Pinoy Weekly

Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo

Ang Katangian ng Kasalukuyang Ekonomiyang Bula

Sa paglago ng ispekulatibong pamumuhunan sa US noong dekada ’90, di mapipigilang pumutok ang ekonomiyang bula nito at muling nangyari nga ito noong 2000 sa pagbagsak ng industriya ng DotCom. Sa taong iyon, nagsimulang sumubsob nang husto ang mga stock ng malalaking kompanya ng kompyuter sa Wall Street, dahil lumitaw na niloloko nila ang publiko kaugnay ng kanilang pampinansyang liquidity. Inakit ng mga kompanyang ito ang publiko na bumili ng mga stock mula sa kanila sa todong ipinagyabang na “rebolusyong pang-impormasyon” o sa tinawag na Bagong Ekonomiya na sinusuportahan pa ng gobyerno ng US. Nabangkarote ang World Com at Adelpha at iba pang malalaking kompanyang DotCom noong natuklasang dinodoktor nila ang mga libro nila ng account para ipakitang mayroon silang tubo. Nagsara rin ang pang-apat na pinakamalaking kompanya ng langis sa US, ang Enron, at naging paksa ito ng imbestigasyon, kasama ang mga kompanyang DotCom, ng Washington kaugnay ng maling mga praktika nito. Gayunman, pinatawan lang ang mga sangkot sa maanomalyang mga transaksyong itong gumamit sa pera ng karaniwang mga Amerikano ng napakagaang na parusa ng gobyerno ng US.

Pero nagpatuloy ang malalaking kapitalistang pampinansya sa Wall Street sa kanilang kasakiman at kalokohan sa pag-aalok ng kaduda-dudang mga kasunduan ng pautang sa publiko, na ipinakete naman bilang kaakit-akit na mga papeles na pang-seguridad sa ibang pampinansyang institusyon, tulad ng mga bangko sa pamumuhunan at mga kompanya sa brokerage. Syempre, papataasin ng paglago ng halaga ng pautang ng mga korporasyong pampinansya ang presyo ng mga stock nila sa Wall Street. Ibinigay ang madaling pautang o ang diumano’y subprime mortgage rate (ang pinakamababang tantos ng interes sa mga pautang sa pabahay na nasa 5% lang) sa ordinaryong mga Amerikanong gustong magkabahay. Nasa sentro ng aktibidad na ito ang Freddie Mac at Fanny Mae, mga institusyong pampinansya na may pautang na mortgage, kasama na ang ibinibigay nilang pautang sa ibang bangko para sa layuning ito, ay 70% ng lahat ng pautang para sa pabahay sa US. Binanat nang husto ng ibang bangko sa pamumuhunan – tulad ng Bear Stearns at Lehman Brothers (na ika-apat na pinakamalaking bangko sa pamumuhunan sa US) – ang kanilang pautang para sa pabahay dahil binigyan sila nito ng magandang posisyon sa merkado, na nagpataas sa halaga ng kanilang mga stock. Padalus-dalos ang mga pagsusuri sa panganib na dapat sanang ginawa ng mga institusyong pampinansyang ito dahil interesado lang silang humamig ng mabilisang panimulang mga hulugan at interes mula sa publiko, at di nagtagal, milyun-milyong ordinaryong Amerikano ang hindi nakabayad ng taunang mortgage.

Bumagsak ang presyo ng real estate dahil sa narimatang mga bahay, at nagsimulang sumadsad nang todo ang mga halaga ng mga stock ng malalaking bangko ng pamumuhunan dahil hindi na nila masingil ang masasamang pautang nila – na karamihan ay ibinungkos na mga bond at iba pang porma ng securities at ibinenta sa ibang bangko at institusyong pampinansya, sa US at sa ibang bansa. Unang bumagsak noong Marso 2008 ang Bear Stearns, isang bangko sa pamumuhunan, na binili ng JP Morgan Chase & Co matapos itong pyansahan ng gobyernong US ng $30 bilyong pautang. Sumunod ang IndyMac, pinakamalaking thrift bank na nabangkarote sa US, at kinailangang kontrolin ng gobyernong Pederal ang bangkong ito. Dahil sa takot na kumalat ang pagkabangkarote sa malalaking bangko at financial house, isinabansa ng gobyerno ng US ang Freddie Mac at Fanny Mae, na ang totoo nama’y itinatag ng gobyernong Pederal noong dekada ’30 para tulungan ang pangangailangan sa bahay ng sambayanang Amerikano, pero isinapribado pagkatapos sa diwa ng kapitalismong Amerikano.

Pero hindi na mapahupa o mapaatras ang along nilikha ng mga kapitalistang pampinansya dahil sa kanilang walang hanggang pagkagutom sa tubo, kahit pa sa kapital sa papel lang, at nagdeklarang bangkarote ang Lehman Borthers noong Setyembre 2008 dahil sa $60 bilyong pautang nitong bumagsak. Dahil sa pagkakadawit ng Merrill Lynch & Co, pinakamalaking kompanya sa brokerage sa US, sa Lehman Brothers, nag-areglo ito ng isang dali-daling kasunduan na mabili ng Bank of America. At noong nameligro ang AIG (American International Group), pinakamalaking kompanya ng insurance sa mundo, dahil sa di-mapigilang pampinansyang ligalig na nagpaliit sa halaga ng stock nito, pinyansahan ito ng gobyerno ng US sa pamamagitan ng pagpapasok ng $85 bilyon. Kumalat sa iba pang bansa ang kaguluhang nagaganap sa merkadong pampinansya ng US dahil magkakaugnay ang mga negosyong kapitalista sa isa’t isa sa pagbebenta at pagbili ng mga securities at iba pang papeles na pampinansya – kung saan bumigay ang Halifax Bank of Scotland nang bumagsak ang presyo ng mga stock nito at noong inanunsyo ng British Bank Lloyds TSB na pag-aarian nito ang namemeligrong bangko sa halagang $21 bilyon. Apat na malalaking bangko sa England, kasama na ang Barclay Bank at Royal Bank of Scotland (RSB), ay nasa rurok na ng pagkabangkarote, kaya ang gobyerno nila ay nag-anunsyo ng $64 bilyong saklolo sa mga bangko ito. At dahil sa pagkakalantad sa pamilihan ng England, ang pinakamalalaking bangko sa Iceland ay bumagsak din at isinabansa ng kanilang gobyerno para maisalba ang natitirang kapital ng mga bangkong ito. Ganito rin ang nangyayari sa ibang bansa sa Europa sa pagsadsad ng mga presyo ng mga stock sa Germany, France, Denmark at Russia. (Kailangang isarado ang stock market ng Russia nang dalawang araw para pigilin ang patuloy na pagbagsak ng mga stock nito). Kumalat na ang kaguluhan sa pamilihang pampinansya ng kapitalismo sa China, Japan, Singapore, South Korea, at Indonesia at iba pang bansa sa Asya na mayroong negosyo sa US at sa Europa. Di pa naaabot ang sahig ng balon sa pagbagsak ng halaga ng mga stock ng malalaking korporasyon ng kapitalismo at apektado rin ang tunay na ekonomiya (real economy) sa pagsisante ng mga kompanya sa sektor ng produksyon at serbisyo ng kanilang manggagawa upang makatipid o sa tuluyang pagsasara nito.

Sa Pilipinas, pitong bangko, tampok ang Banco de Oro at Development Bank of the Philippines o DBP ng gobyerno, ang may kabuuang pondo (exposure) sa bangkaroteng Lehman Brothers sa halagang $386 bilyon o halos P2 trilyon. Apektado na rin pati ang SM Corporation na may $100 milyong puhunan sa Lehman Brothers. Tiyak na mangangahulugan ang malalaking halagang ito ng mabagal na pagdaloy ng kapital sa sektor ng industriya, na makakaapekto, pangunahin, sa maliliit na negosyo, at magdudulot ng pagkabangkarote nila. Libu-libo pang manggagawa ang maaaring matanggal sa trabaho sa lokal na ekonomiya, na makakadagdag pa lalo sa napakataas nang pambansang tantos ng kawalang-trabaho na nasa 11% sa kasalukuyan.

1 2 3 4 5 6

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=518

Posted by on Apr 20 2009. Filed under Espesyal na Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes