Pinoy Weekly

Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo

Ang Paulit-ulit na Kapitalistang Krisis Pampinansya

Isa na namang malawakang gera, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang nagsalba sa bangkaroteng mga monopolyo-kapitalista ng US dahil walang kinahinatnan ang New Deal ni Roosevelt na nagkumahog na pasiglahing muli ang maysakit na ekonomiyang Amerikano. Isang malinaw na halimbawa ang interbensyon ng gobyerno ng US sa porma ng paggastos kahit magkaroon ng depisito (deficit spending) noong dekada ’30, kung saan nilalabag ng isang gobyernong kapitalista ang prinsipyo nitong malayang kalakalan pagdating sa pagliligtas sa mayayaman tulad ngayon sa “reyna ng lahat ng pampyansa”. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng armas at iba pang kagamitang pandigma – muli, nang pautang – kahit sa Unyong Sobyet na dati nitong kalaban, muling pumasok ang US sa tinatawag na “ginintuang mga taon” ng ekonomiyang Amerikano noong dekada ’50, natulungan nang husto ng pagkakatatag nito sa IMF at World Bank noong 1946 para tiyakin ang nangunguna nitong posisyon kumpara sa ibang bansang kapitalistang sinalanta ng digma, na nakasandig ngayon sa pondo ng US sa pamumuhunan.

Patuloy na lumikha ng kaalwanan para sa Wall Street ang dalawang digmaang pinasok ng US matapos ang 1946 – ang Korean War at Vietnam War – dahil napanatili ng mga monopolyo-kapitalistang Amerikano at ng sabwatang militar-industriya (military-industrial complex) ang tubo nila sa pamamagitan ng paglalabas ng mga kagamitang pandigma na nagpasigla rin sa kaugnay na mga industriya tulad ng sa langis at elektroniks.

Pero sa pagtatapos ng Vietnam War noong 1976, nagsimulang multuhing muli ng resesyon ang ekonomiya ng US, at tumindi ang ispekulatibong pamumuhunan para hadlangan ang bumabagsak na tantos ng tubo dahil sa labis na produksyon.

Humantong ang lumalaking ispekulatibong pamumuhunan sa merkado ng salapi ng US sa matinding pagguho sa negosyong real estate, na nagluwal ng pagbagsak ng mga stock sa Wall Street sa tinawag na “Black Monday” noong Oktubre 1987. Tulad ng nasabi na natin, sa pagbagsak na ito ng merkado, sinaklolohan ng US ang bangkaroteng mga korporasyong kapitalista sa pamamagitan ng pyansang $500 bilyon. Kahit pagkatapos ng pagpyansa, gayunman, patuloy na lumaki ang ispekulatibong pamumuhunan, lalo na sa mga mutual trust fund at sa real estate muli. (Hindi na natuto ang mga gahaman.) Noong unang hati ng dekada ’90, binubuo ng ispekulatibong pamumuhunan sa US ang 23% ng kabuuang netong fixed capital stock ng pribadong sektor, higit pa sa kahit anong industriya. [Robert Brenner, “The Economics of Global Turbulence, A Special Report on the World Economy, 1950-1998,” New Left Review, 1998 pahina 211.] Naghanap-hanap din sa pandaigdigang mga merkadong pampinansya ang mga kompanyang pampinansya ng US ng ispekulatibong pamumuhunan na magluluwal ng malalaking tubo – naghahanap partikular ng mga sovereign bond ng mga bansa, sa kahibangan din ng mga bansang itong magkaroon ng dayuhang puhunan kahit na ito ay mga kapital lang sa ispekulasyon o hot money. Kailangang pansining nakatulong nang malaki ang patakarang liberalisasyon ng merkadong pampinansya, na itinulak ng globalisasyon, sa walang sagkang pagdaloy ng ispekulatibong kapital sa buong mundo, na nagdulot paglaon ng Asian Financial Crisis ng 1997 at krisis sa Rusya at Brazil ng 1998.

Sa ganitong takbo ng mga pangyayari, lalo na sa mismong US, peligrosong muling lumilikha ang kapitalismo sa US ng isang ekonomiyang bula (bubble economy) para sa kanilang mga mamamayan. Noong 1997, rumurok ang halaga ng mga share sa stock exchange ng US sa $10.9 trilyon, lampas pa sa GDP ng US na $8 trilyon. Tinularan ng ibang kapitalistang bansa ang masidhing paglipat sa pamumuhunang ispekulatibo na pinamunuan ng monopolyo-kapitalismo ng US. Kaya naman mayroon ngayong malalaking manedyer ng mga pondo (fund manager) at bangko ng pamumuhunan – ang United Bank of Switzerland ($920 bilyong pag-aari), Kampo ng Japan ($720 bilyong pag-aari), Axa ng France ($429 bilyong pag-aari) at Barclays ng England ($385 bilyong pag-aari), at iba pa. Gumawa ng bagong pamamaraan ang pampinansyang mga manedyer para makaakit ng mamumuhunan mula sa iba pang korporasyon at sa publiko. Mayroon na ngayong tinatawag na mga “new derivative,” bukod sa mga stock, bond at mutual fund, tulad ng pamumuhunan sa presyo ng mga kalakal (tulad ng langis) sa hinaharap at sa mga hedge fund. [Itinuturing ang hedge fund na pinakaligtas na klase ng ispekulatibong pamumuhunan dahil, diumano, binabalanse nito ang halaga ng isang security paper laban sa iba pa batay sa pagkalkula sa peligro ng mga eksperto sa estadistika.]

1 2 3 4 5 6

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=518

Posted by on Apr 20 2009. Filed under Espesyal na Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes