Chile: Allende, Jara, Neruda
Si Pablo Neruda, kilalang makata at manunulat, miyembro ng Partido Komunista, patay na at ihinahatid sa libingan. Dinakip ang doktor niya sa ospital kung saan siya nagpapagaling, kaya inilipat siya ng asawa niyang si Matilde. Sa daan, kabi-kabila ang pagpara at paghalughog ng militar sa sasakyan. Dumating siya sa panibagong ospital nang kritikal ang kondisyon. Doon na siya namatay. Noong dinadala na ang katawan niya sa sementeryo, nakasumpong ng tapang ang mga naglibing. Isa-isa, bumigkas ng tula ni Neruda, walang kopya, kabisado. Bagamat napaligiran ng mga sundalo, nagawa nilang kumanta ng “Internationale”: “Bangon, sa pagkakabusabos! / Bangon, alipin ng mundo!”
Bukod sa patotoo ni Castro tungkol sa pagsabotahe ng imperyalismong US sa gobyernong Allende, may masinsing kronolohiya sina James Cockcroft at Jane Canning sa dulo ng libro, nagpapakita ng tuluy-tuloy, sistematiko at malupit na pagsisikap ng rehimeng Nixon na ibagsak ang gobyernong Allende. Pinagkaitan nito ng pautang ang Chile, at kahit ng suporta noong binayo ang huli ng lindol. Pero nagbigay ito ng $10 Milyong pautang sa militar ng Chile ilang linggo bago ang kudeta. Pinaghirap ng naghaharing uri ng Chile ang ekonomiya, pinagwelga ang mga manggagawa, nanawagan sa militar na ibagsak ang gobyerno.
Tampok sa libro ang sinabi ni Kissinger, noong natatakot ang rehimeng Nixon na mananalo si Allende sa eleksyon: “Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang wala tayong gawin at manood na maging komunista ang isang bansa dahil sa pagiging iresponsable ng sarili niyang mga mamamayan.” Dahil sa ginawa niya sa Chile at ibang bansa, kaisa ng kontra-demokratiko at kontra-komunistang kaisipan niya, maraming nagsasabing kriminal siya sa digma (war criminal).
Dahil kailangan kong ipatupad nang walang alinlangan ang parusang ito, hindi pa nasasaksihan, ng pagbaril sa isang tinutugis na kriminal,
na sa kabila ng mga paglalakbay niya sa buwan ay pumaslang na ng napakarami rito sa lupa sa puntong nagliliparan ang mga papel at napakawalan ang pluma para isulat ang pangalan ng kontrabidang ito na maramihang pumapatay mula sa White House. – Pablo Neruda
At walang matatagpuan ang Kasaysayan na bakas ng mga abo mo sa silungan ng iyong impyerno – Ishmael Reed

Pablo Neruda
At si Nixon, ang nasilong daga nanlalaki ang mata dahil sa takot, ay nanonood sa muling pagsilang ng mga bandilang itinumba.
Araw-araw siyang nagapi sa Vietnam. Sa Cuba, naitaboy ang kanyang ngitngit at ngayon sa nakalibing na madaling araw nginangasab ng hayop na ito ang Chile hindi alam na ang mga Chileanong hindi mahalaga ay magtuturo sa kanya ng leksyon tungkol sa dangal. – Pablo Neruda
Bagamat kahanga-hanga ang ipinakitang tapang (sa paglaban hanggang kamatayan) at dangal (sa pagtupad sa pangakong binitawan niya na lalaban hanggang huli) ni Allende, makikita ang kahinaan ng mga aksyon niya noong araw na iyun. Kusa siyang maagang pumunta sa La Moneda noong nalaman na niyang may nagaganap na kudeta, at ipinagtanggol ito gayung mahigit 40 lamang ang pwersang militar na kasama niya. Sabi nga ni John Berger, Marxistang manunulat, alam ng mahihirap na hindi karuwagan ang umatras sa isang panahon. Sa harap ng mas superyor na kalaban, kailangang umatras at mag-ipon ng lakas, para sumulong at sumagupa sa hinaharap.
Isang mulat na pagsisikap at eksperimento sa “mapayapang landas patungong sosyalismo” ang Unidad Popular at gobyernong Allende – at ipinakita ng karanasan nito ang hantungan ng ganoong pagsisikap. Sa kanyang madamdaming pakikiisa sa mga mamamayang Chileano at paglalagom sa naganap, wastong natumbok ni Castro ang kahinaan: “Kung ang bawat manggagawa at bawat magsasaka ay may ganoong riple [tulad ng ibinigay niya kay Allende at kinutya pagkatapos ng mga maka-kudeta], hindi sana nagkaroon ng pasistang kudeta!” Sabi pa niya, “Imposibleng lumikha ng rebolusyon nang mga mamamayan lang ang kasama: kailangan din ang mga armas!”
Naalala ko lang, isa sa mga batayan ni Fredric Jameson, Marxistang intelektwal na Amerikano, sa peryodisasyon niya ng postmodernismo ang pagkagapi ng sosyalistang pagsisikap sa Chile. Ang totoo, sinabi niyang nagsimula ang postmodernismo – bilang “lohikang pangkultura ng abanteng kapitalismo” noong 1973. Dito pa lang, malinaw nang makikita ang katotohanan sa husga ni Terry Eagleton, Marxistang intelektwal na Ingles, na ang postmodernismo – ang diskursong lumaganap sa akademya – ay diskurso ng pagkabigo ng Kaliwa.
Makabuluhang ihambing ang karanasan ng Chile sa karanasan ng Pilipinas. Bago ang 1973 ng Chile ay ang 1972 ng Pilipinas – ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar at pagsupil sa Kaliwa sa bansa. Sa halip na mapaatras, lalong lumakas ang Kaliwa sa ilalim ng diktadura. Napatalsik si Marcos noong 1986 sa malakas na tulong ng Kaliwa, habang noong 1990 lamang bumaba sa pwesto si Pinochet – para maging punong kumander ng militar hanggang 1998.
Hindi ko alam kung may pagpapatuloy sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ang Kaliwa ngayon sa Chile mula sa panahon ni Allende. Pero tiyak akong mayroong ganyang pagpapatuloy ang Kaliwa ngayon sa bansa mula noong bago ang 1972. Malinaw ang kaibahan: ang pagkakaroon ng armadong kilusan sa Pilipinas at ang lihim na pag-oorganisa sa kalunsuran na naging posible dahil mayroon itong lihim na atrasang ibinigay ng armadong kilusan sa kanayunan.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2338













