Pinoy Weekly

Kuwento ni Garry: Danas at pakikibaka ng isang migrante

Si Garry, hawak ang plakard ng International Migrants Alliance, sa piket sa harap ng Global Forum on Migration and Development sa Manila noong Oktubre 2008. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Si Garry, hawak ang plakard ng International Migrants Alliance, sa piket sa harap ng Global Forum on Migration and Development sa Manila noong Oktubre 2008. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Noong 1996, nakatanggap siya ng balitang pararangalan siya bilang Bagong Bayaning Pilipino ng isang kompanya sa Pilipinas. Umuwi siya noong Pebrero 1997 sa Pilipinas para tanggapin ang award. Atubili siya noon sa pagtanggap ng parangal sa paniniwalang mas marami pang OFW ang nararapat sa parangal, at mas lalong marami pa ang dapat tulungan.

“Nang Abril ng taon ding iyon, bumalik ako sa Korea. Panahon na iyon ng Asian Financial Crisis na sumalanta sa ekonomiya ng maraming bansa sa Asya,” alala ni Garry. Sa Korea, nangangahulugan iyon ng malawakang tanggalan, lalo na sa mga migranteng manggagawa. Maraming migrante ang walang matulugan, walang makain. “Naitanong ko sa sarili, ‘Nasaan ang gobyerno sa lahat ng ito?’” sabi pa niya.

Hanggang mapasama si Garry sa isang diskusyon na inorganisa ng Asia Pacific Mission for Migrants – Hong Kong. Aniya, tumimo sa kanyang isip ang mga natutunan niya sa naturang okasyon tungkol sa karapatan ng mga migrante.

Simula ng pagiging lider-migrante

Dahil sa krisis, napakaraming migrante ang naapektuhan. Hindi lamang mga Pilipino, kasama na nina Garry ang mga migrante mula sa Nepal, Sri Lanka, Bangladesh, Vietnam, Pakistan at iba pa.

Panahon iyon ng pangangalampag nila sa mga embahada. Nagprotesta sila para magkaroon ng tirahan, pagkain, libreng pamasahe pauwi sa Pilipinas at pati pagpapababa sa bayad sa pasaporte. “Sa halip kasi na tugunan ng embahada ng Pilipinas ang mga kahilingan namin, nakuha pa nitong itaas ang bayad sa pasaporte,” sabi pa ni Garry. Isang anyo umano ito ng walang konsensiyang pangingikil sa mga problemadong OFW na nagnanais nang makauwi sa sariling bansa.

Sa panahon ding ito naging kasapi siya ng Kasammako o Katipunan ng mga Samahan ng Migranteng Manggagawa sa Korea. Kaiba sa nauna niyang organisasyong sinalihan, mas lumaki ang kanyang responsabilidad. Bukod sa pagtulong sa mga kapwa OFW, naging aktibo siya sa negosasyon sa mga opsiyal ng embahada, paggigiit ng kanilang mga karapatan, pag-aaral ng mga isyu sa Korea at Pilipinas.

Di kalaunan, napilitan ang kompanyang kanyang pinapasukan na tanggalin si Garry sa trabaho. Naging madalas kasi ang pagliban niya sa trabaho. Noong 1999, napasok naman siyang karpintero sa isang furniture shop. “Hindi naman iyon (ang uri ng trabaho) naging problema para sa akin. Kung tutuusin, mas maluwag iyon para sa akin dahil puwede akong hindi pumasok sa araw,” aniya. Sa gabi na lang niya binabawi ang trabahong hindi nagawa sa umaga.

Lalong lumahok si Garry sa pangangalaga ng karapatan ng mga kapwa migrante sa Korea. Marami sa kanila, biktima ng diskriminasyon ng mga Koreano. Siya mismo, nakaranas nito. “Kung sumasahod ng $2,000 ang isang Koreanong karpintero, sumasahod naman ako ng $500,” sabi niya. ’Wag nang banggitin na wala silang ibang benepisyo dahil kahit sa mga panahong iyon, hindi pa rin dokumentado si Garry.

Bumalik sa Pilipinas si Garry noong 2002. Panahon naman iyon ng kampanya sa pagpapauwi kay Angelo dela Cruz na nabihag sa Iraq. Walong buwan lang ang itinagal niya sa Pilipinas at muling bumalik sa Korea. Subalit noong 2004, muli siyang umuwi sa bansa, panahon naman iyon ng unang pagtakbo ng Migrante Sectoral Party sa eleksiyong party-list. Hindi pinalad na manalo ang Migrante. Pero hindi umalis pa sa bansa si Garry. Nagkasakit siya at mukhang mahihirapan nang mangibang-bayan pa. Dito na siya buong panahong kumilos bilang migranteng aktibista sa ilalim ng Migrante International.

“Sa Migrante, mas naging masaklaw ang tanaw ko sa iba’t ibang kaso ng pambubusabos sa mga migranteng Pilipino,” sabi ni Garry. Dito, hindi lamang mga OFW mula sa Korea ang kanyang nakasalamuha kundi mula sa iba’t ibang sulok ng mundo. Iba’t ibang mukha, pero magkakahawig ng karanasan.

Nahalal si Garry bilang tagapangulo ng Migrante sa nakaraang kongreso nito ngayong taon. Ang karanasan niya bilang migrante ang nagtutulak kay Garry na labanan ang labor export policy ng administrasyong Arroyo.

“Kung hindi ititigil ng gobyerno ang patuloy na pagpapadala ng mga Pilipino sa mga bansang may rekord ng pagmamaltrato sa ating mga kababayan, hindi matitigil ang mga ganitong problema ng mga OFW,” sabi niya.

Sa darating na halalan sa 2010, ito ang nais itulak ni Garry at ng Migrante bilang isa sa pangunahing mga adyente ng mga OFW: ang pagtigil sa polisiya ng gobyerno na mangalakal ng lakas paggawa sa ibang bansa para lamang maisalba ang lokal na ekonomiya.

1 2

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=2152

Posted by on Jun 22 2009. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

No Comment for “Kuwento ni Garry: Danas at pakikibaka ng isang migrante”

  1. ronnie rosello

    hello garry,
    kamusta kana hopefully ay nasa mabuti kang kalagayan…..kamusta na rin si josie at kim….regards sa kanila….

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes