Espesyal na Ulat

Mga Implikasyon at Epekto ng Pandaigdigang Krisis Pampinansya sa Kilusang Anti-Imperyalista ng mga mamamayan


Naging palaasa ang ekonomiya ng US sa pautang ng ilang bansang nagpoprodyus ng langis at mga bansang nagsusuplay ng mga kalakal na pangkonsyumer. Nasadlak ito sa matagal nang nakakubling resesyon simula 1999, noong malapit nang pumutok ang bula sa high-tech (high-tech bubble) [8]. Ito ang paglalarawan ng ilang ekonomista sa US sa lagay ng ekonomiya […]

Naging palaasa ang ekonomiya ng US sa pautang ng ilang bansang nagpoprodyus ng langis at mga bansang nagsusuplay ng mga kalakal na pangkonsyumer. Nasadlak ito sa matagal nang nakakubling resesyon simula 1999, noong malapit nang pumutok ang bula sa high-tech (high-tech bubble) [8]. Ito ang paglalarawan ng ilang ekonomista sa US sa lagay ng ekonomiya ng US: nasa resesyong may maigting na implasyon (inflationary recession) at malapit nang sumadsad sa isang depresyong hyper-inflationary na katulad ng sa Republikang Weimar [9], na may malaking posibilidad na lumundag papuntang Great Depression II. Hinihigop ngayon ang ibang ekonomiyang industriyal-kapitalista patungo sa ipu-ipo ng pampinansyang krisis sa mundo na US sa pangunahin ang nagpasimula.

Ang iilang bansang pinag-aangkatan ng US ng murang kalakal na pangkonsyumer ay nahaharap sa papaliit na order, pagkitid ng pautang at papaliit na halaga ng dolyar ng US. Kumpara sa dati, nasa mas masahol na lagay ngayon ang di-mauunlad na bansa sa Ikatlong Daigdig – mga bansang sadlak sa kronikong depresyon. Naging netong tagaangkat (net importer) ng gasolina at pagkain ang napakalaking mayorya sa kanila. Matinding binibiktima ang mga mamamayan nila ng minamanipulang mga kakulangan (shortages) at pagtatakda ng presyo ng pandaigdig at rehiyunal na mga kartel na idinidirehe ng mga monopolyo-kapitalista sa US at iba pang kapangyarihang imperyalista. Sa suma total, masasabing nasa kalagayan ng depresyon ang pandaigdigang sistemang kapitalista, lalo na kung ikokonsidera ang aktwal na mga kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya ng inaaping mga mamamayan at bayan.

Mga Epekto ng Pandaigdigang Krisis Pampinansya

Sa tindi ng pang-ekonomiya at pampinansyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, maaasahan nating lalala at tatalas ang mga kontradiksyon (a) sa pagitan ng mga bansang imperyalista at ng inaaping mga mamamayan at bayan, (b) sa pagitan ng mga bansang imperyalista at ng ilang bansang naggigiit ng pambansang kalayaan, (c) sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan mismo at (d) sa pagitan ng monopolyo-burgesya at ng uring anakpawis sa mga bansang imperyalista.

Ihinahaplit ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang pinakamalupit na panlipunang pagkawasak at ang pinakamahapding pagdurusa sa inaaping mga mamamayan at bayan sa Asya, Aprika at Latin America. Kung gayon, kauna-unawang dito natin nakikita ang pinakamalawak na ispontanyo at organisadong aksyon ng protestang masa at ang rebolusyunaryong armadong pakikibakang naglalayong wakasan ang imperyalistang dominasyon at ibagsak ang papet na mga rehimen. Ang pangunahing kontradiksyon sa mundo ay sa pagitan ng mga kapangyarihang imperyalista at ng inaaping mga mamamayan at bayan.

Malakas-lakas (formidable) na ang saklaw ng rebolusyunaryong mga pakikibakang armado ngayon, kung oobserbahan natin ang nagaganap sa Iraq, Afghanistan, Colombia, Peru, Brazil, Nigeria, Pilipinas, Turkey, India at iba pang bansa sa Timog Asya. Malaki ang potensyal na umusbong ang rebolusyunaryong mga pakikibakang armado sa mas marami pang bansa sa maraming kontinente. Naglalatag ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ng paborableng mga kalagayang obhetibo para lalong lumaganap ang mga pakikidigmang bayan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya.

Mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming bagong estadong pambansa ang umusbong sa mga kolonya at mala-kolonya – iniluwal ng mga kilusang rebolusyunaryo para sa pambansang pagpapalaya o ng kompromisong neokolonyal. Karamihan sa kanila, nasa kuko ngayon ng neokolonyalismo at neoliberalismo. Pero may ilang estadong gumagamit sa burgis na nasyunalismo o sosyalismo at naggigiit ng pambansang kalayaan laban sa mga imperyalista at mga tauhan nila. Ang mga bansang iniluwal ng matagumpay na mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya – tulad ng Tsina, North Korea at Cuba – ang pinaka-epektibo sa paggigiit ng pambansang kalayaan at pagharang sa agresyon ng US.

Nasaksihan din natin ang paglaban ng Yugoslavia ni Milosevic at Iraq ni Saddam Hussein sa pinakamasasahol na imperyalistang dikta, gayundin ang pagtarget sa kanila ng mga giyerang agresyong lunsad ng US. Sa ngayon, mayroong ibang bansang may gobyernong tumitindig laban sa dominasyong imperyalista at kumikilos para isabansa ang mga empresa ng mga imperyalista. Nangungunang halimbawa ang Venezuela ni Hugo Chavez. Sa pagsahol ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, makakasaksi pa tayo ng mas maraming dramatikong pangyayari sa mga kontradiksyon sa pagitan ng mga bansang imperyalista at mga bansang naggigiit ng pambansang kalayaan.

Sa pangkalahatan, nagsasabwatan ang mga imperyalistang kapangyarihan laban sa inaaping mga mamamayan at bayan. Pero nagkukumpetisyon sila laban sa isa’t isa para sa pagkukunan ng murang hilaw na materyales, pamilihan, larangan ng pamumuhunan at saklaw ng impluwensya. Resulta ng lubos na panunumbalik ng kapitalismo sa dating mga bansang pinaghaharian ng mga rebisyunista ang pagdami ng mga bansang imperyalistang nagkukumpetisyon laban sa isa’t isa at nagsisikap na muling paghatian ang mundo. Walang kasing-sikip ang mundo ngayon para sa kumpetisyon at paglalaban-laban ng mga imperyalistang kapangyarihan.