Pinoy Weekly

Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo

Kongklusyon

Dapat magsimulang mamalayan ng lahat ng indibidwal na wastong mag-isip na ang solusyon sa di-maiwaksing pampinansyang mga krisis ng kapitalismo, na dulot ng labis na produksyon nito, ay hindi ang ireporma ang sistema tulad ng gustong gawin ng mga gobyernong kapitalista, at lalong hindi ang pyansahan ang sakim na mga institusyong kapitalista. Nagmumungkahi ang ilang pampinansyang lider ng kapitalismo na magtatag ng isang diumano’y World Central Bank, na magiging tagapagpautang sa gipit na mga bangko. Pero parang pagpapapremyo ito sa mga magnanakaw at salbahe na sa kanilang mapaminsalang transaksyon ay siyang mismong ugat ng paghihirap ng malaking bahagi ng sangkatauhan. Itinuring na sagrado ng mga gobyernong kapitalista ang kawalan ng regulasyon at pagbaba ng buwis sa mga aktibidad ng pribadong mga kompanya sa kanilang ideolohikal na paninindigan pabor sa kalayaang magkumpetisyon sa merkado. Pero naging ugat ang pagnanasa ng mga kapitalista na humamig ng mas maraming tubo at gapiin ang kanilang kalaban – naging ugat ang mga ito ng kaguluhan sa mga sektor nitong produktibo at pampinansya at nagbabanta itong ibagsak ang buong pandaigdigang ekonomiya sa isang malalang kaguluhang pang-ekonomiya. Nagluluwal ang magkakasunod na pampinansyang krisis ng papalawak na konsentrasyon ng kapital sa kamay ng iilan dahil sa pagsasara ng ibang kapitalista ng negosyo.

May tumitinding kontradiksyon sa pagitan sa isang banda ng pag-aari ng madla ng kapital sa sistemang pampinansya ng kapitalismo at sa kabilang banda ng kontrol at paggamit dito ng iilan. Namayagpag ang mga kapitalistang pampinansya sa pagnanakaw sa pinaghirapang pera ng mga mamamayan na ipinuhunan nila sa mga stock, mutual fund at iba pang porma ng kapital sa pautang. Kung kaya ang mismong pilosopiya ng kapitalismo ng paghamig ng yaman ay nagiging salot sa mayorya ng mga mamamayan ng daigdig na patuloy na lumulubog sa kahirapan dahil sa desperadong pagbuhay sa naghihingalong kapitalismo ng kanilang mga gobyerno. Ang totoo, ang pagdurusa ng malawak na mayorya ng mga mamamayan ang kapalit ng patuloy na pag-iral ng irasyunal at nabubulok na sistemang ito dahil likas sa katangian nito ang kasakiman at katiwalian. Ang tungkulin kung gayon ng lahat ng gustong panatilihin ang mabuti para sa sangkatauhan ay ang wakasan ang salot na ito sa ating gitna. Kailangan nang ibigay ng masang anakpawis ng daigdig, na siyang unang mga biktima ng kapitalismo, kasama ang kanilang mga alyado, ang nakakamatay na bigwas para sa pagkapawi ng di-makataong sistemang ito sa kasaysayan ng daigdig.

1 2 3 4 5 6

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=518

Posted by on Apr 20 2009. Filed under Espesyal na Isyu. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes