News Update
Pasasalamat at Pamamaalam
NANG isilang sa daigdig ng peryodismo ang Pinoy Weekly noong Agosto 7, 2002, sinikap nitong manuntunan sa landas ng katotohanan. Masagasaan man ang interes ng iilang naghahari-harian sa lipunan, hindi nangimi ang PW na ugatin, dalirutin at suriin ang importanteng mga isyung kaugnay ng pambansang kapakanan – mulang pagpapakasangkapan ng walang gulugod na pambansang liderato sa mapandambong na dayuhang mga interes hanggang sa talamak na katiwalian sa burukrasya, mulang inhustisya ng uring mapagsamantala laban sa binubusabos na masang sambayanan hanggang sa pagkasugapa, at pag-abuso, sa kapangyarihan ng mga nasa poder.
Nanindigan ang peryodikong ito sa diwang makabayan, makatao, mapagmulat, mapagpalaya at progresibo. Naging kakabit ito ng pusod, puso at isip ng uring maralitang patuloy na inginungudngod sa kahirapan at kaalipinan na, higit na masama, patuloy pang sinisikil at sinasalaula ng mga diyus-diyosan ang sagrado’t lehitimo nilang mga karapatang sibil lalo na kaugnay ng adhikain nilang magkaroon ng pambansang pagbabago sa ilalim ng nakasusukang pambansang kaayusang palsipikado ang kasarinlan at kalayaan, palsipikado ang demokrasya’t katarungan, lalo na ang minimithing kaunlaran at hustisya sosyal.
Naging kabalikat ang munting diyaryong ito ng mumunting mga pangarap at adhikain ng masang sambayanan – mga magsasaka’t manggagawa o uring inilarawan ng isang makata na “kulang sa pera, kulang sa damit, kulang sa kanin, walang lupa, walang bahay, walang-wala” – dahil lamang kontrolado ng iilang mapagsamantalang grupo ang pambansang pulitika’t ekonomiya at tagahimod pa ng pundilyo ng mapambusabos na dayuhang mga interes, ngayon at noon pa man, ang pambansang lideratong laging nagpapanggap na mga makabayan ngunit, sa katotohanan, sila pa ang bentador ng pambansang kapakanan dahil lamang sa masidhi nilang makasariling ambisyon at interes, lalo na ang kasibaan sa kayamanan, pribilehiyo at kapangyarihan.
Sa maikling salita, isinulong ng mga nilaman ng Pinoy Weekly sa halos anim na taon ang pambansang kapakanan at interes ng uring patuloy na pinagsasamantalahan at binubusabos ng iilang naghahari-harian sa lipunan. Tandisang isinatinig din nito ang matagal nang adhikain ng masang sambayanan na umiral, sa wakas, ang isang lipunang mapayapa at maunlad, makatao at demokratiko – hindi ang uri ng lipunan ngayong nagpapakabundat sa pawis at dugo ng sambayanan, ang tiwaling mga opisyal ng pamahalaan, ang mga suwitik na kapitalista’t asendero, at ang iba pang nabibilang sa uring mapang-alipin at mapagsamantala.
Gayunpaman, dahil sa matinding krisis pang-ekonomiyang umiiral ngayon sa bansa – bunga na rin unang-una ng balintuna’t makadayuhang mga patakarang pangkabuhayan ng kasalukuyan at nagdaang mga rehimen, bukod pa sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis kaya tuluy-tuloy ang pagtaas din ng mga bilihin at serbisyo – hindi maiwasang maging biktima rin ng naturang krisis ang diyaryong ito, gaya ng milyun-milyon ngayong mamamayang tuliro na’t hindi na malaman kung paano pa mabubuhay sa bawat araw.
Nakalulungkot man, kahit tuloy ang Pinoy Weekly Online, ipinababatid ng pamunuan ng peryodikong ito sa madlang mambabasa na matapos ang isyung ito, pansamantala munang ihihinto ang paglalathala nito. Anuman ang mangyari – tuluyan mang mawala sa sirkulasyon o muling mabuhay ang Pinoy Weekly – ipinaaabot nito ang walang hanggang pasasalamat at maalab na pagpupugay sa lahat ng mambabasang masugid na sumubaybay, tumangkilik, at nakiisa sa matapat, mapanuri at makabayan nitong mga simulain.
Sa madlang mambabasa, muli, maraming salamat at paalam muna. – RLO
RSS