Panganib ng Pandacan Oil Depot, patuloy
Kinampihan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang tatlong malalaking kompanya ng langis sa pagpayag sa Petron, Caltex, at Shell na patuloy na gamitin ang kontrobersiyal na Pandacan Oil Depot.
Kinondena ng Kalikasan-People’s Network for the Environment ang pagpirma ni Lim noong Mayo 28 ng City Council Ordinance 7177, na umano’y “pagbebenta” sa mga residente ng Maynila na humihiling ng relokasyon ng nasabing oil depot dahil sa panganib nito sa kalikasan at kalusugan.
Ayon kay Lim, nakabatay ang kanyang desisyon sa pang-ekonomiya at sosyal na implikasyon ng paglipat sa oil depot, gaya ng pagkawala ng maraming trabaho at posibleng pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng langis.
Pero ayon kay Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan-PNE, responsablidad ng mga kompanya ng langis na siguruhin ang kapakanan ng mga manggagawa nito at na ilipat ang kanilang oil depot sa mas ligtas na lugar.
Sinabi ng grupo na bagaman ayaw pakawalan ni Lim ang P100 milyong nakukuha ng lokal na gobyerno ng Maynila taun-taon sa mga kompanya ng langis sa porma ng mga buwis, hindi ito sapat na kompensasyon sa panganib sa kalikasan at kalusugan.
“Kailangan unahin ng gobyerno ang kapakanan ng mga mamamayan nito, gaano man kahirap,” sabi ni Clemente.
Handa ang Kalikasan-PNE, kasama ng iba pang mga grupo, na tutulan ang nasabing ordinansa at patuloy na igiit ang pagpapalipat ng Pandacan Oil Depot.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1562














mga hayup talaga pumirma at pumayag na manatili mga oil depot ng 3 kumpanya ng langis..lalo na si lim pati si moreno..sila ang mga traidor sa mga mamamayan ng maynila,iboboto pa ba natin sila?..huwag na natin silang bigyan ng pagkakataon manatili sa
puwesto….magprotesta tayo!