Beep, beep, beep: Busina ng tsuper laban sa pagmamalabis
Kung tutuusin, maliit lamang talaga ang kita ng mga tsuper. Ayon kay Hermie, tsuper ng dyip na biyaheng Quiapo-Project 2-3, umaabot lamang ng mahigit P300 ang kanilang naiuuwi sa maghapong pamamasada. Apat ang kanyang anak at sa kalagayang ayon mismo sa National Statistical Coordination Board ay aabot na sa mahigit P900 ang kailangan araw-araw ng isang pamilyang may anim na kasapi, lubhang kapos ang kanyang kinikita. “Kung mababawasan pa ‘to dahil sa multa, ano nang mangyayari sa mga pamilya namin?” himutok ni Hermie. Mismong siya ay nakaranas nang multahan at mag-abot ng P100 sa tiwaling traffic enforcer, labag man sa kanyang kalooban.
Bwelta ng mga tsuper
Ayon sa Piston, hindi papayag ang mga tsuper at opereytor na basta na lamang ipataw sa kanila ang “di makatwirang mga dagdag at bagong bayarin.” Sa gitna umano ng krisis, hindi nararapat na lumikha ang pamahalaan ng iba’t ibang pasaning pinansiyal sa taumbayan na patuloy na nalulugmok sa kahirapan. Kaya naman kasabay ng arawan pa ring pamamasada ng mga tsuper at konduktor, patuloy ang kanilang pagkakaisa at paglahok sa mga kilos-protesta laban sa mga bagong patakaran ng LTO at DOTC.
Nagkaroon na ng mga pagkilos sa Baguio, Bicol, Cebu, Negros Occidental at Davao na dinaluhan ng libong tsuper noong nakaraang mga buwan. Ayon sa mga ulat, mahigit sa 80 porsiyento ng mga drayber ng dyip sa Bicol ang lumahok sa tigil pasada noong Abril. Noong namang Marso, libong tsuper at opereytor ang nakiisa sa magkasunod na kilos-potesta sa Cebu, sa pangunguna ng Nagkahisuang Driver sa Sugbu (o Nadsu-Piston-Cebu) at Negros Occidental. Kasabay nito, ayon sa ulat ng Metro Davao Transport Inc. at Transport Associations in Mindanao for Independence, Solidarity, and Nationalism (o Transmission-Piston), naparalisa ng tigil-pasada ang 95 porsiyento ng pampublikong transportasyon sa lunsod ng Davao at kalapit na mga bayan.
Bahagi din ng protesta ang pagtanggi ng mga tsuper at opereytor na magbayad ng multa at bayarin hangga’t hindi nadidinig ng pamahalaan ang kanilang mga hinaing.
Gayundin, may pinaghahandaang pambansang tigil-pasada ang Piston upang igiit sa pamahalaan na “itigil ang pahirap na dagdag bayarin ng mga tsuper at opereytor.” Dahil pagmamalabis umano ang pagpapataw ng matataas na bayarin at multa, nararapat lamang na businahan ng mga tsuper ang pamahalaang “walang inaatupag kundi pagpapahirap sa bayan.”
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2059














[...] (Tingnan ang kaugnay na artikulo: Beep, beep, beep: busina ng tsuper sa pagmamalabis) [...]