News Update

Paghahanap ng sambayanan sa hustisya sosyal

in
Noel Sales Barcelona

PAANO NGA ba maghanap ng hustisya sa isang lipunang puno ng inhustisya at kapanyayaan gaya nang sa Pilipinas? Makukuha ba ang katarungan sa pamamagitan ng hukumang nababayaran at ang simbolo, may tapal na salapi ang nakapiring na mata? O sa tungki rin ng baril, sa dangal at alab ng isang rebolusyon?

Ito ang pinakabuod ng nobela ni Dr. Nemesio Prudente, presidente emeritus ng tinaguriang pamantasan ng mga maralita, ang PUP (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas).

Nag-umpisa ang nobela sa pagbibigay ng pilosopikal, pulitikal, at legal na depinisyon ng salitang hustisya at kung paano tinatanaw ng iba’t ibang pantas, mula sa iba’t ibang panahon at lugar, ang hustisya sa konteksto ng umiiral na panlipunang kalakaran noong mga panahong iyon.

Tinalakay ng nobela, hindi lamang ang paghahanap ng hustisya ni Dr. Pacifico Numer, pangulo ng Suma (State University of Manila) ukol sa tangkang pagpaslang sa kanya dahil sa diumano’y pagiging kasangkot niya sa mga gawaing “underground” at pagtulong sa mga tao at organisasyong itinuturing ng elitistang gobyerno bilang “subersibo”, kundi maging ang paghahanap ng hustisya ng ordinaryong Piliping mula sa uring pinagsasamantalahan.

Sa pinakalundo ng pakikipagsapalaran ni Numer, mulang imbestigasyon sa kanyang kaso, hanggang sa tangkang paghihiganti ng pinagsama ng puwersang maka-Kaliwa, ng Manila Urban Guerilla at New People’s Army noong unang bahagi ng dekada ’80 at ’90, natalakay ang mga suliraning panlipunang matagal nang nag-uukok sa pinakaubod, hindi lamang ng pulitika ng Pilipinas kundi maging sa sangay pangkultura nito.

Kabilang sa mga suliraning nabanggit sa kanyang nobela ang talamak na korupsiyon sa gobyerno, ang tila pangungusinti sa mga krimeng ginagawa ng ilang opisyal ng pulisya (ang ilan, naging senador pa nga), ang pakikipagsabuwatan ng pambansang gobyerno sa Amerika para dambungin ang yaman ng bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng mapagsamantalang patakaran, at ang hindi pagkakakulong ng ilang nakasuhan dahil sa pandarambong sa kabang-yaman ng bayan, alalaong baga, sina dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, kapatid nitong si Benjamin Romualdez, at maging anak nitong si Gob. Ferdinand “Bong-bong” Marcos Jr.

Itinatambol din ng nobela ang kalayaang pang-akademiko.

Katulad ng nauna niyang nobelang “The Revolutionists” noong 2002, mapanghamon ang nobelang ito sa sambayanang Pilipino: kailangan ang patuloy na paglaban, pagtagumpayan ang laban kontra pagsasamantala at kamtin ang hinahangad na lipunang umiiral ang tunay na demokrasya at hustisya-sosyal.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options