Pinoy Weekly

Sa paggunita sa unang taon ng pagpanaw ni Ka Bel

Pagpapatuloy ng laban

Maraming laban ang nasimulan na bahagi o sa pangunguna ni Ka Bel.

Bilang isa sa mga haligi ng makabayang kilusan, kilala siyang tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga manggagawa. Patunay nito ang ilang taon ng masigasig niyang pagtangan ng mga gawain sa KMU at iba pang mga organisasyon ng manggagawa. At sa Kamara, nakilala siya bilang mambabatas na hindi kailan naging tiwali habang patuloy sa pakikipaglaban para sa kagalingan ng mga maralita.

Bago pumanaw, ilang batas ang kanyang naisulat o katuwang na isinulat. At lahat ng mga ito, para sa pagtatanggol ng karapatan at pakikipaglaban para sa kagalingan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang naghihirap ng sektor ng lipunan.

Sa ikaapat lamang na Kongreso, sinulat at naging bahagi si Ka Bel ng pagsusulong ng 13 house bill (HB), 47 house resolution at 12 privilege speech na tumalakay sa mga isyu katulad ng repormang agraryo at kasiguraduhan sa pagkain, karapatan at pangangailangan ng mga manggagawa gaya ng dagdag-sahod at laban sa panunupil sa kanilang hanay.

Ilan sa mga panukalang batas na ito ay ang nagbabasura ng “mapanupil at magsamantalang mga batas” gaya ng Human Security Act, Wage Rationalization at Oil Deregulation Law.

Isa naman sa pinakatampok sa kanyang sinulong na mga panukalang batas ang HB 1722 o ang P125 across-the-board na dagdag-sahog. Kaugnay din nito ang HB 1962 o ang P3,000 across-the-board para naman sa mga kawani ng pamahalaan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang mga kasama ni Ka Bel sa Kamara at sa makabayang mga organisasyon sa pakikipaglaban para sa mga nasimulan ni Ka Bel.

‘Pilipino ng siglo’

Nag-iwan ng “di mawawaglit na legasiya” si Ka Bel sa lipunang Pilipino. Ginagalang ng lahat, pagkat tunay siyang kagalang-galang. Maging ang mga katunggali sa pulitika, batid ang kanyang sinseridad at katapatan sa prinsipyo. Ayon pa kay Sen. Joker Arroyo, hindi kinompromiso ni Ka Bel ang paninindigan. Masasabing isa siya sa pinakamatatapat na nagsulong ng interes ng mga manggagawa at iba pang maralitang mamamayan.

Bilang pagkilala sa kanyang ambag sa lipunan, ilang mahahalagang mga aktibidad ang gaganapin bilang paggunita sa unang anibersaryo ng kanyang pagpanaw.

Sa Mayo 20, magsasama-sama ang lahat ng kapamilya, kaibigan, mga kasama’t tagasuporta ng makabayang kilusan upang gunitain ang makabuluhang buhay ni Ka Bel.

Sa araw ring ito, pasisinayaan ang pagtatayo ng iskultura ni Ka Bel sa Plaza Miranda kasabay ng pagdi-deklara ng lunsod ng Maynila sa Mayo 20 bilang “Araw ni Crispin Beltran.” Masusundan pa ito ng isang kultural pagtatanghal upang bigyang pugay ang naging buhay ni Ka Bel. Para sa Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), layunin ng konsiyerto na maging inspirasyon ito sa mga manggagawa lalu na’t panahon ng matinding krisis na nagdudulot ng malawakang tanggalan, pleksibleng paggawa, mas matinding kontraktwalisasyon at kasabay nitong panunupil sa kanilang hanay.

Dahil dito, ilang mga organisasyon ang nagbansag kay Ka Bel bilang “Filipino of the Century.” Batayan umano nito ang naging buhay ni Ka Bel at ang katapatan nito sa paglilingkod sa taumbayan hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.


Kaugnay na istorya:

Photo Essay: Crispin Beltran: Isang makabuluhang buhay

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1294

Posted by on May 18 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes