News Update

Kolaborasyon para sa kalikasan

in

Patrick Bilog / Darius Galang / Chrysalin Ann Garcia

 

Rebyu ng Rapu-Rapu atbp.: Taghoy ng Kalikasan
Independent album na proyekto ng Center for Environmental Concerns-Philippines
Pinordyus nina Chickoy at Monet Pura


MATAGAL-TAGAL na ring hindi nakakarinig ng makabuluhang concept album ang mga Pinoy.

Sa pagkakataong ito, ipinapaabot ng sampung awiting nakapaloob sa kompilasyong Rapu Rapu atbp.: Taghoy ng Kalikasan ang mensaheng pagtatanggol para sa kalikasan laban sa pagsasamantala ng gobyerno at mga dayuhan.

Tinipon ang mga kantang nabuo mula sa isang songwriting workshop na isinagawa ng Center for Environmental Concerns-Philippines, at sa pakikipagtulungan rin ng ilang non-government organization na nagsusulong ng pagtatanggol at pangangalaga ng kalikasan tulad ng Southern Tagalog Environmental Action Movement at Kalikasan-People’s Network for the Environment Kinuha ang kolaborasyon ng mga kilalang musikero’t mang-aawit upang bigyang-buhay ang mga titik ng awitin.

Pagsasanib ng titik at musika
Pag-aangkop sa kani-kanilang tunog ang ipinamalas ng mga artistang tumulong. Binuksan ng trademark na tunog ng The Jerks ang paglusob sa damdamin ng nakikinig sa awiting “Linta”. Partikular na tunog-popular ang awiting “Hindi na ligtas” na isinulat ni Rom Dongeto, isinaayos ni Mike Villegas (ng Rizal Underground), at nilapatan ng boses ni Aiza Seguerra.

Tumulong naman si Noel Cabangon upang iareglo ang awiting “Ina” ni Cookie Chua, habang umatake naman siya sa kanyang pag-awit ng “Katutublues” na isinulat ni Eros Masa.

Tampok ang pagbibigay-pugay sa katutubong kultura sa awiting “Saludsod ni Ading” mula sa Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera.

Binigyan ng masaya ngunit matuligsang atake ang awiting “Tubig ay Buhay” na isinulat ni Omer Mejia at tinugtog ng Coffeebreak Island. Hindi mawawala ang pag-asam at pangangarap para sa “Pangarap na Mundo” sa tunog ng ska ng Lady High. Patangis na ihiniyaw ang katanungang “Para Saan, Para Kanino” ang ginagawang paglalapastangan sa kalikasan ng Datu’s Tribe.

Nariyan din ang “Gintong Pamana” ni Bayang Barrios.

Isinara ni Lolita Carbon ang kompilasyon sa awiting “Rapu-Rapu”

Musika ng kalikasan
Maaari, hindi matatawaran ang mga produktong nilikha ng workshop, dahil mahusay at kongkretong inilahad ng mga titik nito sa kasalukuyang kalagayan ng ating kalikasan.

Direkta ang pag-atake sa pang-aabuso at pagbebenta sa kalikasan sa mga dayuhan ng kantang “Linta”, habang malaman ang pagtatangis sa tanong na “Para Saan, Para Kanino” ang ginagawang paglapastangan sa likas na yaman ng ating bansa. Literal ang pagkukulay ng imahe ng “Pangarap na Mundo. Binuhusan ng kulay ng ska ang pag-aasam para sa isang “Pangarap na Mundo”, habang naisabuhay naman ang hindi na ligtas na ayos na kapaligiran sa awiting “Hindi na Ligtas.”

Partikular ang pagbabanggit sa ilang pook tulad ng Sierra Madre sa “Linta”. Malinaw rin ang pagdidibuho ng pagwawaldas at kapritsuhan ng mga may kapangyarihan at mayayaman sa pamamagitan ng pagbanggit ng Wack-Wack golf course sa “Tubig Ay Buhay”.

Mahusay na metapora ng isang ina na nagbibigay ng kalinga at pagpapanatili sa kanyang supling ang inilahad sa awiting isinabuhay ni Cookie Chua.

Sa huli at pansarang kanta, malinaw na inilahad ang maalab, walang-kapaguran at walang-takot na pagtatanggol sa kalikasan.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options