News Update
Kay Leo, tatay kong nawawala
Lorena Santos
GUSTO ko sanang batiin ka nang personal at yakapin ka nang mahigpit. Pero paano?
Mula noong dinukot ka, sa panaginip na lang kita nakakasama. Hay, gustung-gusto kitang makita at mabati ng “Happy Father’s Day, Tatay!”
Tiyak, maaalala ka namin ni Nanay pagbisita ko sa kanya ngayon sa Kampo Crame . Siguro, alam mo na rin (sa pamamagitan ng mga dumukot sa iyo o kung may akses ka sa balita) na dinukot din si Nanay at inilutang matapos ang tatlong araw (siyam na buwan matapos kang dukutin at mawala). Pihadong nag-alala ka para sa kanya. Hindi na dapat, dahil inaalagaan na namin siya. Kahit sa pagkakadetine, wais siya sa paggamit ng oras – nagbabasa ng mga libro at tumutulong sa mga kapwa detinido niya sa samu’t saring problema nila.
Sana natulad ka na lang kay Nanay, imbes na ganito. Mas gusto ko nang makita kang nakakulong kaysa hindi ka man lang makita. Kahit paano, magkakaroon ako ng araw na makita ka at makakain tayo ng paborito nating pagkain. Puwede tayong magkuwentuhan at magtawanan.
Pero dahil hindi pa kita natatagpuan, makukuntento na lang ako sa pagsulat, umaasang sa pamamagitan ng midya, mababasa mo ito at hahayaan ka ng mga dumukot sa iyo na basahin ito.
Tatay, sorry, hindi pa rin kita nakikita hanggang ngayon. Alam kong ginawa ko na ang lahat pero alam ko ring mas marami ang dapat gawin ng gobyerno ni Gng. Arroyo. Tutal, militar niya ang dumukot sa iyo at nagkait sa iyo ng karapatan sa karampatang proseso. Dapat nagtanung-tanong ako sa mga taong nakaalam kung saang safe house ka itinago, pero mga ahente ng gobyerno ang may tungkuling ilutang ka at sampahan ng kaso.
Sa paghahanap ko sa iyo, nakilala ko ang ibang naghahanap din sa kanilang mga anak, kapatid, nanay, tatay o parehong magulang. Nakilala ko si Deka, naghahanap sa tatay niyang si Philip Limjoco na dinukot sa Pampanga. Nakilala ko si Noel (di niya tunay na pangalan), nawawala ang parehong magulang. Nakilala ko rin si Baby (di niya tunay na pangalan), tatlong taong gulang, na tanong nang tanong kung nasaan ang tatay niyang dinukot sa Quezon. Nakilala ko na rin si Guy, dinukot ang tatay 20 taon na ang nakakaraan pero patuloy pa ring gumagawa ng mga card para sa mga kaarawan niya.
Nauunawaan namin ang isa’t isa, kung gaano kasakit hanap-hanapin ang nawawalang mga magulang. Pinagsasaluhan namin ang galit sa mga dumukot sa iyo at sa kanilang mga amo at sa mapanupil na sistemang ito. Iniisip namin kung paanong kinakaya ng mga dumukot sa aming mga mahal sa buhay na matulog sa gabi (katabi siguro ang kanilang pamilya).
Alam kong magkakaugnay kami dahil sa trahedyang ito – ang enforced disappearance – na praktika ng estadong dapat nang itigil at huwag nang ulitin.
Pakiramdam ko, magkakapatid kami at mga anak mo na rin sila. Mga anak kami ng mga desaparacidos. Mga anak din kami ng mga magulang na nakipaglaban para sa kanilang prinsipyo at naglingkod sa mga inaapi.
Lagi akong pinapaalalahanan ng mga taong nakakilala sa iyo kung gaano ka kahusay na ama, sa nakakatuwang mga kuwento: kung paano mo sila tinulungan bilang manggagawang pangkalusugan noong maysakit sila, paano mo sila napaniwalang posible ang kapayapaang nakabatay sa katarungan, at paano mo sila pinayuhan at binigyan ng lakas sa harap ng mga kahirapan. Tulad ko, inaasam din ng karaniwang mga taong itong pinaglingkuran, niyakap, at sinamahan mo sa buhay na makita ka na.
Ipinagmamalaki kita, Tatay. Kahit noon pa man. Salamat sa pagpapakita sa akin ng mga reyalidad ng buhay at lipunan. Salamat sa pagpapakita sa akin ng halaga ng paglilingkod. Kung hindi mo ito itinuro sa akin, hindi magkakaroon ng ibang halaga ang buhay ko.
At kami, mga anak ng nawawalang mga ama at ina, sinasabi naming sobrang nami-miss ka namin. Hindi kami titigil sa paghahanap sa iyo hanggang di ka namin natatagpuan. Hindi kami titigil sa paglaban hangga’t di natin nakakamit ang katarungan.
Nananalig akong magkakaroon pa ng pagkakataong makikita kita nang buhay. Nananalangin akong ang mga dumukot sa iyo’y magkaroon ng konsensiyang buuing muli ang ating pamilya – gayundin ang kina Deka, Noel, Baby at lahat ng pamilya ng mga biktima ng pagdukot sa bansang ito.
Father’s Day ngayon. Pakibati na lang ang mga dumukot sa iyo ng “HAPPY Father’s Day” para sa akin.
Miss na kita at inaasam kong makita ka agad.
Ang nagmamahal mong anak,
Aya.
RSS