Mas malawak na larangan para sa militanteng oposisyon
Mas malawak na larangan
Isa sa mga layunin ng paglahok ng Makabayan sa halalan, ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano sa kanyang talumpati, ang pagpapatuloy ng pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Arroyo. Kongkretong manipestasyon ang Makabayan, ani Maza, ng paglaban ng militanteng oposisyon sa inilulutong pagrepaso sa Saligang Batas ng mga alyado ng Malakanyang sa Kamara.
Prinsipyado umano ang pagkakaisang gustong makamit ng Makabayan, ayon kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo. Handa raw ang koalisyon na makipag-usap sa iba pang mga puwersang pulitikal para sa posibleng pagkakaisa ng mga layunin. Bukas sila lalo sa mga pulitikong “may rekord na ng pagiging makabayan” sa mga isyung tulad ng presensiya ng tropang Kano sa bansa, pagtutol sa mga polisiya sa ekonomiya na pakikinabangan lamang ng dayuhang mga bansa, pangangalaga sa karapatang pantao at kalikasan, at iba pa.
Kabilang sa inaasahang kaisa ng Makabayan sina Isabela Gov. Grace Padaca at Pampanga Gov. Ed Panlilio, na nababalitang pinag-iisipan ang pagtakbo sa pagka-pangalawang pangulo at pangulo (sa magkakasunod) dahil sa disgusto nila sa kasalukuyang pamamalakad. Naging makabayan at kontra-korupsiyon ang tindig ng dalawa sa maraming lokal at pambansang mga isyu.
Isang hakbang ito, ani Bayan Muna Rep. Teddy Casino, para sa pagbabago sa pulitika ng bansa – pulitikang dinodominahan ng iilang mayayaman at maimpluwensiya. Sa pamamagitan ng mga hakbang para mapagkaisa ang malawak na bilang ng makabayang mga puwersa sa pulitika, unti-unti umanong makakapaglikha ng pagbabago sa takbo ng pulitika sa bansa. “Di tayo umaasa na mangyayari ang tilting of balance sa politics, pero napapataas ang antas ng debate sa mga isyu,” ani Casino.
Ibinigay ni Casino na halimbawa ang presensiya ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela sa Kamara para idiin na kayang maitataas ng mga militante ang antas ng debate sa naturang “bulok” na institusyon ng gobyerno. Kahit papaano, nagkakaboses ang maralitang mga sektor sa Kamara na dinodominahan ng mga pulitikong panginoong maylupa at malalaking negosyante.
Samantala, sa kanyang talumpati, inamin ni Ocampo na kadalasa’y di siya kumportable sa pakikipag-ugnayan sa mga pulitikong ito sa Kamara at sa pulitika sa pangkalahatan. Handa na umano siyang tapusin ang termino niya bilang kongresista ng Bayan Muna, at bumalik sa pagsusulat at pagbabasa. “Pero may trabaho pa,” sabi niya. Nagbubukas ang mas malalaking larangan para sa parlamentaryong pakikibaka.
Sa naturang press conference, inanunsiyo na ang paglahok nina Ocampo, Maza, Mariano at Casino sa halalan sa pagkasenador sa 2010. Hindi na sila nagpatumpik-tumpik; sa presensiya ng daan-daang militanteng delegado, nakakatiyak silang malakas ang kanilang tsansa para sa Senado at para lalong itulak ang “pulitika ng pagbabago” sa bago at mas malalaking larangan.
May ulat ni Ilang-Ilang D. Quijano
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=449














