Di banta sa paghahari ng mga panginoon
Ang resulta? Aabot sa 10,958 Certificate of Land Transfers (CLT), 9,133 Emancipation Patents (EP) at 2,303 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) na sasaklaw sa mahigit 22,000 na benepisyaryo ang binawi ng Department of Agrarian Reform mula 1987 hanggang 1993, ayon sa Sentra o Sentro Para Sa Tunay na Repormang Agraryo.
Iniulat mismo ng Department of Agrarian Refrom (DAR) noong Setyembre 2007 na may 5,049 EP at 103,392 CLOA ang pinawalang-bisa. Aabot sa 204,579 ektaryang lupain ang saklaw ng mga ito.
Nagpatuloy umano ito hanggang 2007, kung kailan lalong tumindi ang kumbersiyon ng ekta-ektaryang mga lupaing sakahan. Ibig sabihin, sa halip na nakatulong sa pamamahagi ng lupain at pagbasag sa monopolyo ng mga panginoong maylupa, lalo lamang nabigyan ng lehitimong batayan ang kanilang pagmamay-ari. Dahil sa CARP, lalong nawalan ng legal na batayan ang paghahabol ng magsasaka para mapasakanya ang lupang sinasaka. Lalo siyang naalipin sa mga panginoong maylupa.
Siyempre, nanatili ang batayang mga probisyon ng CARP sa panukalang ekstensiyon nito. Ang sinasabi nina Roxas na pagpapalakas, lalong nagpapatibay lamang sa monopolyo ng iilan sa mga lupain. Kasama sa mga “reporma” ang iskemang leaseback arrangement, na nagpapahintulot sa mga dating panginoong maylupa na bawiin ang mga lupa mula sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa pamamagitan ng leaseback agreements.
Kasama rin sa Carper ang paghahabol ng gobyerno sa mga lupaing may 50 ektarya o mahigit matapos ang matagumpay na ulat sa 90 porsiyento ng bawat probinsiya (kasabay daw na dapat hinahabol din ng gobyerno pati ang mga lupaing maliit sa 50 ektarya).
Pero tila hindi rin sasakupin ng Carper ang maraming bilang ng malalaking mga lupain. Marami kasi sa mga lupaing ito ay may mga dispute na nakasalang sa DAR Adjudicatory Board (Darab) na taun-taon nang hindi naaaksiyunan ng naturang ahensiya. Sa mga lupaing may nakasalang na dispute, tumatanggi na ang DAR na pakialaman ito. Isa na namang palusot para sa panginoong lupa para di mapasailalim sa repormang agraryo.
Kung kaya di dapat magtaka sa tila pagbuhos ng suporta ng “naliwanagang” mga mambabatas. Hindi naman talaga seryosong banta ang CARP o ang Carper sa kanilang mga lupain. Sa kaso ni Roxas at ng iba pa, nagiging oportunidad pa ang pagpasa sa Carper para ipamukha sa madla ang kanilang “dalisay na puso” sa pagtulong daw sa mga magsasaka. Siyempre, alam na natin kung bakit aktibo si Roxas sa pagpapakitang maka-masa siya. Napakalapit na nga naman ng 2010.
Samantala, binabalewala ang tanging panukalang batas na may radikal na mga probisyon hinggil sa istriktong pagbawi ng mga lupain at pagbasag sa monopolyo ng iilan sa lupa: ang Genuine Agrarian Reform Bill o GARB. Bakit walang malawakang suporta sa panukalang batas na ito? Dahil, kaiba sa Carper, ang GARB ang tunay na banta sa panginoong maylupa at sa paghahari-harian nila sa ating bansa. (KRG)
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=1651













