cabuhayan at Alice Vergara ay hindi nakapasok samantalang ang photographer na si Felix Espinosa ay nagkasya na lang sa may labas.

Sa Makati Shangri-La na lang aniya siya susunod pero mas mahigpit nga roon dahil handaan na ‘yon.

Dumalo sa simbahan sina Tirso Cruz III, ang kanyang asawang si Lyn Ynchausti at kanilang mga anak, Rez Cortez, Efren Reyes, Ethel Ramos, Diane Bautista at marami pang iba.

Ninang sina Charo Santos-Concio, ang pangulo ng ABS-CBN at Imee Marcos samantalang ninong si Mar Roxas.

Ring bearer ang apo ni Rosanna Roces kay Jolo Revilla kaya nandoon si Osang.

Nagkita sila ni Lolit Solis pero dedma lang sila kapwa. Maagang umalis sa simbahan si Lolit at parang naaalibadbaran sa presensiya ni Roces samantalang kampante lang ang seksing aktres sa pagpapapiktoryal kasama ang mga bagong kasal.

***

Inaasahan ng lahat ng iiyak si Bong dahil may asawa na ang kanyang panganay na anak na babae pero matatag ang loob ng aktor bagamat malamlam ang kanyang mukha.

“Kayang-kaya ni Ina hang buhay. Masyado siyang matapang,” sabi ni Bong.

“Nakakatuwa ang kasal nina Inah at Vince. Parang nakikita ko noong ikasal kami ni Bong sa Las Vegas. Bata pa rin ako no’n at nagtanan kami ni Bong. Gayunding araw ’yon, May 28,” pahayag ni Lani.

“I wish Inah and Vince the best,” sabi ni Gigi de la Riva, ang asawa ni Marlon Bautista na kapatid ni Bong.

Kumpleto ang buong magkakapatid nina Inah dahil nandoon nga si Jolo, Bryan at iba pa nilang kaputol ng pusod.

Kumaway pa si Bong sa mga tao sa recessional at sa kanyang mga tagasubaybay na matiyagang nagbantay sa labas ng katedral.

***

Pero ang nakakatawa ay ang kuwento ng peryodistang pampelikula na si Arthur Quinto, na ang kapatid ni Bong at kung gayon ay tiya ni Inah na si Princess Revilla ay hindi dumating sa kasal ng pamangkin.

Ayon kay Arthur, mas inuna pa ni Princess na manood ng Indiana Jones and the Kingdom of the Crystal Skull kaysa makipagkasal sa makasaysayang araw ng kanyang pamangkin.

Ayon naman kay Efren, isang araw lang bago ang kasal ay saka lang niya natanggap ang imbitasyon para sa kanya. Galing lang siya sa Baguio City kung saan may negosyo siyang winery.

***

Samantala, nanalo ang Filipina actress na si Mercedes Cabral sa pangunahing puwesto ng 20 Most Beautiful Women in Cannes kaugnay ng kanyang pagdalo sa ika-61 Cannes Film Festival sa Cannes, France kamakailan.

Naibigan si Mercedes ng Australian website kaya isinama siya sa timpalak kung sino ang Most Beautiful Woman in Cannes.

Kasama si Cabral sa pelikulang Serbis na opisyal na lahok ng Pilipinas sa Cannes 2008. Maganda ang pagtanggap ng buong mundo sa Serbis kahit na pinuna ito ng dalawang kritikong Amerikano kaugnay sa pag-aalis ng pigsa sa puwet ni Coco Martin.

Ayon kay Mercedes, hindi siya makapaniwala na siya ang mangunguna sa paligsahan. Pumangalawa sa kanya ang aktres na taga-India.

Pero maniniwala ba kayo na tinalo ng isang baguhang aktres na Pinay na tulad ni Mercedes ang mga ganda at kalibre ng mga Hollywood beauties na sina Penelope Cruz, Cathe Blanchett, Catherine Deneuve, Linda Evangelista, Joan Chen, Natalie Portman at iba pang bigating bituin sa ibang bansa?

“Hindi nga po ako mapaniwala sa nangyari sa akin. Mabuti naman at maraming bumoto sa akin sa online. Naka-eight hundred votes daw po ako,” pahayag ni Mercedes na magandang-maganda at eksotika pa rin.

***

Napapag-usapan na rin lang ang Cannes Filmfest at ang Serbis, sinabi ni Jaclyn Jose na dedma lang sila sa mga Amerikano, na nagsasabing wala sa kultura nila ang pag-aalis ng pigsa sa pamamagitan ng paghataw ng bote ng Coke sa mata nito.

Tumalsik nga ang pigsa, ang nana, ang balat, ang dugo nang hatawin ito ni Coco ng botelya.

Simbolo lang ’yon ani Jaclyn ng tunay na kondisyon ng lipunang Pilipino na nagnanaknak sa sakit ang lahat ng larangan nito. Ang tema ay kung ang prostitusyon, kabilang ang pagbibigay ng serbisyong sekswal ng isang lalaking nagbibigay ng panandaliang aliw, kaya bakit hindi ito tanggalin?

Parang pigsa ang prostitusyon at ito ang konteksto nito na hindi naintindihan ng mga nagdudunung-dunungang mga Amerikano sa kritisismo.

Ayon nga kay Armando Lao, ang mandudulang pampelikula ng Serbis, mas intelektuwal ang mga Europeo at emosyunal ang mga Kano.

***

Pinalakpakan ang kagandahan ni Jose sa Cannes. Ang mga filmmakers na nakilala siya ay pinuri siya nang lampas-tao.

“Hindi ko makakalimutan ang mga karanasan ko sa Cannes. Pero hindi ako atat na atat magpunta sa Hollywood at maging artista roon. Mas okey na sa akin dito sa Pilipinas,” sabi ni Jaclyn.

Kamakailan ay sumalubong sa aktres, pagkagaling niya sa France, ang balitang pagkabagok ng ulo ng kanyang bunsong anak na lalaki na si Gwen.

“Naglalaro siya sa kuwarto. Tumatalun-talon siya sa magkabilang kuwarto. E, semento ang tabi na nabagsakan niya. Nabagok ang kanyang ulo at nag-complain siya na sumasakit ang mga bahagi ng kanyang katawan. Noon din ay dinala ko si Gwen sa ospital. Kagagaling ko lang no’n sa France pero masamang balita ang sumalubong sa akin,” pahayag ni Jane, palayaw ng aktres mula sa kanyang tunay na pangalang Jane Guck.

Okey na ngayon ang anak ni Jaclyn na magdiriwang ng kaarawan ngayong linggong ito.

***

Maganda namang pasalubong ang paglulunsad ng bagong CD ng Shining Sisters sa Arsenio Castillo Coliseum sa Cavite noong Linggo. Pinamagatan ang record album na Light of the World.

Pambagets at inspirational ang mga kanta ng Shining Sisters kabilang ang Paikut-ikot.

Panauhing pandangal sa paglulunsad ang Rod Stewart of the Philippines na si Paul Toledo at ang nagbabalik-eksenang si Arnel Añasco.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options