NBA Finals: LA Lakers vs Orlando Magic [Game-by-Game]
Game 1 (sa Los Angeles) LA Lakers 100, Orlando 75
Kalimutan ang season kung saan ginapi ng Orlando Magic ng dalawang beses ang Los Angeles Lakers. Kampeonatong koponan ang kanilang kaharap.
Dinomina ng Lakers ang Magic sa lahat ng larangan ng laro pagsapit ng 3rd quarter. Mababang field-goal percentage ang sumira sa laro ng Magic, na sa mga nakaraang laro ay nakakahabol sila kahit matambakan ng lampas 20-puntos.
At hindi na siguro ihuhuli ang pagiging dominante ni Kobe Bryant, upang kalimutan ang dalawang pagkabigo sa Finals ng Lakers na kanyang pinamunuan (una sa Detroit Pistons noong 2004, ikalawa sa Boston Celtics noong nakaraang taon).
Nagtala si Bryant ng 40 puntos, at naihanay ang kanyang numero sa ilan pang manlalarong pumuntos ng 40-pataas, walong assist at walong rebound, sa NBA Finals. Sina Shaquille O’neal, Michael Jordan at Jerry West lamang ang nakapagtala ng ganoong numero sa Finals. Ito na rin ang pinakamataas na puntusan ni Bryang sa Finals, na tumabon sa tala niyang 36 laban sa Boston noong nakaraang taon.
Game 2 (sa Los Angeles) LA Lakers 101, Orlando 96 (OT)
Isang perpektong alley-oop na nagmintis, at kakanta ang Orlando Magic ng “What Might Have Been.”
Dikitan ang laban sa kahabaan ng regulation period na nakitaan ng paglaban ng tropa ni Dwight Howard matapos ang paglalampaso sa kanyang Magic noong Game 1. Hindi lumampas ng sampu ang kalamangan ng Los Angeles Lakers sa kanila, ngunit andoon pa rin ang problema nila sa pagbubuslo ng 3-points at free throws.
Sa huling sampung segundo ng regulation period, sinupalpal ni Hedo Turkoglu ang sipat ni Kobe Bryant na nagbigay sana ng kalamangan sa Lakers. Tumunog ang buzzer upang matapos ang laro na tabla sa 88, ngunit ibinigay ng referee ang bola sa Orlando dahil nakahingi pa ng time-out si Hedo.
Sa sumunod na play, binasang mabuti ni Hedo ang depensa ng Lakers at ginamit ang isa sa kanilang dalawa pang nalalabing time-out. sa ikalawa, nakawala si Courtney Lee at nabigyan ni Hedo ng isang perpektong lob pass, ngunit nandun si Pau Gasol upang guluhin ang alley-oop. Natapos ang regulasyon ng 88-all.
Kinuha ng Lakers ang huling limang minuto ng overtime upang makuha ang 2-0 kalamangan sa serye. Sa kasaysayan ng liga, 11 sa 12 koponan ang nanalo ng kampeonato nang nasa 2-3-2 format ang palaro. Tutungo ang serye sa Orlando ng tatlong laro, at dito aasa ang Orlando na makuha ang kanilang homecourt upang makabalik sa torneo.
Game 3 (sa Orlando) Orlando 108, LA Lakers 104
Iniwasan ng Orlando Magic na malugmok sila sa serye nang pumukol sila ng kanilang mga tira – at halos pumasok lahat – pag-uwi sa kanilang palaruan.
Tumabo ng 63% tirada – rekord din ang kanilang 75% pagbubuslo sa unang hati ng laro – ang Magic nang harangin nila ang ratsada ng Los Angeles Lakers. Madikit ang laban sa kahabaan ng laro, ngunit nakita na ang laro ng koponang Magic na nagdispatsa sa Boston Celtics at Cleveland Cavaliers.
Ngunit hindi madali ang naging panalo ng koponan ng homecourt.
Nanahimik ang Amway Arena nang nagmintis si Michael Pietrus sa kanyang pukol na tres, at na-foul si Pau Gasol sa hawak ng Lakers. Ginawaran ang center ng Lakers ng dalawang freethrow upang itabla sa 99 ang tala 2:41 pa ang nalalabi.
Ngunit nabawi ni Pietrus ang kanyang mintis sa pamamagitan ng isang dunk sa sumunod nilang hawak. Sinundan pa ito ng tres ni Rashard Lewis – na ayon sa replay ay 2-pointer lamang – upang iangat ang Magic, 104 – 101. Na-foul naman si Kobe Bryant sa sumunod na posesyon ng Lakers, ngunit nagmintis siya sa isang freethrow.
Si Pietrus muli ang nakakuha ng dalawang puntos sa pamamagitan ng freethrow, at iangat ang Orlando ng apat, 106-102. Dito na naging desperado ang Lakers nang pumukol sila ng apat na beses – tres at dos – hanggang makuha ni Bryant na maipasok ang huli sa isang followup, ngunit .5 segundo na lang ang nalabi sa oras hanggang i-foul na nila si Lewis na nagselyo ng panalong Magic.
Ito ang kauna-unahang tagumpay sa Finals ng Orlando, matapos ang pagwawalis ng Houston Rockets sa Orlando na pinamunuan ni Shaquille O’Neal at Penny Hardaway noong 1997.
Game 4 (sa Orlando) LA Lakers 99, Orlando 91 (OT)
Sa pagkakataong ito, si Derek Fisher ang kumana ng kinakailangang pagbuslo. At ginawa niya ito ng dalawang beses sa kahabaan ng laro.
Isang 3-pointer ang pinawalan ng beteranong point-guard upang itabla ang tala sa 87, 4.6 segundo ang nalalabi sa regulation period. Sa extra-5minutes ang kaniyang ikalawa – 31.3 segundo ang nalalabi - upang iungos ng husto ang Lakers sa 94-91 kalamangan at hindi na lumingon pa.
Niyari ang Orlando ng kanilang problema sa free-throws. Sa 15 nilang pagmintis, krusyal ang dalawang mintis ni Dwight Howard 11.1 seundo ang nalalabi: kung naipasok niya kahit isa nito, nasa kanila pa rin ang kalamangan at ang hawak ng bola sa pagsasara ng regulation period.
Game 5 (sa Orlando) LA Lakers 99, Orlando 86
Sa pagkakataong ito, hindi na kailangan ng tropa ni Kobe Bryant na umuwi pa sa kanilang palaruan at kunin ang tropeo – dito sa Orlando na nila ito kukunin.
Hindi nakuhang makipagkompetensiya ng homecourt na koponan sa magiging kampeon. Nagmintis ang Orlando sa 3-points (8 sa 27 pagsubok), ang tangi nilang armas na nakapagpataob sa Boston Celtics at Cleveland Cavaliers, at ang kasangkapan nainaasahan nilang makakapagpabalik sa serye.
Sa pagtatapos ng laro, hindi sumama si Dwight Howard sa kanyang koponan tungo sa dugout. Umupo sila ng kanyang kakamping si Jameer Nelson habang pinapanood ang Lakers na nagdiriwang sa kanilang palaruan. “What I just told Jameer is look at it, just see how they’re celebrating,” ani Howard. “It should motivate us to want to get in the gym, want to get better.”
Pitong taon ang hinintay ni Bryant para sa tropeo na ito, na nakuha niyang hindi kasama si Shaquille O’Neal. Dagdag pa rito ang Twitter message ni Shaquille para kay Bryant. “Congratulations kobe, u deserve it. You played great. Enjoy it my man enjoy it,” ang saad ng mensahe. Binura na nito marahil ang mapait na karanasan ng kanyang koponan kontra sa Boston noong nakaraang taon.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1577













