Pinoy Weekly

Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo

Isang Malaking Casino ang Merkadong Pampinansya

Lumalabas na nangungunang paraan ang ispekulatibong pamumuhunan – na nagdulot na ng sunud-sunod na krisis sa ekonomiya ng US – para makalikha ng madali at mabilis na tubo ang mga korporasyong kapitalista sa buong mundo nang hindi nagpoprodyus ng kahit anong kalakal. Tuluy-tuloy na nagdulot ng pagkawasak ng kapital sa salapi, at maging ng gold standard, ang kapital sa pautang. Dalawang beses nang inabandona ang gold standard ng mga bansang kapitalista: ang una, noong 1920; ang ikalawa, noong 1971 dahil nagkalabu-labo ang halaga ng salapi at pautang. Sa ngayon, hindi makahabol ang kapital sa salapi sa paglaki ng kapital sa pautang dahil nahihibang ang mga kapitalistang pampinansya sa pagpapalaki ng halaga ng kanilang negosyo kahit pa batay lang ito sa gawa-gawang kapital (pautang) na hindi pa naisasalin sa salapi, at lalong hindi pa nagkakaroon ng katumbas na halaga sa produktibong kapital na kinakatawan ng GDP ng mga kapitalista. Napalobo nang 16 na beses ang pandaigdigang pag-aaring pampinansya – kasama na ang mga equity, debt security na pribado at pampubliko, mga stock, bond, at treasury bill at iba pang porma ng pampinansyang derivative at deposito sa bangko – mula $12 trilyon noong 1980 patungong tinatayang $190 trilyon noong 2007, mahigit sangkatlo nito ang nasa US. Katumbas ng halaga ng pandaigdigang pag-aaring pampinansya noong 2006 ang 350% ng GDP ng daigdig.

Isang mundo ng pagsusugal ang konteksto ng ispekulasyon sa pampinansyang kapital kung saan pwede umanong magkaroon ng yaman sa pamamagitan ng swerte. Pero sa praktika, nakakamit ang yaman sa pamamagitan ng mga panlilinlang at pandaraya. Kahit ang tinatanggap nang legal na praktika ng pagkamal ng tubo sa pamamagitan ng pagbili at pagbebenta ng mga stock ay batay sa pagpapauna ng sariling interes sa interes ng publiko. Halimbawa: may isang kompanyang nagbebenta ng stock sa publiko. Sabihin na nating may kompanyang itinatag sa kapital na P10 milyon, na hinati sa 1,000 share na may tig-P10,000. Inaasahan ang kompanyang ito na kumita ng taunang tubong itinatakda ng karaniwang tantos ng tubo (average rate of profit), sabihin nang 15% o ng taunang tubo ng P1.5 milyon o P1,500 bawat share. Ipagpalagay na nating ang karaniwang interes ay 5%, kaya ang ipinautang na salapi ay hindi maaasahang magluwal ng mas higit pa sa 5%, at P1,500 ang ituturing na normal na taunang kita sa P30,000. Magtatagumpay, samakatwid, ang mga nagtatag ng kompanya sa pagbebenta ng kanilang share sa stock exchange sa presyong P30,000 bawat isa sa halip na P10,000 at paghahati-hatian nila ang kaibhan, na siyang kapitalisasyon ng kaibhan ng pangkaraniwang tubo sa hinaharap at kasalukuyang karaniwang interes.

Isa pang porma ng madayang aktibidad sa kapitalistang merkadong pampinansya ang artipisyal na pagpapataas sa mga presyo ng securities, partikular ang mga stock at bond, sa pamamagitan ng pagdoktor sa mga libro ng account ng mga korporasyon, mapanlinlang na ipinapakitang may tubo tulad ng ginawa ng Enron, kompanya ng langis, gayundin ng iba pang nangungunang korporasyon ng kompyuter noong pagguhong pampinansya sa US noong 2000. Mayroon pang inside trading na ginagawa sa pamamagitan ng pagbili sa sarili mong stock nang maramihan para makalikha ng panandaliang pagtaas sa halaga nito para naman akitin ang publikong namumuhunan na sumunod sa kaisipang buntot-sa-grupo sa stock market. At kapag biglang tumaas ang demand para sa kanilang stock, bigla-bigla silang bibitawan para makahamig ng madaliang tubo, iniiwan ang utu-utong publiko na nakatanga kapag nagsimula nang bumagsak ang halaga ng kanilang stock. Pwede ring panandaliang itaas ang halaga ng isang stock sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis na tumubong-nilugaw ang isang kompanya. Pwedeng ipagkalat ng isang kompanya, halimbawa, na mayroon itong natuklasang bagong pagkukunan ng langis o kahit mina pa nga ng ginto (naganap itong huli noong nagtayo ang isang kompanya ng gawa-gawang mina ng ginto sa Indonesia at naglabas ito ng mga press release na nakatuklas ito ng ginto kuntodo pekeng larawan gayung panloloko lang ang lahat) para lumikha ng artipisyal na pagtaas sa mga stock nito. Pagkatapos, nariyan ang praktika ng short-selling kung saan mangungutang si A ng stock kay B, ibebenta ito kay C kapag tumaas ang halaga nito, at pagkatapos ay maghihintay na bumaba ang halaga, para isauli kay B, nang ibinubulsa ang pagitan.

Kahit ang Federal Reserve ng US, gustong tapusin na ang praktika ng short-selling ng mga stock na hindi pag-aari ng isang kompanya o indibidwal, bagamat itinuturing na legal ang gawing ito at malaganap ito sa stock exchange. Ang totoo, ito ang pagpusta sa mga stock ng isang kompanya na bumababa ang halaga, na nangangahulugang nabubuhay ang mga short seller sa paghihirap ng iba. Kung kaya ang kapitalistang merkadong pampinansya, lalo na ang stock market, ay katulad ng isang engrandeng casino kung saan namamayagpag at madalas na nagtatagumpay ang mga mandaraya at mapanlamang, tinatalo ang publikong nagtitiwala at umaasa na gusto lang itaas ang halaga ng kanilang naimpok sa buhay, pensyon at iba pang liquid asset. Sa kasaysayan ng kapitalismong pampinansya, ginagawang tanga ang publiko, at napapaso rin ang mga kapitalista sa apoy ng kanilang pagkagahaman tulad ng nasasaksihan natin ngayon.

1 2 3 4 5 6

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=518

Posted by on Apr 20 2009. Filed under Espesyal na Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes