Sa karapatang pantao, nakamasid pa rin ang mundo
Tortyur bilang polisiya
Isang treaty monitoring body, layon ng pagtitipon ng UNCAT noong Abril 27 na alamin kung paano sinusunod ng pamahalaan ng iba’t ibang bansa ang mga alituntunin sa 1984 Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment. May dalawang delegasyon ang Pilipinas: mula sa pamahalaan na pinangunahan ni Eduardo Ermita, ang executive secretary ng Malakanyang, at mula sa mga grupong nagtataguyod ng karapatang pantao, kasama na ang Karapatan.
Sa pagtitipong ito, binigyan ng maigsing panahon upang magsalaysay ng kanilang karanasan sa tortyur sina Pastor Berlin Guerrero ng United Christian Churches of the Philipines at Raymond Manalo, na naging saksi sa pagpapahirap diumano ng militar sa dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.Pinalaya si Guerrero noong Mayo 2007 mula sa mahigit isang taong pagkakapiit at pagpapahirap. Samantala, nakatakas naman si Manalo mula sa kamay ng militar noong Agosto 2007.
Inihapag ni Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, ang kanilang joint report kasama ang World Organization Against Torture. Nabigyan lamang ng 30 minuto ang grupo upang basahin ang dalawang pahinang ulat na naglalaman ng dumaraming bilang ng kaso ng tortyur sa bansa.
Binigyan naman ang mga delegado mula sa pamahalaan ng dalawang oras para mag-ulat. Ayon kay Enriquez, mabibigat na mga tanong ang ibinato ng UNCAT kay Ermita. Hindi niya umano nasagot nang maayos ang mga tanong hinggil sa inulat ng Karapatan na 1,016 kaso ng tortyur sa ilalim ng gobyernong Arroyo. Bagkus, sinabi na lamang niya na nagmula sa “di beripikadong ulat” ang datos na nabanggit. Hindi umano nasiyahan ang mga kasapi ng UNCAT sa paliwanag ni Ermita.
Gayundin, dismayado ang UNCAT dahil lumipas ang 16 na taon bago iniulat ng pamahalaan ang mga kaso ng tortyur sa bansa.
Ayon pa komite, kailangang rebisahin ang Human Security Act of 1997 upang tumugma sa international human rights standard. Nabahala rin ito sa mga kaso ng pandarahas at panghaharas sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Umano’y “hadlang ito sa kapasidad ng civil society na mahusay na tumupad sa kanilang tungkulin [ng pagmomonitor sa Estado].”
Sa pagsusuri ng Karapatan, kabilang ang tortyur sa “di makataong taktika ng Estado upang wakasan ang insurhensiya.” Sa Hunyo 15 ilalabas ng UNCAT ang concluding observations o pangwakas na obserbasyon nito hinggil sa paggamit ng tortyur sa bansa.

Nakatawag-pansin sa mga Aleman ang mga billboard hinggil sa buhay ng 25 aktibistang pinaslang, na ipinaskil sa may Bremen River
Dahas at kawalang pananagutan
Samantala, hinihimok ng Katarungan (Center for Peace, Justice, and Human Rights), isang grupo sa Estados Unidos na nagtataguyod ng karapatang pantao, ang mga dayuhang pamahalaan na ihinto ang pagbibigay ng pang-ekonomiko at militar na ayuda sa bansa hangga’t hindi natitigil ang paglabag sa mga karapatang pantao. Ayon kay Katrina Abarcar, coordinator ng Katarungan, tutungo sila sa Kongreso ng US para ipanawagan ito. Isang Emergancy Summit on Human Rights in the Philippines ang kanilang ipapatawag sa Washington D.C. sa Hunyo 6.
Hindi nga lamang mga Pilipino ang nakatutok sa isyung ito. Nakamasid at nagsasalita laban sa mga paglabag sa karapatang pantao ang buong mundo. Tuluy-tuloy ang pagkilos sa loob at labas ng Pilipinas, gaya ng kilos-protesta ng nagmamalasakit na mga Aleman at Amerikano, upang kondenahin at wakasan ang tumitinding dahas at “kultura ng kawalang pananagutan” ng kasalukuyang pamahalaan.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1578













