Pinoy Weekly

Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo

[Kung ibinabayad sa manggagawa ang buong halaga ng nililikha niya, wala nang tubo ang mga kapitalista. Kung kaya ang layunin ng agresibong mga kapitalista ay palakihin nang palakihin ang labis na halaga o ang di-nababayarang halagang nililikha ng manggagawa – sa pamamagitan ng pagpapahaba ng oras ng paggawa (paglikha ng absolutong labis na halaga) o pagpapasok ng mga makina para pabilisin nang ilang ulit ang produksyon ng mga kalakal (paglikha ng relatibong labis na halaga).] Nagaganap din ang paghahanap ng murang lakas-paggawa at ng hilaw na materyales para punuan ang mga gastusin sa produksyon dahil sa pagpapasok ng mas maraming modernong makinarya. [Sa librong Masters of Science and Invention (Harcourt, 1951) ni Floyd L. Darrow, tinalakay kung paanong nagamit ng burgesya para sa negosyo ang mga imbensyon at ideya ng mga miyembro ng uring anakpawis at mga siyentistang maralita.]

Kaya itinayo ng burgesya o mga kapitalistang Ingles sa suporta ng kanilang gobyerno ang English East India Company para pasukin ang mga pamilihan ng Asya, partikular ang napakamataong Tsina. Sa pag-usbong ng ibang bansang kapitalista sa ikalawang hati ng ika-19 na siglo – Belgium, Germany, France, Netherlands, at ang nahuli-sa-pansitang US – naganap ang isang pangkalahatang krisis ng labis na produksyon noong 1870, na nagdulot ng pagkakarambola para sa mga kolonya, na bumiktima rin sa Pilipinas noong 1898, salamat sa US. Pinaghati-hatian ng kapitalistang mga bansa ng Europa ang Aprika at Tsina, at eksklusibong inangkin ng mga kapitalista ng US ang Timog Amerika bilang kanilang sona ng negosyo noong 1854 sa pamamagitan ng bantog na doktrina ni Presidente Monroe. Sa kabila ng pagkakaroon ng bagong mga kolonya, gayunman, bumagsak ang ikalawang krisis ng labis na produksyon ng kapitalismo noong 1911, na nagdulot ng pagsasara ng maraming pabrika, at pagsisante sa maraming manggagawa, lalo na sa US. Noong 1914, sumambulat ang unang malawakang digma ng mga bansang kapitalista, ang Unang Digmaang Pandaigdig, na pangunahing iniluwal ng pag-aaway ng Inglatera at Germany para kontrolin ang Gitnang Silangan, na mayaman sa langis. Idinulot ng digma ang pagbangon ng ekonomiya ng US sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga kagamitang pandigma nang utang ang bayad; at ng England at France, na nakinabang sa pagkagapi ng Germany sa pamamagitan naman ng pag-angkin sa mga pag-aaring kapitalista at kolonya ng huli batay sa bantog na Kasunduan sa Versailles. Isa ang pagiging mapaghiganti ng kasunduang ito sa mga dahilan ng pagsulpot ng Nazismo sa Germany.

Sa kontekstong ito ng pabalik-balik na labis na produksyon ng kapitalismo, sumulpot ang kombinasyon ng kapital na pang-industriya at ng kapital na pampinansya, ang oligarkiyang pampinansya o mga monopolyo-kapitalista, na nagpatindi sa pamumuhunan nila sa merkadong pampinansya para iwasan ang multo ng labis na produksyon. Mangyari, pwedeng umasa ang kapital na pampinansya – sa pamamagitan ng pagbebenta at pagbili ng mga bond at stock at iba pang porma ng securities at ng pagpapautang – na umani ng tubo sa pamamagitan ng mga interes at dibidendo nang hindi nagpoprodyus ng kahit isang kalakal. Sa pagmanipula sa kanilang account, na madalas mangyari sa pagsulong ng kapital na pampinansya, at sa pagkakalat sa publiko ng mga tsismis, pwedeng maakit ang publiko na bumili ng mga stock at bond na magpapalaki naman sa kapitalistang halaga ng mga korporasyong kapitalista. Kaya, matapos ang ikalawang krisis ng labis na produksyon ng 1911, na naalpasan ng kapitalismo sa pamamagitan ng Unang Digmaang Pandaigdig, napalakas ng mga oligarko sa pinansya – maliban sa Germany – ang mga institusyong pampinansya nila para makahamig pa ng mas maraming salapi galing sa publiko sa pamamagitan ng pagtatayo ng marami pang mga mutual fund, mga kompanya sa insurance at pagkatapos ay mga investment house.

Pagpasok ng dekada ’30, bagamat mayroong lumalaking imbak ng kalakal sa mga bodega ng mga kapitalista dahil sa anarkistang paraan ng produksyon ng kapitalismo – kung saan ang walang pakialamanan ang bawat isa dahil itinuturing na masama ang interbensyon ng gobyerno – patuloy na humamig ng tubo ang mga korporasyong kapitalista dahil sa tumataas na halaga ng mga pautang o gawa-gawang kapital (fictitious capital), stock, bond, at iba pang kapital sa papel (paper capital). Pero di nagtagal, malalantad at puputok ang ekonomiyang bula na ito gaya nga ng nangyari noong Great Depression ng 1929, na iniluwal din sa pangunahin ng naganap na pagbagsak sa ispekulasyon sa mga pag-aaring real estate sa US, na nagdulot naman ng pagbagsak ng mga stock sa Wall Street. Gaya ng dati, milyun-milyong Amerikano ang tinanggal sa kanilang trabaho. Mayroon pa ngang mga empleyado ng Wall Street na lumundag sa mga bintana dahil sa biglaan nilang pagiging maralita. Naging uso ang katawagang “cardboard America” noong Depresyon, na nagsikap isalarawan ang sitwasyong ng maraming Amerikano na nakatira sa mga bahay na cardboard sa mga kalsada at iba pang lugar at nang mayroon cardboard lang na mga sapatos. Nauulit ang mga eksenang ito ngayon, dahil libu-libong Amerikano ang nabubuhay ngayon sa mga trailer truck dahil sa kasalukuyang pampinansyang delubyo ng kapitalismo, kaya pwedeng rebisahin ang naunang katawagan para maging “trailer America.”

1 2 3 4 5 6

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=518

Posted by on Apr 20 2009. Filed under Espesyal na Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes