News Update

Lagay ng RP Sports sa 2007

in
Darius R. Galang

MATAPOS ang halos tatlong taong suspensiyon ng bansa sa larangan ng pandaigdigang basketbol, nagkasundo ang ilang matatas na samahan ng laro upang buuin ang SBP (Samahang Basketball ng Pilipinas). Inako nito ang kapangyarihan ng pagbubuo, pagsasanay at pagpapadala ng isang pambansang koponan sa internasyunal na liga ayon sa mga hinihingi ng FiBA (International Basketball Federation).

Ang pagkaka-ban ng Pilipinas sa maraming internasyunal na palaro ay bunga ng matinding salungatan ng matatas na opisyal at kinatawan ng basketball sa Pilipinas at ng Philippine Olympic Committee kaugnay ng dating Basketball Association of the Philippines o BAP sa isyu bilang lehitimong kinatawan para sa basketbol, bagaman tinitingnan pa ring miyembro ang kinatawan ng FiBA.

Isang magandang simulain ang naibigay ng pambansang koponan nang talunin nito ang Tsina sa nakaraang FiBA Asian Cup, ngunit nakasagupa ang mga bansang Lebanon at Iran, kapwa nagbubuo na rin ng lakas sa naturang laro sa Asya. Nagkopo lamang ng ikasiyam na puwesto ang San Miguel-backed na koponan sa torneo. Nunit nabawi naman ng bansa ang kampeonato sa Southeast Asia mula sa Indonesia nitong nakaraang SEA (Southeast Asian) Games sa Thailand.

Kung magiging barometro ang isang Manny Pacquiao upang sukatin ang naging bunga ng larong boksing para sa ating bansa, maaaring nabuo na nga niya ang sentimiyento para rito. Inilabas niya ang kanyang pagkadismaya sa amateur boxing nang halos mag-walkout ang buong koponan ng kalalakihang boksingero sa finals ng Southeast Asian Games nitong nakaraan.

Tinignan ni Manny Lopez, presidente ng Amateur Boxing Association of the Philippines o ABAP, na malawakang pandaraya ang ginawa ng host country na Thailand sa anim na kababaihang boksingero na naunang lumaban sa torneo. Isang ginto ni Annie Albania ang nagsalba sa bansa sa naturang laro upang hindi mabokya sa pagkuha ng gintong medalya. Nagkaroon ng opsiyon ng walkout sa men’s boxing finals upang ipahayag ni Lopez ang pagkadismaya niya sa mga nagiging patakaran ng hurado sa internasyunal na labanan.

Si Lopez rin ang kalihim sa Asya ng amateur boxing.

Inihayag na ni Pacquaio at ng ilan pang kinatawan sa palakasan sa bansa ang kanilang pagkadismaya sa naturang aksiyon. Ani Pacquiao, sana’y lumaban na lang sila at gawin na lang ang nararapat sa loob ng ring. Halimbawa niya ang naging laban niya kay Juan Miguel Marquez, na kahit napatumba niya nang tatlong beses ay idineklarang tabla ang laban, ngunit nagawan niya rin ng paraan sa loob ng ring upang pagwagian sa sumunod nilang laban nitong pagtatapos ng taon.
Maraming komentarista at manunulat rin ang tumuligsa sa naging aksiyon ni Lopez. Kasama na rito Ang pangulo ng Philippine Olympic Committee na si Celso Dayrit.

Bagaman kahiya-hiya ang amateur boxing ng bansa, nagningning naman ang ating propesyunal na manlalaro sa internasyonal na eksena. Nilampaso ng bansa ang Mehiko sa nakaraang World Cup of Boxing. Ilang manlalaro na rin ang may hawak ng internasyunal na titulo tulad nina Z Gorres at Nonito Donaire.

Nagningning naman ang koponan ng men’s swimming sa nakaraang SEA Games. Ibinagsak ni James Walsh ang SEA Games record para sa 200m butterfly. Ilang ginto pa ang idinagdag nina Daniel Coakley, Ryan Arabejo at Miguel Molina. Sumungkit si Molina ng tatlong ginto sa naturang laro upang hayagin ring Most Valuable Player sa pagtatapos ng palaro.

Sa kabuuan, bigo ang bansa sa naturang palaro. Nakakuha lamang ang Pilipinas ng 41 na ginto upang malugmok sa ikaanim na puwesto matapos manguna dalawang taon na ang nakaraan nang idaos ang palaro sa bansa.

Sa bilyar naman, natalo ang 2006 kampeon sa billiards na si Ronnie Alcano sa edisyon ngayong taon ng palaro nang makuha ng briton na si Darryl Peach ang titulo. Hindi rin naging maningning ang taon para kina Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante at iba pa sa internasynal nilang pakikipagsagupa.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options